Chereads / Marry Me Or I Will Marry You / Chapter 5 - Kabanata 3

Chapter 5 - Kabanata 3

PAGDATING sa bahay na pagmamay-ari ng pamilya ni Angela, dumiretso agad sila sa kwarto nito.

"Dito ka muna sa kwarto ko. Kukuha lang ako ng makakain natin," paalam nito sa kanya.

"Angela, pwede bang 'wag mong banggitin sa 'yong kuya na nandito ako ngayon sa inyo?"

"Bakit naman?" takang tanong nito sa kanya.

"Kapag nalaman ng parents ko na wala ako sa bahay, tiyak dito sila unang pupunta sa bahay ninyo para hanapin ako."

"Sige," sang-ayon nito. "Kukuha lang ako ng pagkain natin. And then, sabihin mo sa 'kin ang dahilan kung bakit umalis ka sa inyo."

Tumango si Franki bilang tugon. Tumalikod na si Angela at lumabas ng kwarto.

Naiwan naman siyang nakatayo malapit sa may bintana, nakatingala habang pinagmamasdan ang mga bituin na kumikislap sa langit.

Isang buntong hininga ang pinakawalan niya. Kailangan niya makapag-isip ng susunod na mga gagawin upang hindi siya makita ng mga magulang. Kailangan niya ng ibang matutuluyan. Hindi siya pwedeng mag-stay sa bahay ng kaibigan. Nakakahiya kung pati ang bestfriend niya ay madamay pa sa problemang kinakaharap.

Kailangan niyang makahanap ng trabaho. Kahit anong trabaho basta malayo sa mga magulang niya. Paninindigan niya ang paglalayas 'wag lang siyang maikasal sa lalaking hindi niya mahal. Over her sexy body!

Napalingon si Franki nang marinig ang langitngit ng bumukas na pinto. Iniluwa niyon si Angela. May dala itong isang malaking tray, nasa likod nito ang isang kasambahay na may dala rin isang tray.

"Sabel, wala kang nakita, ha? Kunwari ay hindi mo nakita ang kaibigan ko. Kapag may nagtanong sa 'yo, sabihin mo wala kang alam o wala kang nakita," bilin ni Angela sa kasambahay.

"Yes po, ma'am," magalang nitong sagot. Inilapag nito sa side table ang dalang tray.

"Sige, iwanan mo na kami. Tatawagin na lang kita mamaya kung may iuutos pa ako sa 'yo."

Tumalikod na ang kasambahay, hawak na nito ang door knob nang muli itong tawagin ni Angela. "Sandali lang, Sabel."

"Bakit po, ma'am?"

"Kapag dumating si Kuya Arth, huwag mong mabanggit na may kasama ako sa kwarto. Pakisabihan mo rin ang mga kasama mo. Iyon lang, salamat."

"Opo, ma'am." Tuluyan nang lumabas ng kwarto ang kasambahay.

Lumapit si Franki kay Angela. Inaayos nito ang mga pagkain na dala.

"Para tayo nitong bibitayin," natatawang puna niya. Marami itong dalang pagkain. May maliit na sofa bed sa loob ng kwarto nito at doon sila pumuwesto para kumain.

"Matagal na nating hindi ginagawa ang ganito. Noong nag-aaral pa tayo ay wala pa nga sa kalahati ng dala kong pagkain ang kinakain natin," sagot nito.

Natawa siya sa sinabi ng kaibigan. Tama naman ito, food is life nga ang motto nilang dalawa. Dahil sa tuwing sila ay magkasama, hindi nawawalan ng pagkain ang mga bibig nila.

"Thanks," aniya nang abutin ang kutsara at tinidor na bigay nito. "Ang sarap ng foods! Tamang-tama, nabitin ako kanina sa hapunan namin sa bahay."

Menudo, chopsuey, at rice ang nakahain sa harapan nila. Tapos may dalawang slice pa ng chocolate cakes.

"Kumain na muna tayo."

"Mabuti pa nga. Dahil kapag nauna ang kwento ko, baka mawalan ako ng gana kumain." Kumuha siya ng menudo at nilagay sa ibabaw ng kanin niya.

