Chereads / Marry Me Or I Will Marry You / Chapter 3 - Kabanata 1

Chapter 3 - Kabanata 1

Author Note: Ang pakikipag usap sa pamilya ay mahalaga dahil dito maaayos ang lahat ng kahit anong bagay na nagaganap sa loob ng tahanan.

Fiction story lang po ito, pero 'wag gagayahin...

"What?" bulalas ni Franki, hindi makapaniwala. She was in the dining room, having dinner with her family.

"Maupo ka!" makapangyarihang utos ng kanyang ama nang makita siyang tumayo.

Nanatili siyang nakatayo at masama ang loob na tumingin sa mukha ng ama.

"Hindi ako papayag sa gusto n'yo, Dad!" aniyang buo ang loob. "Paano ako magpapakasal sa isang lalaking never ko pa nakilala o nakita man lang?"

"Kaya nga pag-uusapan natin ngayon. Bukas, pupunta sila rito para magkakilala kayo ng magiging asawa mo."

Sumimangot siya sa narinig. Sa edad niyang dalawampu't tatlo, hindi pa niya naranasan magkaroon ng nobyo dahil sa sobrang higpit ng mga magulang nila. Tapos ngayon, gusto siyang ipakasal. Aba, hindi talaga siya makakapayag!

Gusto niyang maranasan ang totoong pag-ibig sa lalaking mamahalin. Gusto niyang maranasan ang tinatawag ng karamihan na "Romance Of Love". Pero hindi ganito!

Jusme! Basta na lang kumuha ng kung sinong poncio pilato ang kanyang ama.

"Dad, ano naman ang alam ko sa pag-aasawa? Hindi ba pwedeng ma-experience ko muna ang magkaroon ng totoong nobyo? Huwag naman ganito, pinangungunahan n'yo ang magiging buhay pag-ibig ko!" Medyo malakas yata ang boses niya dahil marahas na pinukpok ng ama ang kamao nito sa ibabaw ng lamesa.

Napaigtad naman sa gulat ang asawa at panganay na anak ni Frederico. Tahimik lamang ang mga ito.

"Gusto mo ng boyfriend? Ang iyong mapapangasawa. Siya ang magiging boyfriend mo at ang lalaking makakasama mo habang buhay."

Napahampas naman sa ibabaw ng lamesa ang dalaga.

"Paano ko magiging boyfriend ang lalaking napili n'yo? Never ko pa nga siyang nakita. Saka magpapakasal lang ako sa lalaking mahal ko at hindi sa kung sinu-sino!" Patakbo na lumabas ng komedor si Franki.

"Franki!" sigaw ni Frederico. Napahawak ito sa sariling noo. Nasundan na lamang ng tingin ang bunsong anak na ngayon ay binabaybay ang hagdan patungong ikalawang palapag.

"Kakausapin ko mamaya ang ating anak," malumanay na sabi ni Mabel. Ipinagpatuloy nito ang pagkain ng hapunan kahit nababalot ng tensyon sa hapag-kainan.

"Dad, hindi naman sagot sa pagkalugi ng ating kumpanya na pilitin ipakasal si Franki sa anak ng kumpare n'yo," sabad ni Francine, panganay ng mag-asawang Avella.

"Iyon lang ang nakikita kong paraan upang makaahon tayo sa pagkalugi ng ating kumpanya. Kung hindi natin mapapapayag na magpakasal ang iyong kapatid, wala tayong choice kundi ipasara ang kumpanya. At ano'ng mangyayari sa atin, ha? Pagtatawanan tayo ng mga taong kakilala natin!" mahabang turan ni Frederico, may bahid na galit sa tono ng boses nito. Marahas itong tumayo.

"Hindi ka pa tapos kumain, ah?" sita ni Mabel sa asawa.

"Nawalan na ako ng gana kumain!" sagot nito at nakapamulsa na lumabas ng komedor.

Nagkatinginan ang mag-inang Mabel at Francine. Parehong nakaramdam ng habag kay Franki. Dahil ang haligi ng tahanan ang laging nasusunod. Sila naman ay sunod-sunuran dito, kahit na nga kung minsan ay labag na sa kalooban nila ang mga plano nito para sa kanilang pamilya.

