Chereads / Marry Me Or I Will Marry You / Chapter 11 - Kabanata 9

Chapter 11 - Kabanata 9

KALALABAS lang ng isang kotse sa malaking gate kung saan ay sakay ang magkaibigan na sina Franki at Angela. Isang Maserati GranTurismo na sasakyan naman ang humimpil sa di-kalayuan.

"Ako na lang po ang magtatanong," ani Francine sa mga magulang matapos maiparada ang sasakyan.

"Sige, anak. Sana nga nandiyan sa bahay na 'yan ang kapatid mo," malungkot na sagot ni Mabel. Umaasang makikita ang bunsong anak.

Bumaba ng sasakyan si Francine. Naglakad ang dalaga palapit sa malaking gate, agad na pinindot ang doorbell.

Maririnig ang tunog ng doorbell sa loob ng malaking bahay.

Natigil sa pagtimpla ng kape si Arth. Wala naman silang inaasahang bisita, lalo na't alas-nueve pa lang ng umaga. Mula sa sulok ng mga mata ng binata, nakita niya ang pagtayo ng bago nilang kasambahay. "Ituloy mo ang pagkain ng almusal, Sabel!

"S-sige po, sir," tugon nito at muling naupo para ipagpatuloy ang pagkain.

Muling umalingawngaw ang tunog ng doorbell. Napailing ng ulo si Arth nang lumabas ng kusina.

Mukhang may lakad yata ang tao sa labas ng gate. Masakit na sa tenga ang tunog ng doorbell!

"Nariyan na!" pasigaw na sambit ng binata.

Lakad-takbo ang ginawa ni Arth upang makalapit sa gate at binuksan 'yon. May nakita siyang isang babae. Pinagmasdan niya ito mula ulo hanggang paa kahit nakatalikod ito sa kanya. Simpleng damit-pambahay lang ang suot nito.

"Good morning! Ano an–" Naputol ang sasabihin ni Arth nang biglang humarap sa kanya ang babae. Parang slow motion sa paningin niya.

"Hello, good morning!" nakangiting bati ng babae. Lumakad ito palapit sa kanya. "Ako pala si Francine!"

Hindi agad nakahuma si Arth. Pinagmasdan niya ang magandang mukha ng babae. Tumikhim ito upang kunin ang kanyang pansin.

"A-ako pala si Arth," pakilala na rin sa sarili ng binata. Mabilis niyang inilahad ang isang kamay sa babaeng kaharap.

"Francine!" muling pakilala ng babae at tinanggap ang kamay ng binata.

Saglit lang nag-shake hands ang dalawa.

"Do I know you?" tanong ni Arth sa babae.

"Ako ang nakatatandang kapatid ni Franki, matalik na kaibigan ni Angela," tugon nito.

"Pamilyar sa 'kin ang pangalan na iyong sinambit, pero hindi ko matandaan ang mukha. Ako ang kuya ni Angela." Nakita ni Arth ang lungkot na bumalatay sa mukha ng kaharap.

"Naglayas kasi ang kapatid ko. Itatanong ko sana kung narito ba siya?"

"Naglayas?" ulit ni Arth sa sinabi nito.

"Yes. Hindi namin alam kung kagabi pa siya umalis o ngayong umaga lang."

"Please, come in," paanyaya niya rito.

"No, thank you. Itatanong ko lang sana kung nandito ba si Franki?"

"I'm sorry, miss. Wala rito ang hinahanap mo. Actually, kakaalis lang ng kapatid ko

"Gano'n ba?" malungkot na sabi ng babae. "Sandali, may ipapakita ako sa 'yong picture ng kapatid ko."

"Mamaya, tatanungin ko si Angela kapag nakabalik na siya ng bahay," anang binata, hindi maalis ang tingin sa magandang mukha ng kaharap.

"Ito pala picture ng kapatid ko."

Inabot ni Arth ang picture na hawak ng babae, pinagmasdan ng mabuti. In fairness, maganda rin ang kapatid nito, katulad ng babaeng kaharap niya ngayon. Hindi niya maalala ang mukha ng babaeng nasa picture. Madalas kasing nasa opisina siya kaya hindi niya nakikita ang mga kaibigan ng kapatid.

"Kung okay lang sana sa 'yo, hiramin ko muna ang picture na ito para maipakita sa mga kasambahay. Baka sakaling nakita nilang kasama ng kapatid ko ang babaeng nasa larawan."

