Nakaupo si Jaidyleen sa pinakataas na baitang ng hagdan habang pinagmamasdan ang galaw ng mga tao sa baba ng bahay. Ordinaryong umaga iyon sa bahay ng pamilya Ruiz sa Montalban. Naghahanda nang pumasok sa eskwelahan ang pinsan at bunso niyang kapatid. Habang ang nanay naman niya ay abala sa paghahain ay nagbabasa ng diyaryo ang tatay niya at nagkakape dahil maya maya lang ay pupunta na ito sa maliit na lupain nila sa tabi ng ilog para tingnan ang mga pananim nilang gulay.
"Iyan kasi! Puyatan nang puyatan sa internet shop. Facebook nang Facebook. Ligawan nang ligawan. Sa susunod na gabihin pa kayo, di ko kayo papapasukin ng bahay. Mas inuuna pa ninyo pakikipagligawan kaysa mag-aral. Mga lintek!" sermon ni Aling Mona habang naghahain ng agahan.
"Kung may internet sana tayo dito sa bahay, hindi na naming kailangang lumabas," reklamo ni LuAnn at nakanguso siyang tiningala. "Si Ate kasi e."
Kung normal na pagkakataon ay sinabihan na niya ang bunsong kapatid tungkol sa kung paanong nagtitiyaga lang siya sa pagre-research sa library noong panahon niya. Na naka-graduate siya ng high school with flying colors nang di kinakailangan na mag-internet. Pero tahimik lang siya.
Normal na araw lang iyon sa bahay nila pero pakiramdam niya ay hindi siya normal. Kauuwi lang niya nang nagdaang gabi mula sa tatlong araw niyang bakasyon kasama ang mga kaibigan niya sa Guimaras. Sa unang pagkakataon yata ay nakatikim siya ng bakasyon at nakapag-relax mula sa pagiging guro sa language school sa Quezon City. Ilang araw na katahimikan at kapayapaan na walang iniisip na responsibilidad o trabaho. Sarili lang niya ang inintindi niya.
Subalit isang masamang pangyayari ang nangyari nang pabalik na sila sa resort kung saan sila tumutuloy mula sa island hopping nila. Tumaob ang sinasakyan nilang bangka. Maswerteng nakaligtas sila at di gaanong nasaktan maliban sa ilang galos at bugbog dahil sa pagkakatama ng ilang piraso ng parte ng Bangka at sugat sa pagsalya sa kanila ng alon sa mataas na dalisdis ng bato na nagsilbing kanlungan nila habang naghihintay ng rescuer.
Higit sa mga pisikal na marka ay naroon ang takot na natanim sa puso niya kasama na ang maraming katanungan - ano ba ang iiwan niya sa mundo kapag namatay siya? Nasulit ba niya ang pananatili niya sa mundo? Nagawa ba niya ang lahat ng gusto niya? Payapa ba siyang aalis sa mundo o manghihinayang? Kasunod ang maraming sana… sana… sana…
"Jaidyleen! Jaidyleen!"
Napapitlag siya nang may tumapik sa tuhod niya at nagulat siya nang makita ang nanay niya sa harapan niya. "Po?" tanong niya at marahang inangat ang mata dito.
"Ano bang nangyayari sa iyo at kanina ka pa tulala diyan? Naghihintay na ang pagkain mo. Aba'y parang nananaginip ka pa ng gising," sabi nito at ipinitik ang daliri sa mukha niya.
Kumurap siya at ipinilig ang ulo. "Wala po. Pagod lang po ako. Grabe rin po kasi ang ibiniyahe namin tapos traffic pa kagabi."
Ang totoo ay gusto niyang magkwento sa nanay niya. Yakapin ito at sabihin dito ang lahat ng takot niya. Pero tiyak na lalo lang itong magagalit sa kanya. Tutol kasi ito na magtungo siya sa Guimaras para magbakasyon. Nagpilit lang siya dahil naisip niya na minsan lang niya iyon gagawin sa buhay niya. Na sa unang pagkakataon ay sarili naman niya ang inisip niya - hindi ang overtime sa trabaho o hindi ang mga bayarin sa bahay.
Dumilim ang mukha ni Aling Mona. "Huwag mong sabihin na hindi ka papasok ng trabaho?" Namaywang ito. "Tatlong araw kang nagpakasaya sa at nagliwaliw. Aba! Hindi ubrang um-absent ka pa ngayon. Marami tayong bayarin kung alam mo lang."
Nang banggitin ang salitang "bayarin" ay sumigid agad sa sentido niya ang sakit. "Hindi po ba nakapagbigay na ako ng budget para sa mga bayarin natin bago ang flight ko? Nagpasobra pa nga ako in case may biglang bayarin. Ano nang nangyari doon?"
Nakangiwi itong ngumiti at pinagsalikop ang mga palad. "Ano kasi… di pa daw makakapagpadala ang Tita Lumen mo. Di pa daw kasi siya pinapasweldo mo kaya ipinambayad ko muna sa pang-tuition ni Billy ang pambayad natin."
"Ano?" bulalas niya sa mataas na boses at pakiramdam niya ay umakyat na sa ulo niya ang dugo niya. "Bakit di ninyo sinabi sa akin?"
"Kasi susuweldo ka naman sa isang linggo. Saka ibabalik naman din iyon."