TUMULOY sa kanyang silid si Franki. Padapa siyang nahiga sa kama. Isinubsob niya ang mukha sa malambot na unan upang doon ibuhos ang kanyang sama ng loob sa mga magulang.

Sa buong buhay niya, laging nasusunod ang ama. Lahat naman ginawa niya upang maging mabuting anak sa mga ito. Nag-aral siyang mabuti. Nakapagtapos siya ng kolehiyo sa kursong Business Management. Iyon ay dahil rin sa kagustuhan ng ama. Kahit ang gusto niyang kurso ay Hotel Restaurant Management or HRM.

Tapus ngayon, pati ba naman ang love life niya ay pinanghihimasukan pa nito. Paano pala kung masamang tao ang lalaking pakakasalan niya? Mapanakit na lalaki? Hindi rin magiging maayos ang pagsasama nila ng 'hilaw' niyang asawa. Dahil walang namamagitan na pag-ibig sa kanilang dalawa.

Tumihaya siya. Nahagip ng paningin ang kanyang closet.

Paano kaya kung lumayas na lang siya? wala sa loob na tanong niya sa sarili. Humugot siya nang malalim na hininga at naupo sa ibabaw ng kama.

Tama! Upang hindi matuloy ang kapalarang nilikha para sa kanya ng ama, kailangan wala ang bride. Pero saan naman siya pupunta?

Biglang lumiwanag ang mukha ni Franki nang maalala ang matalik niyang kaibigan. Si Angela. Doon muna siya pupunta habang naghahanap ng matutuluyan.

Kinuha niya ang backpack at naglagay ng ilang pares na damit at mga undies niya. Kinuha niya ang cellphone na nakapatong sa bedside table. Mabilis niyang hinanap sa contact list ang numero ni Angela.

Pick up your phone, Angela…

"Franki, gabi na. Bakit ka napatawag?"

Natuwa siya nang marinig ang boses ng kaibigan.

"Kailangan ko ng tulong ko, Angela."

"What?" Parang gulat ang boses nito sa kabilang linya. "Nasaan ka't ano'ng nangyari sa 'yo?"

"Ssh…narito ako sa bahay," pabulong niyang sagot. Narinig niya ang marahas nitong singhap.

"Hoy, Franki! Ako ba'y tinatakot mo, ha? Akala ko naman may masamang nangyari sa 'yo. Tapos pabulong ka pa kung magsalita."

"Mangyayari pa lang, friend."

"Ano?"

"Can you pick me up, please?" nagsusumamo niyang sabi.

"Ano ba kasi ang problema? Nawewerduhan ako sa 'yo."

"Sasabihin ko sa 'yo mamaya. Basta sunduin mo na ako." Hindi pa man sumasagot ng 'oo' ang kaibigan ay pasimple niyang binuksan ang bintana ng kanyang kwarto.

"'Madame' lang kung makapag-utos, ah?" reklamo nito. "Okay, I'll be there in a few minutes."

Natuwa siya sa narinig. Alam naman niyang hindi siya matitiis ng kaibigan. Since elementary hanggang maka-graduate sila ng college, bestfriend na sila.

"Hihintayin kita sa kanto," sagot niya.

"Not there. Hindi safe sa lugar na 'yon lalo na't gabi na. Hintayin mo na lang ako sa tapat ng gate ng inyong bahay. I'll send you a message kapag malapit na ako, okay?"

"Kk! Ingat ka, friend."

Pagkatapos makausap ang kaibigan ay sumilip siya sa bintana. Tinatantiya niya kung gaano kataas ang babagsakan kapag tumalon siya. Nasa second floor lang naman ang kanyang kwarto. Bawat kwarto ay may fire exit at may ladder na nakakabit mula roon pababa sa bubong ng entrance door ng bahay nila.

Hmp! Kaya ko 'to. Mababa lang naman ang babagsakan ko!

Bumalik siya sa kanyang kama. Inayos niya ang mga unan at pinagmukha niyang taong natutulog. Tinakpan niya ng kumot para hindi halatang mga unan lang ang nasa ibabaw ng kama. In-off niya rin ang ilaw at iniwan na naka-on ang lampshade. Hindi siya mag-iiwan ng sulat ng pamamaalam. Tatawagan na lang niya ang kanyang Ate Francine kapag nakaalis na siya ng bahay.