Chapter 6 - Chapter 4

PARANG sasabog ang utak ni Jaidyleen sa ingay ng football stadium. Punong-puno ng nagtitiliang mga fans at dagundong ng mga drums. Hindi pa man nagsisimula ang game pero buhay na buhay na ang buong stadium. Parang gusto na niyang umurong. Di siya sanay sa maingay na lugar.

"Doon tayo sa unahan uupo," sabi ni Foxx at hinila siya sa grupo ng mga manonood na nakasuot ng dilaw at itim. "Para mas makita nating mabuti ang game."

"Foxx!" tili ng mga manonood sa bandang unahan at kumaway sa kanila. Sinalubong si Foxx ng beso-beso ng mga ito.

"Si Jaidyleen kasama ko sa trabaho." At isa-isang ipinakilala sa kanya ang mga kasama nitong football fans din.

Binigyan siya ng flaglet ni Lime. "Buti naisama ka ni Foxx. Madalang magsama ng kaibigan iyan. Sana tumulong kang mag-cheer sa El Mundo Football Club."

"Uhmmm... Ang totoo wala pa akong masyadong maintindihan sa football." Hindi niya alam ang mga club-club. "Iilan lang sa national team ang kilala ko dahil nanonood ang tatay ko sa TV kapag may international game."

"Sino lang pala sa national team ang kilala mo?" tanong naman ni Emcel.

"Crush niya si Angel," sabi ni Foxx.

Pinisil niya ang braso nito. "Ano ba? Nakakahiya naman." Di kasi siya sanay na sinasabi kung kani-kanino kung sino ang lalaking gusto niya. Di naman kasi niya ugaling i-share sa mga tao sa opisina ang tungkol sa gusto niyang mga artista o kaya ay celebrity. Di siya ang tipong kinikilig-kilig na parang teenager dahil may reputasyon siyang pinangangalagaan. Isa siyang guro.

"Ayos lang. Kaya nagsasama-sama tayo dito dahil sa mga crush nating players," sabi ni Carmi. "This is a league game. Kanya-kanyang club ang mga national team. Dito sila maglalaban-laban. Sa mga club may kahalo silang foreign players."

"Ah! Kumbaga sa PBA may import," wika niya at tumango. "At si Angel..."

"Nasa El Mundo Football Club siya." Biglang tumayo si Foxx at iwinagayway ang flaglet. "Tumingin ka sa camera. Dali!"

"Camera?" tanong niya.

"Naka-televise tayo. Makikita tayo on national TV dahil live ang telecast nila ngayon."

"Ano?" bulalas niya. Nanlaki ang mata niya nang makitang patungo sa direksiyon niya ang TV camera. Yumukyok sa likuran ni Foxx. "Hindi ako pwedeng makita sa TV."

Hindi siya nag-overtime. Ano na lang ang sasabihin ng boss niya at mga kasamahan sa trabaho? Mababahiran ng di maganda niyang pangalan sa kompanya. Tiyak na maghuhurumentado ang nanay niya dahil sa dami ng mga bayarin nila. Ano ba ang pumasok sa kukote niya at nanood pa siya ng game? Di naman siya ganoon kahayok sa guwapo. Wala nga siyang tiniliang artista. Sapat na sa kanya na manood ng pelikula at TV o kaya ay makinig ng mga balita sa showbiz. Kung kailan pa siya nagkaedad ay saka pa siya magkakaganito.

"Hindi naman nila malalaman na ikaw iyan. Maganda ang pagkaka-make up ko sa iyo. Hindi ka nila makikilala," sabi ni Foxx at nilingon siya.

"Talaga?" aniya at tiningala ito.

"Saka ano naman kung makita ka sa TV? Tapos na ang oras ng trabaho. Paminsan-minsan kailangan mo rin mag-relax."

Hindi niya alam kung paano siya magre-relax doon. Parang minamartilyo pa nga ang ulo niya dahil sa tindi ng ingay. Maya maya pa ay dumagundong ang buong stadium sa pagdating ng mga players para mag-warm up sa field. Tumutok agad ang mata niya sa matangkad na manlalaro na may mahabang brown na buhok. Mula sa kinauupuan niya ay may sampung metro ang layo nito sa kanya. "Angel!" narinig niyang tilian ng mga kababaihan sa paligid niya pero di niya magawang sabayan ang mga ito.

Pakiramdam niya ay tumigil ang mundo niya nang tumingin si Angel sa direksiyon niya at ngumiti. "Diyos ko, ang guwapo niya talaga. Parang nakakita ako ng aparisyon," nausal na lang niya hanggang lumagpas si Angel sa kanila at inakbayan ang isa pang manlalaro na si Misagh. "Alam ko na ngayon kung bakit binuhay ako ng Diyos. Para makita siya." Muli. Baka sakaling sa pagkakataong ito ay mapasalamatan na niya ito ng pormal.

"Welcome to the club," nasisiyahang sabi ni Foxx.

She was having a hard time catching up with the game. Para sa isang bagong manonood na ang naiintindihan lang ay ang goal para maka-score at kung sino ang guwapong player sa pitch o field. Nalilito pa rin siya dahil minsan ay masyadong mabilis ang mga pangyayari sa field. Mahirap yatang sabay na pag-aralan ang laro lalo na't ang mata niya at pilit na naka-focus kay Angel.

And she couldn't help it. Paano ay kahanga-hanga ang galaw nito habang nasa field. Kung pwede nga lang ay ito lang ang panoorin niya.

Napasigaw na naman siya nang mapunta kay Angel ang bola. "Go, Angel! Go!"

Kinalabit siya ni Foxx. "Hindi siya nakakaintindi ng English."

"Ganoon ba?" tanong niya. Itinaas niya ang flaglet niya. "Vamos, Angel! Vamos!"

Mabilis na mabilis ang tibok ng puso niya habang nakasunod ang mata niya dito. Mistula itong anghel na mandirigma - malaki, matikas, mabilis at animo'y lumilipad at nakakadagdag pa sa kakisigan nito ang paglipad ang buhok nito. She was hooked.

Parang nadurog ang puso niya nang makita itong patirin ng isang kalaban at agawan ng bola. Namilit ito sa damuhan dahil sa sakit pero di man lang tumawag ng foul ng referee. Patuloy pa rin ang laro. "Ay grabe ka naman, Ref! Kawawa naman ang amore ko."

Di naman siya maingay kahit na kapag nanonood ng game. Ayaw kasi ng maingay ng tatay niya. Game lang daw iyon kaya di siya dapat nagpapadala sa emosyon. Nang mga oras na iyon ay wala siyang pakialam. Lahat naman kasi ay emosyonal sa game.