ANOTHER normal and boring day. Alas tres na ng hapon at matatapos na ang mga klase ni Jaidyleen para sa araw na iyon. Natiyaga niya ang dalawang mahirap turuan na estudyanteng Korean. May inaalok din sa kanya na dalawang home tutorial sa weekend. Siya lang naman kasi ang empleyado sa language school na walang pag-aalinlangang isuko ang weekends niya para kumita habang ang ibang kasamahan niya ay walang inisip kundi magsaya at i-enjoy ang sweldo ng mga ito.
Pabalik na siya sa desk nang makasalubong niya ang kasamahang teacher na si Meleena. "Jaidy, may bisita ka."
"Sino?" tanong niya.
"Si Nomer. Kanina pa nga niya hinihintay na matapos ang klase mo."
"Si Nomer?" Bumilis ang tibok ng puso niya. Si Nomer ang dati niyang nobyo. Ang nag-iisa niyang naging nobyo. Dati niya itong manager sa language school. Wala na siyang masasabi dahil perfect boyfriend ito. Magkasundo sila sa lahat ng bagay at nirerespeto sya nito. Anim na buwan na ang relasyon nila nang yayain siya nitong magpakasal. Gusto rin daw nito na mag-focus siya sa pagiging plain housewife na di naman niya sinang-ayunan dahil kailangan siya ng pamilya niya. Breadwinner siya at pamilya niya ang priority niya.
Masakit ang naging paghihiwalay nila dahil kinailangan niyang mamili sa pamilya at pag-ibig. Nag-resign si Nomer at nagtrabaho sa Korea. Nandito ba ito para balikan siya? Kaya ba nabuhay ulit siya dahil may pangalawang pagkakataon na para sa kanila?
Magagaan ang hakbang niyang tinungo ang coffee room kung saan masayang kakwentuhan ni Nomer ang mga dating kasamahan. "Nandito na pala si Jaidyleen. Maiwan na namin kayo," sabi ng supervisor niya.
Parang tumigil ang oras. Matagal na panahon niya itong di inisip dahil ayaw niyang pagsisihan ang pagtanggi niya sa pagpapakasal dito.
Tumawa ito at sinalubong siya ng yakap. "Maganda ka pa rin. Walang nagbago. Except that I like your tan. Galing ka daw sa Guimaras."
"Kasama ko sila Ate Armine. Naalala mo ba sila?"
"But of course. In-encourage pa nga kita na lumabas kayo dati, di ba? Mabuti naman at naisipan mo ring lumabas ng lungga mo. Good," anito at tumango-tango. Isa sa mga ayaw nito noon ay lagi siyang may oras sa trabaho at sa pamilya niya pero di niya ito masyadong mapagtuunan. Pakiramdam daw nito ay naaabuso ang pagiging maunawain nito. Wala kasi siya halos kaibigan hanggang dumating sila Armine at ang iba pa na nakilala niya sa isang reader and writer's seminar. Magkakasama sila sa isang table at nagkasundo-sundo dahil pareho ang hilig nila.
"Kumusta ka na?" tanong niya at pinagsalikop ang mga kamay.
Di niya alam kung paano pipigilan ang excitement. Tatlong taon itong nawala. At alam niya na siya lang ang babaeng inalok nito ng kasal kahit may iba na itong naunang nobya. Baka siya pa rin nga ang mahal nito.
Ngumiti ito at nagniningning pa ang mga mata. "Better than ever. Nandito lang ako para ipamigay ang imbitasyon sa kasal ko."
"Kasal mo?" Natulala siya. Kasal agad samantalang di pa naman siya nito inaalok. Sabagay baka naghanda ito ng tatlong taon para sa kasal nila. Baka ito ang sorpresa sa kanya ng binata. Lahat ng lungkot niya sa loob ng ilang taon na pagkakalayo nila ay naglaho. Isang napakagandang sorpresa nito.
Inabot nito ang imbitasyon sa kanya pero hindi Jaidyleen Ruiz ang nakalagay na pangalan ng bride kundi Charity Gracia. Charity Gracia… who the hell? Hindi naman siya nagpalit ng pangalan. Lalo siyang na-shock nang makita ang babae sa larawan. Hamak mas maganda siya dito. Mukhang nanay na nanay na at matanda ng sampung taon kay Nomer. Anong nangyayari? Bakit hindi siya ang pakakasalan nito?
"Nagkita ulit kami ng kababata ko sa Seoul. Biyuda na pala siya at may dalawang anak. Nagkapalagayan kami ng loob. Crush ko siya noong elementary pa lang ako kahit matanda siya sa akin ng apat na taon. Di na siya tumanggi nang alukin ko siya ng kasal. Masaya ako dahil may pamilya na ako. Iyon naman ang pangarap ko."
Parang may sibat na tumagos sa puso niya. Pangarap nito na magkaanak at magkapamilya sa lalong medaling panahon. Parang binuhusan siya ng malamig na tubig dahil iyon ang katotohanan - hindi niya kayang ibigay dito ang pangarap nito. Hanggang ngayon ay hindi pa siya handa.
Pililt na lang siyang ngumiti kahit na ang pakiramdam niya ay sinampal siya nito. "G-Good for you. Masaya ako na matutupad ang pangarap mo."
"I am sorry. Hindi ko na mahintay na maging handa ka. I still love you but I have my own dreams and needs. At alam ko na kapag naghintay ako, di pa rin naman ako ang magiging priority mo." Di maitago ang kapaitan ng tono nito. Hanggang ngayon ay masama pa rin ang loob nito na mas pinili niya ang pamilya niya kaysa dito.
Itinaas niya ang palad habang pinipigil niyang mapaiyak. "Know what? Don't say anything. Tapos na iyon. Matagal na tayong hiwalay. Masaya ako para sa iyo."
"Gusto ko rin na maging masaya ka, sa maniwala ka at sa hindi." Tiningnan siya nito mula ulo hanggang paa. "Look at you. You are wasting your life away. Sana makahanap ka ng kaligayahan sa labas ng pamilya mo. You need your own personal happiness. Baka kung kailan gusto mong maging masaya, huli na pala ang lahat. Lumagpas na ang pagkakataon para sa iyo. Have a good life."