Chereads / Marry Me Or I Will Marry You / Chapter 10 - Kabanata 8

Chapter 10 - Kabanata 8

"FRANKI!" sigaw ni Mabel. Lakad-takbo, inakyat ang mahabang hagdan. Nakasunod sa likuran nito ang panganay na anak.

Nang marating ni Mabel ang kwarto ng anak, agad binuksan ang pinto at mabilis na pumasok sa loob. Hinalbot nito ang puting kumot na nakatakip sa inaakalang katawan ng anak.

Nanlaki ang mga mata ni Mabel nang makitang mga unan lang pala ang nasa ilalim ng kumot. Nanlulumong napaupo ito sa gilid ng kama ng anak.

"Mom!" tawag-pansin ni Francine sa ina. Lumapit ang dalaga sa ina na nakaupo sa gilid ng kama ng kapatid.

"Ang kapatid mo," garalgal ang boses na sabi ni Mabel. Niyakap nito ang kumot ng anak at dinampi-dampi sa pisngi.

Hindi nagsalita si Francine, nagsimulang hanapin sa loob ng kwarto ang kapatid. Una nitong sinilip ang banyo, sumilip sa labas ng bintana, at maging sa ilalim ng kama. Huling tiningnan ng dalaga ang dresser ng kapatid. Wala rin doon ang kapatid pero may napansin ang dalaga. Makalat ang loob ng dresser at nawawala ang ilang mga damit nito.

Malungkot na muling lumapit si Francine sa umiiyak na ina, mahigpit pa ring yakap nito ang kumot ng kapatid.

"Anak, naglayas ang kapatid mo. At dahil iyon sa amin ng inyong ama!" umiiyak na turan ni Mabel, inaamoy ang kumot ng anak. "Kasalanan ko, anak. Hindi ko man lang nagawang ipagtanggol ang kapatid mo sa makasarili n'yong ama!"

Niyakap ni Francine ang ina.

"Don't blame yourself, Mom," pang- aalo ni Francine sa ina at hinalikan ito sa noo.

"Kasalanan ko..." at nangilid ang luha sa mga mata ni Mabel.

"Mom, baka may pinuntahan lang si Franki. Para magpalamig. Nabigla lang siya sa mga desisyon ni Dad. Pero alam kong babalik siya," positibong sabi ni Francine. Kilala niya ang kapatid, sobrang malapit ito sa kanilang ina. Hindi ito makakatiis na hindi rin sila nito makita.

"Nag-aalala ako para sa kapatid mo. Lalo na't nagkalat ang mga masasamang tao ngayon. Kapag may masamang nangyari sa kapatid mo, baka ikamatay ko!"

"Mom!" Kinilabutan si Francine sa tinuran ng ina. "Hahanapin po natin si Franki. Baka nakituloy muna siya bahay ng besfriend niyang si Angela."

Tila nabuhayan naman ng loob na tumitig si Mabel sa mga mata ng anak. "Sana nga, anak..."

"After breakfast, puntahan po natin ang bahay ng kaibigan ni Franki. Malamang, nandoon ang kapatid ko."

"Paano ako makakakain kung laman ng isip ko ang kapatid mo? Bumaba ka muna anak, samahan mo sa komedor ang iyong ama. Dito muna ako sa kwarto ng kapatid mo. Puntahan mo na lamang ako kapag paalis na tayo."

"Pero kailangan mo rin po kumain, M–"

"Busog ako," putol ni Mabel sa mga sasabihin pa ng anak. "Sige na, iwan mo muna ako. Pagkatapos mong mag-almusal ay pupuntahan natin ang bahay ng kaibigan ng kapatid mo."

Napahugot ng malalim na hininga si Francine bago tumayo. Hindi na siya nakipagtalo sa ina. Kapag walang nakasabay ang ama sa hapag-kainan, paniguradong mag-iingay na naman ang bibig nito.

"Sige po, Mom. Mabilis lang po ako," paalam ni Francine sa ina.

