Chereads / Marry Me Or I Will Marry You / Chapter 4 - Kabanata 2

Chapter 4 - Kabanata 2

MAINGAT na lumabas ng bintana si Franki. Mabilis ang tibok ng puso niya dahil sa nararamdaman na kaba. Natatakot siyang mahuli ng isa sa kanyang pamilya. Kagat-labi na inihakbang niya ang mga paa sa bubong, kasabay ng hiyaw ng pusa.

"Ay, kabayong pula!" Nagulat siya sa hiyaw ng pusa. Mabilis din naman niyang sinapo ang bibig. "Ikaw na kuting ka, ipapahamak mo pa ako!"

Hindi naman niya sinasadyang maapakan ang dulo ng buntot ng pusa. Medyo may kadiliman sa inaapakan niyang bubong kaya hindi ito nakita. Mabilis na tumakbo palayo ang pusa na lumikha ng ingay sa bubong.

Kasalukuyang naninigarilyo si Frederico sa tapat ng pinto ng bahay. May narinig itong kaluskos mula sa bubong. Itinapon nito sa semento ang upos ng sigarilyo at inapakan. Umalis ito sa kinaroroonan at muling bumalik sa kusina upang kunin ang flashlight.

"Bakit may dala kang flashlight, ano'ng gagawin mo?" tanong ni Mabel sa asawa nang nakasalubong ito. Galing sa sala si Mabel upang siguraduhin kung naka-locked ang mga bintana sa sala.

"May sisilipin lang ako," tipid na sagot ni Frederico at mabilis na lumabas ng kusina.

Nasundan na lamang ni Mabel ng tingin ang naglalakad na asawa.

Nanlaki naman ang mga mata ni Franki nang makita ang maliit na liwanag na nagmula sa flashlight. Nagmamadaling muling pumasok ng bintana ang dalaga sa takot na makita siya sa bubong ng kanyang ama. Ugali na kasi iyon ng ama kapag nakarinig ng kalabog sa bubong o kahit sa labas ng bahay ay inuusisa nito.

Sa nagmamadali na muling makapasok sa loob ng kwarto mula sa bintana, hindi sinasadyang nauntog ang bumbunan ng ulo niya.

"Aray ko!" kanyang daing habang hinihimas ang ulo niyang nasaktan. Narinig niya ang call alert tone ng kanyang cellphone. Mabilis na dinukot niya iyon sa bulsa ng kanyang pants. Si Angela ang tumatawag kaya agad niya itong sinagot.

"Malapit na kami ni Mang Isko sa house ninyo," tukoy ni Angela sa family driver ng mga ito.

"Okay. Basta hintayin ninyo ako sa labas. Kumukuha lang ako ng tiyempo!" aniya habang pasilip-silip sa bintana ng kanyang kwarto.

"Ano ba kasing kalokohan ang binabalak mo?" tanong ni Angela sa kabilang linya.

"Malalaman mo rin mamaya. Basta hintayin n'yo ako at 'wag kayong mag-park sa tapat ng gate dahil nasa labas si Dad." Hindi niya na hinintay makasagot ang kaibigan, in-off niya ang cellphone at muling isinuksok sa bulsa ng suot na pantalon.

"Frank–" hindi natapos ni Angela ang sasabihin nang marinig ang tunog na 'tot, tot,' ng hawak na cellphone. Umiiling ang ulo na muling ibinalik ni Angela sa loob ng bag ang hawak na aparato. "Pambihira naman, binabaan na naman ako ng cellphone ng babae na iyon!"

"Angie, saan ako magpa-park?" tanong ni Mang Isko sa dalaga.

'Angie' ang tawag sa kanya ng kanilang family driver na si Mang Isko, short for Angela. Hindi pa sila ipinapanganak ng kanyang kuya ay ito na ang family driver ng parents nila. Pamilya na kung ituring nila ang matanda.

"Bahala po kayo, Mang Isko. Basta huwag masyadong malapit sa gate," sagot ng dalaga.

Tumalima naman si Mang Isko. Inihinto nga nito ang minamanehong kotse sa di-kalayuan sa bahay na pagmamay-ari ng pamilya Avella.

PIGIL ang hininga na lumabas ng kanilang gate si Franki, bitbit sa isang kamay ang tsinelas. Pikit matang isinara niya ang gate, iniiwasan na huwag makalikha ng kahit konting ingay. Pero bago siya tuluyan lumayo sa gate, isang malungkot na tingin muna ang ginawa niya sa kanilang bahay.

Mamimis niya ang kanyang mga magulang. Ang Ate Francine niya at ang kanyang kwarto. Syempre, doon siya madalas nagmumukmok kapag masama ang loob sa ama. Pero kahit madalas siyang napapagalitan nito, mahal na mahal niya pa rin ito. Hindi niya lang talaga maatim na kaya siya nitong ipagkatiwala sa isang lalaki upang kanyang maging asawa.

Sana mapatawad ninyo ako sa ginawa kong ito… bulong sa hangin ng dalaga.

Labag sa kalooban ang kanyang gagawin. Pero iyon lang ang naisip niyang paraan para matakasan ang mapait niyang kapalaran–ang ipakasal sa lalaking hindi niya mahal.

Babalik siya, hindi niya lang masabi kung kailan. Nais muna niyang makalayo...

"Nakikita ko na si Franki!" bulalas ni Angela. "Mang Isko, paki-start na po ang sasakyan." Sumunod naman ito sabay start ng kotse.

Natanaw ni Franki ang kotse ng kuya ni Angela. Ito ang malimit gamitin ng kaibigan niya no'ng nag-aaral pa sila sa kolehiyo. Patakbo na sinalubong niya ang papalapit na kotse.

"Franki!" tawag ni Angela sa kanya. Sumilip ito sa may bintana ng kotse.

Mabilis na binuksan niya ang pinto ng sasakyan sa may likuran at agad sumakay. Bumaba ang kaibigan niya para lumipat ng pwesto, tumabi ito sa kanya.

"Thank you so much!" ani Franki, sabay yakap at halik niya sa pisngi ng kaibigan. "You're my savior!"

"Ano ba kasi ang nangyari?" agad na tanong nito matapos kumawala sa mga bisig niya.

"Angela, baka naman pwedeng sa inyo muna ako magpalipas ng gabi kahit ngayon lang?" Pinalungkot niya ang ekspresyon ng mukha.

Binatukan naman siya nito. "Umayos ka nga!"

"Aray ko naman!" reklamo niya sabay kamot sa tinamaan ng batok nito.

"Sanay na ako sa ganyang gesture mo. Paawa effect ka pa riyan!" sermon nito. "Kahit naman hindi mo itanong sa akin 'yan, you're always welcome sa bahay. Tamang-tama, out of town parents namin. Kami lang ni kuya ang nasa bahay ngayon."

"Thank you talaga. Mamaya, sasabihin ko sa 'yo ang aking suliranin pagdating sa inyong bahay."

"Okay," anito at hinarap ang driver. "Mang Isko, umalis na po tayo."

Pagkalipas ng ilang sandali, umalis na sila palayo sa lugar na iyon.