"IBIGAY mo sa kaibigan mo," seryosong sabi ni Jemaikha nang iabot ang sobre kay Hiro.
Gulat na inangat ng binata ang tingin sa binabasang libro. Sa library sila magkikita para sa I-assist ang binata sa pagre-review. Ino-offer niya na tulungan ito sa ibang lesson nito na di nito nakukuha. "Doushitano?" tanong nito kung ano ang problema.
"Ibabalik ko ang downpayment ng kaibigan mo. Isang beses lang siyang nagpa-tutor sa akin. Tapos no'n di na ulit nagparamdam sa akin."
Mabilis din namang matuto si Yuan. Wala nga itong accent kumpara kay Hiro pero wala pa silang isang oras na nagle-lesson ay nagpaalam agad ito na aalis dahil may emergency daw ang pamilya nito. Mula noon ay di na ito nagparamdam sa kanya.
"He is busy," kaswal na sagot ng binata at ipinaghila siya ng upuan para makaupo siya. "May training siya sa Hong Kong kaya di siya makakapunta sa iyo."
"Bakit di siya nagsabi? Parang tanga akong text nang text sa kanya. Sabi ko naman sa kanya huwag ibibigay sa akin ang pera. Gusto ko muna na I-try niya ang service ko. Anong gagawin ko sa pera ngayon?"
"Just keep the money. Siya naman ang di tumupad sa usapan ninyo."
"Ayokong gamitin ang pera na di ko pinaghirapan," giit ng dalaga. Naiiyak na siya sa inis. Muntik na niyang magamit ang pera kanina pambili ng gamot ng tatay niya. Nate-tempt siya. Mas mabuting wala sa kanya ang pera para makapaghanap siya ng ibang pagkakakitaan at alam niyang perang pinaghirapan niya ang magagamit niya.
"Ako na lang ang gagamit ng slot para sa kanya."
"What else can I teach you, Hiro? Alam mo naman na lahat." Tuwid na itong makipag-usap sa Filipino at English. Marunong na rin itong mag-Taglish. May mga salita na nahihirapan ito pero para sa malalalim na Tagalog na iyon. May naliligaw na Japanese words sa sentence nito pero naiintindihan naman niya iyon.
"Not on this one," sabi nito at inabot ang sulat sa kanya. Nakasulat pa iyon sa katakana na Japanese alphabet. "How can I tell you I love you?" pagta-translate niya.
"I wrote it. Gusto ko sanang I-recite sa English at Filipino para sa babaeng gusto kong ligawan."
"M-May liligawan kang babae?" nakatigagal niyang tanong.
Mahiyain itong ngumiti. "Susubukan ko lang. Di ko kasi alam kung magugustuhan niya ako."
Aray ko. Para naman pinagulong sa bubog ang puso ko saka pinahiran ng wasabe. Why so malupit, Hiro?
Pilit siyang ngumiti. "Hindi mo na kailangang magpaturo sa akin para lang masabi mo sa isang babae na gusto mo siya. Kaya mo na iyan," pagpapalakas niya sa loob nito. "Hindi mo na ako kailangang bayaran."
"B-But this is my first time to confess to someone. Ngayon lang ako nakaramdam ng ganito. At ikaw lang ang pwede kong pagkatiwalaan para matulungan ako na sabihin sa kanya nang tama ang nararamdaman ko. Gusto ko maiintindihan niya ang lahat ng sasabihin ko."
Maasim siyang ngumiti. Ngayon lang din siya nakaramdam ng ganitong sakit. Bakit naman ito nanggugulat? Di man lang siya ihinanda na may iba palang babae na nakapukaw ng interes dito. Kapag magkasama sila, minsan ay nahuhuli niyang nakatitig ito sa kanya na parang gandang-ganda ito. Akala ko lang pala iyon. May iba naman pala siyang liligawan. Hopia lang ako.
"Sa iba na lang. Wala naman akong alam sa love-love na iyan," aniya at umingos.
Hinawakan nito ang kamay niya at nagmamakaawa ang maamong mata nito habang nakatitig sa kanya. "Onegaishimasu, sensei," pakiusap nito. "I am willing to double the payment if you will just help me. This is important to me. And this is important for you, too."
Parang sinasagaan ng pison ang nagdadalamhati niyang puso. Kahit na masakit para sa kanya na tulungan ito sa panliligaw sa babaeng gusto nito, mas kailangan siya ng may sakit niyang ama.
Pumikit si Jemaikha at huminga ng malalim. Kakayanin ko ito. Kakayanin ko. Pamilya muna bago ang pag-ibig. Wala kang oras sa pride.
Dumilat siya at pilit na ngumiti sa binata. "Sige. Nasaan ulit ang ita-translate ko? Titiyakin natin na sasagutin ka ng babaeng iyon."