Tumango si Mabel bilang tugon. Muli nitong niyakap ang kumot ng bunsong anak at muling napaiyak.

MULING bumalik sa komedor si Francine upang samahan sa hapag-kainan ang ama.

"O, bakit ikaw lang ang narito? Nasaan na sila?" tanong ni Frederico sa anak, nagsimulang maglagay ito ng kanin sa plato.

"Teresa, can you please make me a cup of coffee?" utos ng dalaga sa kasambahay na nagtitimpla ng orange juice sa isang pitcher.

"Yes po, ma'am," magalang na sagot ng kasambahay.

"Brewed coffee, ha?" paalala pa rito ng dalaga.

"Tinatanong kita, Francine."

Tumigil sa pagsubo ng hiniwang pancake ang dalaga.

"Ma'am, narito na po ang coffee n'yo." Inilapag ni Teresa ang tasa ng kape sa ibabaw ng lamesa sa harap ng dalagang amo.

"Thank you, Teresa." Dinampot ni Francine ang tasa ng kape. Hinipan muna ang usok ng kape bago humigop.

"Ano ba? Hindi mo ba sasagutin ang tanong ko?!" iretadong muling tanong ni Frederico sa anak.

"Nasa kwarto ng kapatid ko si Mom," tipid na sagot ng dalaga na muling ipinagpatuloy ang pagkain.

"Bakit hindi pa sila bumababa para makapag-almusal?"

"Naglayas po si Franki."

"Ano?!" Napahampas ang isang kamao ni Frederico sa ibabaw ng lamesa. Hindi na 'yon ikinagulat ng dalaga. "Bakit ngayon mo lang sinabi?"

"I'm sorry, Dad," hinging paumanhin ni Francine sa ama. "Aalis kami ni Mom. Pupuntahan namin si Franki sa bahay ng kaibigan niya. Baka nagpapalamig lang ang kapatid ko dahil masama ang loob sa inyo." Pinagdiinan pa ng dalaga ang huling sinabi.

Hindi agad nakapagsalita si Frederico dahil sa sinabi ng anak. Marahas itong tumayo. "Bilisan mo kumain. Sasama ako sa inyo."

"'Di ba pupunta kayo ng company?" maang na tanong ni Francine sa ama.

"It's saturday. Kahit mamayang hapon na ako pumunta ng kumpanya. Bilisan mo na r'yan, pupuntahan ko ang iyong ina."

"S-sige po, Dad," maang na sagot ng dalaga. Nasundan ng tingin ni Francine ang ama na palabas ng komedor. Himala sa lahat ng himala, hindi yata naghumirintado ang kanyang ama. Siguro, aminado ito sa sarili na kasalanan nito kung bakit naglayas ang kanyang kapatid.

SA bahay ng pamilya ni Angela. Palabas na silang magkaibigan sa pinto nang marinig nila ang boses ng kuya nito. Pababa ang binata ng hagdan.

"Angie!" tawag nito sa palayaw ni Angela. Tuluyan na itong nakababa ng hagdan.

Natigil sila sa paghakbang. Hindi sila humarap dito.

"Siya ba ang kasambahay na sinasabi mong magtatrabaho sa kaibigan ko?" tanong nito sa kaibigan niya.

"O-opo, Kuya Arth," pikit-matang sagot ni Angela. Unti-unti itong lumingon sa likuran kung saan nakatayo ang kapatid.

"Baka naman pwedeng ipakilala mo–"

"Nagmamadali kami. May lakad pa kasi ako mamaya!" pagsisinungaling ni Angela. Hinawakan nito ang isang kamay ni Franki at pahilang lumabas ng bahay.

"Sandali lang!" pigil ni Arth sa dalawang babae. Pero isang malakas na kalabog ng pinto ang narinig ng binata. Napakamot sa batok ang binata na ipinagpatuloy ang paghakbang papuntang komedor para mag-almusal. "Pambihira talaga ang babaeng 'yon."