Chapter 55 - Chapter 15

"JEMAIKHA, gumising ka diyan. May bisita ka sa baba. Kaklase mo daw."

Nagtalukbong ang dalaga at di pinansin ang panggigising sa kanya ng tiyahin. "Mamaya na po. Alas diyes pa po ang klase ko," angal niya.

Unang araw ng klase niya kaya naman napuyat siya sa pagre-review nila ni Hiro nang nagdaang araw. Gusto niyang matiyak na handa na ito sa pakikisalamuha sa pagpasok nito sa university. Hindi sila sabay ng pasok nito dati wala itong klase kapag Lunes. Saka paano naman siya magkakaroon ng kaklase na mambubulahaw sa kanya sa unang araw ng klase. Maliban na lang kung mangungutang siguro sa kanya. Pero sino naman ang parang ewan natatakbuhan siya para utangan? Wala nga silang pera.

"Nakakahiya naman sa kaklase mong si Hiro kung paghihintayin mo siya."

"Hiro po?" usal niya sa nag-aaligaang na isipan.

"Oo. 'Yung kaklase mo na mukhang may lahing Hapon at matangkad. Mukhang F4. Kausap nga siya ng tatay mo. Bakit hindi mo ba kaklase iyon?" tanong nito.

"K-Kaklase po," nausal na lang niya habang nakatigagal sa dingding.

"Sasabihin ko bababa ka na. Mag-ayos-ayos ka naman. Mukhang mayaman at mabango ang kaklase mo. Mukhang imported," kinikilig pang sabi ng tiyahin niya.

Kinusot niya ang mata. "Nasa labas daw si Hiro? Nananaginip ba ako? Itutulog ko ba ulit ito?" tanong niya sa sarili. Di naman siguro pupunta si Hiro sa kanya at makikipag-usap pa sa tatay niya. Di naman nito alam ang bahay niya.

Pero kailan ba mangyayari na dadalawin siya mismo ni Hiro sa bahay niya kundi sa panaginip lang? At kung panaginip ito, lulubus-lubusin na niya.

Marahan siyang pinto ng kuwarto niya kung saan tanaw ang sala. Nanlaki ang mga mata niya nang makita si Hiro na kausap ng tatay niya. Totoo nga. Nasa bahay niya si Hiro. Nakagat niya ang kuko sa sobrang excitement. Ang ganda naman nitong panaginip ko.

Gandang-ganda siya sa view nang biglang may humarang sa kanya. "Hoy, ate! Lalabas ka nang ganyan ang itsura mo? Nakakahiya naman sa manliligaw mo."

Hinatak niya ang braso ng kapatid na si Robin. "Talaga bang manliligaw ko siya?"

"Aba'y ewan ko sa iyo. Sa palagay mo ba papatulan ka ng ganyan kaguwapo?"

"Aba't…!" Ganoon? Kahit sa panaginip wala pa rin siyang ganda? Di siya pwedeng ligawan ng kasing guwapo ni Hiro Hinata?

Babatukan sana siya nito nang tawagin siya ni Mang Elpidio. "Jemaikha, gising ka na pala. Kanina ka pa hinihintay ng kaklase mo."

Lumingon si Hiro at bahagyang kumaway sa kanya. "Ohayou, sensei!"

"Magandang umaga," bati niya dito. Pati sa panaginip sensei pa rin ang tawag sa akin? Di ba pwedeng "hime"? gusto naman niya na matawag nitong prinsesa.

"Humarap ka sa bisita nang di ka man lang nagsusuklay? Nakakahiya kang bata ka." At kinurot siya ng tiyahin sa braso. "Halika na nga at maligo ka na. Dalaga ka na kaya dapat maayos kang humaharap sa mga tao." At saka siya kinaladkad papunta sa banyo.

"Aray! Masakit po," angal niya. Bakit ganoon ang panaginip? Nanakit. Kasing sakit ng realidad.

"Masakit talaga kung di ka muna mag-aayos. Maligo ka muna para makapasok ka na." Kinaladkad siya nito papunta sa banyo at inabot ang tuwalya sa kanya. "Ayus-ayusin mo ang sarili mo."

Hihilo-hilo pa siya nang magbuhos ng tubig at nanginig sa lamig. Kumirot din ang kinurot ng tiyahin niya. Nagising siya sa katotohanan na hindi siya nananaginip. Nasa labas talaga si Hiro at nakita siya nito na mukhang bruha. Napilitan siyang maligo kahit na malamig ang tubig.

Ibig sabihin ay di panaginip ang lahat. "Gahd! Nandito si Hiro sa bahay namin at kausap si Tatay. Nakakahiya. Hindi ako prepared. Nakita na niya ako nang di nagsusuklay, nagmumumog at naghihilamos." Idiniin niya ang noo sa pader. "Bakit ganoon? Bakit di ako na-inform na dadating siya? Ano ba kasing ginagawa niya dito? Kung alam ko lang na totoo ito, di naman ako haharap sa kanya na mukhang ewan."

Dali-dali rin siyang naligo dahil baka mainip na si Hiro at umlis na lang. Baka may emergency at walang ibang aalalay dito. Nang lumabas siya sa banyo ay wala na sa kuwarto ang tatay niya at si Hiro. Narinig niya ang boses ng mga ito sa maliit na hardin sa labas ng bahay. Sinamantala niya ang pagkakataon na magbijis at maligo. Nang lumabas sa kuwarto ay nasa hapag na ang mga ito at siya na lang ang hinihintay mag-agahan. Pinatuyo niya ang buhok at itinirintas iyon. Naglagay din siya ng baby powder sa mukha. Isinuot din niya ang dress na regalo ng kaibigan pero di pa niya naisuot. Bahala na kung mainip ang mga tao. Pero kailangan niyang bumawi kay Hiro nang mukha siyang sabukot kanina.

"Ang tagal mo naman, anak. Marami na kaming napagkwentuhan ni Hiro,"' sabi ng tatay niya nang samahan ang mga ito sa hapag-kainan.

"Nagdadalaga na kasi. Kita mo naman nag-dress bigla," nakangiting sabi ng tiyahin niya.

"Tita..." angal niya. Parang pinalalabas nito na nagpapaganda siya para kay Hiro.

"Kumain na tayo," usal ng ama niya at inutusan si Robin na pamunuan ang panalangin.