Chereads / Marry Me Or I Will Marry You / Chapter 7 - Kabanata 5

Chapter 7 - Kabanata 5

NANLAKI ang mga mata ni Franki sa kanyang narinig. Parang gusto niyang pumalakpak sa tuwa. Ito na ang sagot sa kanyang problema, mamamasukan siyang kasambahay ng kaibigan ng kuya ni Angela.

"Ano ba ang itsura ng kaibigan mo, Kuya Arth?" tanong ni Angela.

"Syempre, guwapong kagaya ng kuya mo," pagyayabang na sagot nito, sabay turo ng hintuturo sa sarili.

Pinaikot naman ni Angela ang eyeball ng mga mata sa tinuran ng kapatid. "Mabait ba?"

"Mabait. Medyo seryoso lang kung titignan."

"Hindi ba bastos 'yang kaibigan mo? Baka hindi natin alam ay manyak pala 'yon," prankang turan ni Angela at humalukipkip.

Piningot ni Arth ang isang tenga ng kapatid. "Bakit marami kang tanong, ha? Ikaw ba ang mag-a-apply na kasambahay?"

"Syempre, hindi!" mabilis na sagot niya, hinimas ang nasaktan na tenga. "Gusto ko lang malaman. Mahirap na, baka may gawing masama ang kaibigan mo sa mag-a-apply na kasambahay."

"Mabait ang kaibigan ko. Isa pa, hindi papatol 'yon sa katulong. Mataas kaya ang standard ng lalaking 'yon pagdating sa babae."

Napaismid naman sa narinig niya si Franki.

"O sige, ibigay mo sa akin ang address ng kaibigan mo. Bukas na bukas ay ihahatid ko ang kasambahay na kailangan niya."

"Wala ka pa ngang nakakausap."

"Ako nang bahala. Ibigay mo na lang sa akin ang address at contact number ng kaibigan mo."

"O-okay, sige. Siguraduhin mo lang na bukas bago magtanghalian, maihatid mo na sa kanya ang kasambahay."

"Bukas na bukas mismo!"

Maang naman na pinagmasdan ni Arth ang kapatid, may napapansin itong kakaiba sa kapatid. "Parang may kai-"

"Ibigay mo na kasi!" pigil ni Angela sa sasabihin pa sana ng kapatid.

"Ito na, nanginginig pa!" sagot ng binata. Kinuha ni Arth ang calling card ng kaibigan na itinago sa bulsa ng suot nitong polo. Ibinigay nito ang maliit na card kay Angela. "Here."

"Sige, ako nang bahala sa kasambahay na kailangan ng kaibigan mo." Binasa ni Angela ang nakasulat sa maliit na card.

"Sige, lalabas na ako. Sabado bukas, nasa bahay niya ang kaibigan ko." Tinapik nito ang balikat ng kapatid.

"No problem, kuya."

Lumabas na nga ng kuwarto ni Angela ang kanyang kuya, ngunit bigla itong sumilip sa pintuan.

"Bakit na naman, kuya?" tanong niya rito.

"Sinisiguro ko lang na wala kang ibang kasama sa loob ng kuwarto mo," sagot nito.

"I swear, wala kuya. Sige na, good night." Tumayo si Angela at lumapit sa pinto.

"Ayusin mo lang!" babala pa nito kay Angela. Hindi naman niya pinansin ang sinabi nito. Ini-lock niya ang pinto upang hindi na bumalik sa kuwarto niya ang kapatid.

Ganyan talaga sila ka close ng kanyang Kuya Arth. Madalas kasing sila lang ang magkasama dahil laging out of the country ang parents nila, dahil sa business ng mga ito. Mabait naman ang kuya niya, sobrang protective lang talaga ito sa kanya. Ganoon yata talaga kapag babae ang bunso.

Sumilip sa ilalim ng kanyang kama si Angela para palabasin si Franki, pero sumenyas itong 'wag muna magsalita at baka nakikinig pa sa labas ng kanyang kuwarto ang kuya niya.

Hindi nga nagkakamali sa hula si Angela. Dahil mula sa labas ng pinto ng kuwarto nito, naroon si Arth, nakadikit ang isang tenga nito sa nakapinid na pinto. Pero nang masiguro nitong walang kausap ang kapatid sa loob ng kuwarto, umalis na rin ang binata para tunguhin naman ang sariling kuwarto nito.

