Chapter 2 - Prologue

Isang malungkot na ngiti ang sumilay sa labi ni Jaidyleen nang umupo sa tabi ng dancing fountain sa Luneta. Habang unti-unting nagdidilim ang paligid ay isa-isa namang nag-aalisan ang mga tao dahil sa nagbabantang ulan. Subalit di siya natinag sa kinauupuan. Apat na taon na ang nakakaraan nang sagutin niya doon ang dating nobyong si Nomer.

Natigilan siya sa pagninilay-nilay nang mag-ring ang cellphone niya. Tumatawag ang kaibigan niyang si Ratchelle. Sinagot niya iyon. "Hoy, Jaidyleen! Nasaan ka? Maaga ka daw nag-out sa trabaho. Katatawag ko lang doon."

"Nandito ako sa harap ng dancing fountain sa Luneta."

"Anong ginagawa mo diyan? Ang layo naman ng narating mo." Sa Quezon City ang language school kung saan siya nagtuturo.

"Ngayon ang fourth anniversary namin ni Nomer."

"Anong fourth year anniversary? Break na kayo, lukring. Matagal na kayong break at kasalanan mo," paalala nito sa kanya.

Apat na taon na sana ang masayang relasyon nila kung hindi lang sila nagkahiwalay. At alam niyang siya ang may kasalanan. Siya ang dahilan kung bakit ito lumayo at ngayon ay nagtatrabaho sa South Korea.

Huminga siya ng malalim. "Naisip ko lang na sana naintindihan niya kung bakit di ko basta-basta maiiwan ang pamilya ko. Mahalaga sila sa akin."

"Umaasa ka bang babalik siya sa iyo?"

"Bakit naman hindi?" Ang huling balita sa kanya ay hindi nagkakanobya si Nomer. Di pa rin ito nag-aasawa. Ibig sabihin ay di pa rin siya nito nakakalimutan.

"Bahala ka na nga sa pagse-senti mo. Asa ka pang babalik siya sa iyo," pakli nito.

"Wow! Salamat sa moral support, friend. You are so dear," sarkastiko niyang wika.

"Walang anuman," malambing pang sabi ng kaibigan.

Di na lang niya inisip ang mga malulungkot na pangyayari sa pag-iibigan nila ng dating nobyo. Sa halip ay sinariwa niya ang masasaya nilang alaala. Sa lugar na ito niya mismo sinagot. Napakasaya nilang dalawa. Nakakalungkot lang dahil kailangan pa siya nitong papiliin. Kung nakapaghintay lang sana ito sa kanya.

"Wala. Asa ka pa. Di ka na babalikan ng boyfriend mo, ate," tukso ng isang batang dugyutin sa kanya. Nakatayo ito di kalayuan sa kanya at nakabelat pa.

Nagpanting ang tainga niya. "Anong sinabi mo?"

"Di ka na babalikan ng boyfriend mo. Kawawa ka naman," anito at binelatan siya.

Nag-init ang ulo niya. Tumayo siya at dinuro ito. "Aba't talagang panira ka ng araw. Wala kang magawang matino sa buhay mo."

Biglang may humablot sa bag niya at isa pang batang gusgusin ang may hawak nito. "Sibat na!" sigaw nito at tumakbo palayo. Pambihira! Diversionary tactics lang iyon para pala makuha ang hand bag niya. Masyado siyang nagpadala sa emosyon niya kaya nautakan siya. Nautakan siya ng dalawang batang kalye.

"Hoy! Ibalik ninyo ang bag ko!" aniya at hinabol ang batang may dala ng bag niya. "Tulungan ninyo ako! Ninakaw ang bag ko!"

Sobrang bilis ng bata. Hindi na niya mahabol. Ni wala man lang tumutulong sa kanya. Nawawalan na siya ng pag-asa na mahahabol niya ito. Ano nang mangyayari sa kanya ngayon? Naroon ang pera niya at ang lahat ng identification niya at mga card. Ang bag niya..matagal niyang pinag-ipunan iyon. Paano na ang gastusin ng pamilya niya?

Naiiyak na siya nang iisang bola ang biglang humaginit mula sa kung saan. Tumama iyon sa paa ng bata at natalisod ito. Bumagsak ang bata sa damuhan at nabitawan ang bag. Tinangkang bumangon ng bata para kunin ang bag pero isang lalaki na matangkad at may hanggang balikat na brown na buhok ang dumampot ng bag.

"That's mine!" wika niya at lumapit dito.

Nakangiti nitong inabot ang bag sa kanya. Natulala siya nang mapagmasdan ang bayani niya. Mukha itong anghel. Malamlam ang light brown nitong mga mata, matangos ang ilong at maganda ang ngiti sa mga labi nito. Nakalimutan na niya ang bata at ang bag niya. Ang naramdaman na lang niya ay ang mabilis na tibok ng puso niya.

"Okay?" tanong nito at ikinaway ang palad sa mukha niya.

"Y-Yes. Thank you," sabi niya at kinuha ang bag mula dito.

Kumunot ang noo nito. Hindi ba nito nagustuhan ang pagtitig niya dito? Mukha naman kasi siyang tanga. Parang noon lang siya nakakita ng guwapong lalaki. Malakas ang tibok ng puso niya. Hindi ito dahil sa takot. It was this man who made her heart beat like crazy. Hindi naman siya ganito kay Nomer.

Si Nomer. Nandito siya dahil anniversary nila pero sa ibang lalaki na di naman niya kilala naghuhurumentado ang puso niya. Mali yata ito.

Biglang tumalikod si Jaidyleen at naglakad palayo. Ni hindi siya nag-abalang lingunin ang lalaki. Nakakahiya kasi. She was staring at him with her mouth open. Dali-dali siyang pumara ng FX at sumakay. Ano bang nangyayari sa kanya?

Saka lang siya nagkalakas ng loob na tingnan ang lalaki. Nakatayo ito sa kalsada habang hawak ang bola ng soccer at nakatanaw sa kanya. Nakakahiya. Ni hindi niya ito napasalamatang mabuti. Ni hindi niya nakuha ang pangalan nito. Nakadama siya ng panghihinayang.

Magkikita pa kaya silang muli?