Magana silang kumain. Pinilit niyang iwaksi sa isipan naman ang kanyang problema. Napakaswerte niya sa kaibigan, lagi niya itong maaasahan. Lagi itong handang tumulong sa kanya at ganoon din naman siya rito.

Kung titignan si Angela, iisipin ng kahit sino na maarte at mataray ito. Dahil na rin sa klase ng pananamit at pananalita nito. Pero kung alam lang ng lahat ang totoong ugali nito, tiyak maraming maiinggit sa kanya. Dahil siya ang bestfriend nito. Mayaman at sosyalera. But–she's a down-to-earth woman with no pretensions.

PAGKATAPOS nilang kumain, nagsimula nang magtanong sa kanya si Angela.

"Ngayon, sabihin mo sa 'kin ang dahilan kung bakit ka naglayas?"

Bumuntong hininga si Franki bago sumagot. "Si Dad."

"Ano naman ang tungkol kay Tito Frederico?" usisa nito.

"Ipinagkasundo akong ipakasal sa anak ng kaibigan niya."

"Ano?" gulat na bulalas nito "Totoo ba'ng sinasabi mo, friend?"

"Mukha ba akong nagsisinungaling?" aniyang tinuro pa ang sarili. "Tatalon ba ako mula sa bintana ng aking kwarto makatakas lang ako?"

"P-pero bakit naman gagawin ng daddy mo 'yon? May dahilan ba siya?"

"Hindi ko alam. Wala siyang sinabi. Basta ang gusto niya ay pakasalan ko ang anak ng kaibigan niya. Ayoko nang ideya na ikakasal ako sa isang lalaki na hindi ko pa nakikita, nakikilala o nakausap man lang."

Tumayo si Angela at pabalik-balik itong naglakad sa harapan niya. Mukhang ito pa yata ang ikakasal sa ikinikilos nito.

"Baka naman dahil sa business?" panghuhula nito.

"Maupo ka nga at nahihilo ako sa 'yo," sita niya rito.

Umupo ito sa tabi niya. Kasalukuyang nasa hanging chair sila.

"Alam ba ni Tita Mabel at Ate Francine ang tungkol sa plano ng daddy mo?"

"Yes!" mabilis niyang tugon. "Wala rin naman silang magagawa. Si Dad, ang nasusunod sa bahay. Ika nga, siya ang batas. Kaya nga nakakinis, e. Parang siya na ang nagpapatakbo ng mga buhay namin."

"Kawawa ka naman pala. Kung gusto mo, tumira ka na lang muna rito sa bahay namin. Matatagalan pa bago makabalik ng Pilipinas ang parents namin. Si Kuya Arth, laging busy sa kumpanya. Laging gabi kung siya ay umuwi."

Natutukso siyang tanggapin ang alok na tulong ng kaibigan. Pero hindi siya pwedeng manatili roon. Dahil sigurado siyang susunduin ng kanyang pamilya para maibalik sa bahay nila.

"I can't," tanggi niya sa alok nito. "I need a job."

"Tamang-tama! Fresh graduate ka. Kuya Arth, he needs a new secretary in our company."

"Hindi pa rin pwede," muling tanggi niya sa alok nito.

"Pambihira ka naman! Ikaw na nga itong tinulungan, tumatanggi ka pa!" tila sermon nito sa kanya. "I need an explanation."

"Ganito kasi 'yon, e. Kapag nalaman ng family ko na narito ako sa bahay n'yo o kaya'y nagtatrabaho sa kumpanya n'yo, tiyak na pipilitin nila akong bumalik ng bahay. I swear, gusto kong tanggapin ang tulong na inaalok mo. Pero ang kailangan kong trabaho ay malayo sa family ko. Iyong hindi nila ako makikita," mahabang paliwanag niya.

"Saan ka naman pupunta, aber?" nakataas ang isang kilay na tanong nito.

Kumibit-balikat si Franki. Wala pa siyang ideya.

"Akala mo ba madali lang humanap ng trabaho lalo na't wala ka pang work experience," gagad ni Angela. "Ayaw mong makita ka ng pamilya mo, ano'ng gusto mong trabaho? Kasambahay?" biro nito.