Chapter 5 - Chapter 3

Manhid ang pakiramdam niya nang bumalik sa cubicle niya habang lukot sa kamay niya ang wedding invitation para sa kasal ni Nomer. Bakit pa ba ito bumalik? Hindi pa ito Masaya na natagpuan nito ang kaligayahan nito? Bakit kailangan pa nitong ipamukha sa kanya ang kamiserablehan niya at ang pangarap niya na malayo pa niyang maabot.

Sariling kaligayahan. Sariling pamilya. Pangarap labas sa pamilya niya.

Wala siya ng lahat ng iyon. Ang mayroon lang siya ay nakakapagod na trabaho, santambak na responsibilidad sa pamilya niya at buong angkan niya at santambak na bayarin. Ni wala siyang libangan. Walang pag-ibig. Wala siyang dahilan para humalakhak man lang.

She felt old and worn-out. Ito ba ang buhay na gusto niyang balikan? Mabubuhay at mamamatay siya nang walang kaligayahan? Ayaw niya ng ganito. Ayaw na niya.

Umupo siya sa swivel chair at ihinarap patalikod sa entrada ng cubicle niya. Di na niya mapigilang lumuha nang tahimik. Minsan din naman ay napuno siya ng mga pangarap. Ito ba ang babalikan niya sa ibinigay sa kanyang pangalawang buhay?

Walang pag-ibig. Walang pagbabago.

May kumatok doon. "Miss Jaidyleen, okay ka lang?" tanong ng bagong instructor nila na si Foxx.

"Ayos lang ako," wika niya at pinahiran agad ng tissue ang luha.

"Iniiyakan mo ang ex mo, no?"

"May kailangan ka ba?" may katarayan niyang tanong at di ito hinarap.

"Huwag mong iyakan ang ex mo. Di naman siya kaguwapuhan." Isang linggo pa lang ito sa kompanya pero marami na itong kaibigan dahil palakaibigan ito.

Medyo nairita siya sa pagiging pakialamera nito. Ipinihit niya ang swivel chair at iritado itong hinarap. "Ano naman ang alam mo sa nararamdaman ko? Na-in love ka na ba?" Mukhang bata pa ito. Nasa early twenties lang at mukhang fresh graduate. Anong alam nito sa pag-ibig? O sa mga responsibilidad at hinanakit sa buhay? Mukhang ang alam pa lang nito ay magpakasaya. Ang pumunta sa mga parties at makipag-date.

"In love?" Isang mataginting na halakhak ang pinakawalan nito. "Kalokohan ang pag-ibig na iyan. Hindi dapat sineseryoso. Maikli lang ang buhay. Dapat ay mag-enjoy at magtampisaw lang sa mga guwapo. So many boys, so little time. Para makalimutan mo ang ex mo, isasama kita sa isang lugar na puro guwapo at magaganda ang mga katawan."

"Saan? Sa gay bar? O sa strip club? Di ako pupunta sa ganoong lugar saka wala akong pambayad doon." Pambihira naman! Bibigyan lang siya ng karamay, doon pa siya dadalhin sa may kahina-hinalang reputasyon. Baka lalo lang siyang maiyak doon. HIndi naman siya ganoon kadesperada.

Kumislap ang mata ng babae at tumaas-taas ang kilay. "Libre lang ang pupuntahan natin at makakasama mo pa ang mga guwapong ito."

Inilapag nito ang isang sports magazine sa harap niya at frontcover ang isang lalaking may mahabang brown na buhok na hanggang balikat, pangahan, matangos ang ilong at may maamong light brown na mata na nagpatulala sa kanya nang unang beses pa lang niyang makita sa TV. Kulang na lang kasi dito ay halo at anghel na ito. Twenty-eight years old ito at hinahabol ng mga kababaihan dahil wala pang girlfriend.

"Si Angel Aldeguer? Ito ang crush kong football player? Pwede kong makita nang personal at libre?" Kumurap siya habang nakatitig sa guwapong mukha ni Angel at saka tumingin kay Foxx. "Seryoso ka?"

He was really an angel. Dahil ito ang lalaking tumulong sa kanya kaya nabawi niya ang bag na hinablot sa kanya ng mga batang palaboy sa Luneta. Her football demigod. Hindi lang niya ikinukwento ang pangyayaring iyon dahil tiyak na walang maniniwala na minsan nang nag-krus ang landas nila ni Angel.

Ilang beses na niya itong gustong makita. Baka sakaling maalala siya nito pero lagi siyang walang panahon. Baka di na siya nito maalala. Isa pa ay parang kataksilan kay Nomer na magnasa siya sa ibang lalaki. Ngayon ay wala na silang pag-asa ni Nomer. Malaya na siyang puntahan ang lalaking lihim niyang pinapangarap. Ang tunay niyang anghel.

"Oo naman. May laro sila ngayon at malapit lang doon ang bar ng tito ko. Sama ka na. Mag-e-enjoy ka. Maraming guwapo doon," kinikilig nitong sabi at mukhang bihasa na ito pagdating sa larangan ng paghahabol sa mga guwapo.

"Pero-" may overtime pa sana siya. Paano ang mga bayarin? May oras pa ba siya para manood ng isang sports na hindi naman niya maintindihan at maghabol ng lalaki para sa kaligayahan?

Huminga siya ng malalim. Babalik na naman ba siya sa dati niyang boring na buhay? Palalagpasin ba niya ang pagkakataong ito?

Look at you. You are wasting your life away. Sana makahanap ka ng kaligayahan sa labas ng pamilya mo. You need your own personal happiness. Baka kung kailan gusto mong maging masaya, huli na pala ang lahat.

Umalingawngaw ang sinabi ng dating nobyo sa isipan ni Jaidyleen. Ano naman ang masama kung minsan siyang maging masaya? Gasino bang pagbigyan naman niya ang sarili.

"Kung pinoproblema mo ang make up mo, ako ang bahala. Aayusan kita. Ililibre pa kita ng dinner." Pinagsalikop nito ang palad. "Please? Wala kasing gustong sumama sa akin sa game mamaya. Saka ayoko rin naman nakikitang may kasamahan ko na malungkot. Sige na. Malay mo matulungan kita na maging masaya," ungot ni Foxx.

Feeling yata nito ay ito si Tinkerbell na laging may dalang fairy dust para pasayahin ang mga tao. Maganda naman ang intensiyon nito at bakit nga ba di niya ito pagbigyan? Wala namang mawawala sa kanya. Isang taong nagmamalasakit ang kailangan niya ngayon.

"Okay," nausal na lang niya.

"Um-oo ka na. Yes!" Ginagap nito ang kamay niya at pinisil. "Hindi ka magsisisi. Daanan kita mamaya. Huwag magbabago ang isip mo ha?"

Lumabas ito ng cubicle. Naiwan sa kanya ang magazine at ang guwapong mukha ni Angel na nakatunghay sa kanya sa kanya. A little fun. A little happiness.

Gumuhit ang ngiti sa labi niya. Magkikita ulit tayo.