Pakiramdam niya ay nawalan ng kwenta ang tatlong araw na pagre-relax niya at pagbabakasyon. Lalo lang siyang na-stress. Wala naming kaso sa kanya kung tumira sa kanya ang pinsan niya. Ayos lang din kung mag-aabono paminsan-minsan. Pero lagi na lang siyang nag-aabono pero di naman bumabalik ang pera sa kanya. Ang siste ay sila ang nakukulangan ng budget at kinakailangan niyang mag-overtime at isakripisyo ang mga personal niyang pangangailangan para lang mapunan ang kakulangan sa pera. Twenty-six na siya pero parang wala siyang nararating.
Isinubsob niya ang mukha sa palad. "Nay, hindi naman po tayo mayaman. Di naman biro-biro ang itinatrabaho ko para lang matustusan ang mga pangangailangan dito sa bahay. Halos ako naman ang solong katawan na kumakayod dito."
Hindi na niya maiwasang maglabas ng sama ng loob. May maliit na tindahan ng iba't ibang damit, sapatos, tsinelas, bag at iba pang accessories ang magulang niya sa bahay nila mismo pero gusto niya ay personal na kita na iyon ng mga magulang niya. Pero di naman kaya ng puso niya kung pati buong angkan ay tutustusan niya.
Gusto na niyang maiyak dahil sa awa sa sarili. Lagi na lang kasing ganito. Basta may kamag-anak sila na may kailangan ay sa kanila tumatakbo. Di naman matiis ng nanay niya at bukas-palad lagi itong tumulong kahit na walang-wala na sila. Kaso ay siya naman ang namomoroblema kapag may kulang sila sa budget. Maswerte na kung may magbabalik ng nahiram na pera. Mas magagarbo pa ang mga cellphone at appliances ng mga kamag-anak nilang nangungutang sa kanila. Samantalang heto sila at pilit na pinagkakasya ang lahat. Naaabuso na siya pero may karapatan ba siyang tumutol? Wala.
Umasim ang mukha ni Aling Mona. "Wala naman sana tayong problema sa budget kung di ka tumuloy sa Guimaras na iyan. Gastos lang naman iyan. Tapos mukhang mas pagod ka pa kaysa pagbalik mo. Nag-aksaya ka lang ng pera."
"Mona, tigilan mo na nga ang katatalak sa anak mo. Huwag mo siyang pilitin. Kita mo ngang nagkakasakit na iyan minsan sa katatrabaho," saway ni Mang Hernan sa nanay niya. "Buti naman makapag-relax iyan minsan at makakilala ng bagong tao. Tatandang-dalaga na iyan dahil wala na siyang inintindi kundi mga bayarin dito. Hayaan mo naman siyang magkaroon ng sariling buhay."
"Nangako siya na hindi siya mag-aasawa hangga't hindi pa nakakatapos ng pag-aaral si LuAnn. Ipinapaalala ko lang ang responsibilidad niya," wika ni Aling Mona at saka nagdadabog na umakyat ng hagdan. "Magkampihan kayong mag-ama. Bwiset!"
Nakangiting lumapit sa may puno ng hagdan si Mang Herman. "Huwag mo na lang pansinin ang nanay mo. Mainit lang ang ulo niyan dahil hindi pa nagbabayad ang pinautang niya. Kumain ka na ng agahan. Gusto mo bang ikuha kita ng gamot para mawala ang pananamlay mo?"
"Vitamins lang po ang katapat nito, Tay. Salamat po," sabi niya at bumaba ng hagdan.
Mas magaan ang loob niya sa tatay niya. Minsan nga ay mas nakakapaglabas pa siya ng sama ng loob dito kaysa sa nanay niya. Matiyaga kasi ito kung makinig. At kung may pagkakamali man siya ay pinapayuhan siya nang maayos. Hindi tulad ng nanay niya na di pa nga tapos ang buong istorya ay rumaratrat na ang bunganga na parang armalite. Nakaka-stress.
Papadulog na siya sa mesa nang bumukas ang pinto at pumasok ang tatlong taon niyang pamangkin na si Lian. "Tita, good morning! Nandito ulit kami," sabi nito at yumakap sa kanya.
"Mabuti naman dumalaw ka, bay ko. Ibinili ko kayo ng baby brother mo ng T-shirt." Kasunod nito ay ang kapatid niyang si Rose na dala ang siyam na buwan nitong anak na si Luke. Dalawang malaking bag ang nakasukbit sa balikat nito. "O! Bakit marami ka yatang dala?"
Humikbi ito. "Hiwalay na kami ni Owen. May iba siyang babae. Ang kapal talaga niya. Ayoko nang bumalik sa kanya."
Hindi na siya kumbinsido sa drama nito. Di pa man ipinapanganak si Lian ay iyon na ang drama nito. Na kesyo batugan daw at di nito kasundo ang boyfriend nitong si Owen. Kaya nga di nagpakasal ang mga ito para walang problema. Ang siste, di na nga matustusang mabuti ang anak nito dahil ito ang solong nagtatrabaho, humirit pa ng pangalawang anak.
"Pwede bang dito muna kami?" tanong ni Rose sa tatay niya. "Sa inyo ko rin muna iiwan ang dalawang bata habang nagtatrabaho ako."
"Siyempre naman, anak." Kinuha ni Mang Hernan si Luke mula dito at masayang naglaro ang maglolo. "Kumain muna kayo. Mag-aagahan pa lang kami."
"Ate, baka naman pwedeng mangutang. Kulang kasi ang panggatas ng mga bata," pakiusap ni Rose sa kanya sa namumugtong mga mata.
Bumuntong-hininga siya. Ano pa ba ang magagawa niya kundi ang tumango?
Ito ang normal niyang buhay. Sanay na siya. Pero bakit pakiramdam niya ay gusto niyang kumawala mula sa buhay na iyon… sa kahit anong paraan. Pero paano?