"Sige, salamat. Aalis na ako," paalam nito.

Pipigilan pa sana ito ni Arth, pero tumalikod na ang babae. Nasundan na lang niya ng tingin ang naglalakad na babae. Nakita niya itong pumasok sa isang magarang sasakyan na naka-park sa di-kalayuan.

Isang Maserati GranTurismo ang nakita ni Arth. Hindi biro ang presyo ng kotseng 'yon.

Nasundan nang tingin ni Arth ang paalis na kotse. Ibig sabihin, may sinabi sa buhay ang pamilya ng babaeng nakausap niya. Dahil hindi biro ang presyo ng sasakyan.

Napangiti ng simple ang binata, mukhang nakuha ang atensyon niya ng babaeng ngayon lang nakilala. Dalawang beses na mahina niyang sinampal ang kanyang magkabilang pisngi bago nagsimulang humakbang upang bumalik sa loob ng bahay.

"ANO ang sabi ng nakausap mo?" Agad na tanong ni Mabel sa anak, nakaupo na ito ngayon sa driver seat.

"Wala raw po sa kanila si Franki," sagot ni Francine.

Pinagsalikop ni Mabel ang dalawang palad. "Kung ganoon, saan naman pupunta ang kapatid mo?"

"Baka naman may kilala ka pang mga kaibigan ng iyong kapatid na puwede nating puntahan," si Frederico na nakaupo sa tabi ng asawa. "Tinawagan mo na ba si Franki?"

"Opo, Dad. Pero hindi niya sinasagot ang cellphone niya."

"Dios ko! Saan natin hahanapin ang batang 'yon!" umiiyak na sambit ni Mabel. Sobra siyang nag-aalala para sa bunsong anak. Hindi pa naman ito sanay mamuhay mag-isa.

"Tawagan mo nga ulit ang kapatid mo," utos ni Frederico sa anak.

Tumango si Francine at kinuha ang cellphone sa loob ng bag nito. Hinanap sa contact list ang numero ng kapatid at pinindot ang call.

NARAMDAMAN ni Franki ang mahinang siko sa kanya ng kaibigan.

"Ang cellphone mo, kanina ko pa 'yan naririnig na tumutunog. Sagutin mo, baka ang parents mo 'yan at nag-aalala na sa 'yo," ani Angela.

"Hindi pa kasi tayo nakakarating sa bahay ng kaibigan ng kuya mo," sagot niya.

Balak naman niyang tumawag sa kanyang Ate Francine para ipaalam na umalis siya ng bahay. Pero ang plano niya, kapag nasa loob na siya ng bahay na pagtatrabahuan niya.

"Answer it. Malayo na tayo sa bahay namin kaya hindi na nila tayo masusundan," komento pa ng kaibigan.

Napapiksi siya. "Sige na nga!"

"Mang Isko, ito pala yong address na pupuntahan natin. 1443 Dr. Love Street Phase2 Subdivision."

Sumenyas si Franki sa mga kasama na tumahimik muna. "Hello?"

"Franki, nasaan ka ba, huh?" tanong ng kanyang ate. "Kanina pa kami nag-aalala sa 'yo. Nasaan ka at susunduin ka namin. Kasama ko sina Mom at Dad."

Bigla siyang natahimik nang marinig ang sinabi ng kanyang ate. Kasama raw nito ang mga magulang nila.

"Franki!"

Napaigtad siya dahil napalakas ang boses ng kanyang ate.

"Okay lang ako, ate. Huwag na kayong mag alala."

"Nasaan ka ba?"

"May naglalayas bang sinasabi kung saan pupunta?" namimilosopong sagot niya.

"Anak, ang mommy mo ito. Anak, umuwi ka na, please. . . I'm begging you! Umuwi ka na, pag-usapan natin ito."

"I'm sorry, Mom," nakokonsensyang turan ni Franki sa ina. Nahabag siya nang marinig ang iyak ng ina sa kabilang linya. Pero hangga't hindi nagbabago ang plano ng ama para sa kanya, hindi siya uuwi. Mas gugustuhin niyang mapalayo sa pamilya kahit masakit para sa kanya, 'wag lang maikasal sa kung sinong poncio pilato na lalaki. Kahit naman malayo siya sa pamilya may paraan naman para makita ang mga ito.