NAUPO sa gilid ng kama ang magkaibigan. Pinag-usapan ang tungkol sa kasambahay na kailangan ng kaibigan ni Arth.

"Seryoso ka ba talaga sa planong pagtatago sa iyong pamilya?" tanong ni Angela sa kanya.

"I'm positive," sagot niya. "Ngayon pa ba ako aayaw, e, magkakaroon na ako ng trabaho?"

Nakasimangot na tinitigan siya ng kaibigan. "Mukhang masaya ka na pagiging katulong ang unang trabahong papasukan mo."

Hinawakan ni Franki ang mga kamay nito. "Hindi naman ako habambuhay na maging katulong na lang. Sayang naman ang tinapos ko sa pag-aaral kung hindi ko pakikinabangan."

"'Yon na nga," mabilis na sabi nito, "bakit hindi ka mag-apply ng magandang trabaho, instead na maging katulong?"

"I'm out of time. Dahil sigurado, kapag nalaman ng family kong naglayas ako, tiyak na hahanapin hahanapin nila ako. Suportahan mo na lang ako friend, please?"

Bumuntonghininga ito. "Ano pa nga ba ang magagawa ko, mukhang desidido ka na talaga sa balak mo."

"Thank you, friend!" Tuwang niyakap niya ang kaibigan. "Nakuha mo ba ang address ng kaibigan ng kuya mo?"

Kumawala ng yakap sa kanya si Angela. Inabot nito sa kanya ang maliit na card. "Nabasa ko sa card na 'yan, parte pa rin ng Maynila naniniraha ang kaibigan ni kuya. Malaki pa rin ang chance na mahanap ka ng parents mo."

"Ayoko muna isipin 'yan," tugon niya. "Ang importante may matitirhan na ako pansamantala."

"Let me remind you, hindi ka maninirahan ng libre sa bahay na 'yon. Magtatrabaho ka bilang kasambahay."

"Hindi ko makakalimutan 'yan," aniya. "Bukas, maaga tayong umalis. Kailangan ko bumili ng mga gagamitin sa pag-di-disguise."

"Anong disguise ba ang gagawin mo?" tanong ng kaibigan. Pinagkrus nito ang mga bisig.

"Kailangan kong baguhin ang aking looks," ngiting sagot niya. "Kung kinakailangang magmukha akong hukluban maitago lang ang aking totoong mukha, gagawin ko."

Biglang humagalpak ng tawa si Angela.

Iyon lang kasi ang naiisip niyang paraan upang walang may makakilala sa kanya sa loob o labas man ng bahay na pagtatrabahuan niya.

"Bakit ba kasi kailangan mo pang gawin 'yon kung lagi ka lang naman nasa loob ng bahay?"

"Ikaw na rin ang nagsabi, baka ikalat ang picture ko ng aking family. Baka nga ipakita pa sa TV at mabalitang missing person ako."

"Sa pretty mong 'yan, mahirapan tayo na gawin kang pangit."

"Kaya mo 'yan, friend. Malaki ang tiwala ko sa iyo," ngiting sabi niya.

"Ako?" ulit nito, nanlalaki ang mga mata. "Ikaw, sumosobra ka."

"Tutulong ka rin lang naman lubusin mo na," turan niya sabay kindat dito.

"Hay naku, pasalamat ka't love kitang babae ka, kahit nagmumukha na akong tsimay sa iyo!" Inirapan nito si Franki.

"Maraming salamat, Angela, tatanawin ko na malaking utang na loob ang mga naitulong mo sa akin. Makakaganti rin ako sa lahat ng kabutihan mo sa akin," seryosong sabi niya sabay yakap dito.

"Huwag ka ngang magdrama. Ano'ng silbi ng friendship natin kung hindi tayo magtutulungam?" Inilayo ni Angela ang sarili sa kanya. "Matulog na tayo. Basta 'pag may kailangan ka, 'wag ka mahihiyang sabihin sa akin. Lagi akong handang tumulong sa iyo."

Tumango siya bilang pasasalamat sa kaibigan. Humiga na nga silang dalawa sa malambot na kama, hanggang sa balutin na sila ng antok at makatulog.