Chapter 63 - Chapter 23

"How ganda naman this girl. May boyfriend na guwapo at mayamang Japanese. Sana I-share mo naman sa amin ng blessings mo," sabi ni Rheinn habang kumakain ng lugaw sa eatery ng kaibigan nilang si Cherie. Kasama rin ni Jemaikha ang ibang mga kaibigan.

Nakatiyempo sila ng free time ng lahat dahil Sabado noon kaya nag-get together silang magkakaibigan. Sa sobrang busy sa kanya-kanyang commitment sa eskwelahan ay madalang na silang magkita-kita. Wala siyang itu-tutor na foreign student noon kaya malaya ang araw niya.

"Dapat nga inililibre mo kami sa sosyal na restaurant ngayong high level ka na rin. Hindi yung unli lugaw pa rin tayo hanggang ngayon tapos KKB pa," nakatirik ang matang reklamo ni Rachel.

Tinampal niya ang braso ng kaibigan. "Puro ka palibre. Ikaw nga itong may malaking baon sa atin at may tatay na seaman. Kaya mo nang bayaran 'yang lugaw mo. Di nga ako nagpapalibre kay Hiro."

"Aanhin mo naman ang guwapo at mayamang boyfriend kundi naman namin mapapakinabangan na friends mo?" tanong ni Rachel.

"Kumain ka na lang, Rachel. Huwag ka nang maghanap ng kung anu-ano. Di ka pa nasiyahan na pinakain tayo ng unli sushi ni Hiro nang nakaraang lumabas tayo," paalala ni Mayi dito.

"Iba iyon. Libre iyon ni Hiro sa atin dahil ihinanda natin si Jemaikha sa love confession niya. Nahirapan kaya ako sa kilay niya," angal ni Rachel.

"Nagpapasalamat naman ako sa tulong ninyo sa love life ko, mga friendship. Pero pagdating sa usaping gastusan at palibre, lagi naming pinagtatalunan iyan ni Hiro. Pareho pa kaming estudyante. Ayokong sabihin ng magulang niya na inaaksaya ni Hiro ang perang pinaghirapan nila para sa akin. Wala pa namang trabaho si Hiro.

"Huwag mong pansinin 'yang si Rachel. Naubusan lang 'yan ng allowance dahil sa katakawan. Nasaan pala si Hiro? Akala ko sasama siya ngayon," sabi ni Rushell na isinabaw ang suka ng tokwa at baboy sa lugaw.

"May pasok siya ngayon," sabi ni Jemaikha. "Baka sa Lunes na kami magkita."

"Di kayo magkikita bukas?" nanlalaki ang matang tanong ni Rheinn.

"Oras niya kasama ang mga kaibigan niya."

"Bakit di ka niya kasama?" magkasalubong ang kilay na tanong ni Mayi.

"Boys only. Parang tayo puro girls lang." Di naman pwedeng guwardiyado niya ang nobyo at wala na itong sariling buhay. Baka magkasawaan na sila.

"Sana naman isinasama mo kami para makilala namin ang guwapong friends ni Hiro Hinata. Di naman pwede na ikaw lang ang may guwapo at rich na boyfriend," angal ni Cherie.

Nagkibit-balikat siya. "Ewan ko. Nakaka-intimidate sila. Pakiramdam ko di ako bagay sa sirkulo nila."

"Masama ba ang trato sa iyo? Suplado?"

"Hindi naman. Parang masyado lang sosyal."

Ilang beses na siyang isinama ni Hiro kapag lumalabas ito kasama ang mga kaibigan. Naging hang-out ng mga ito ang bahay ni Rolf Guzman na nakabukod sa pamilya nito. Nakakalula ang condo unit ng batang car racer. Well-traveled ang mga kaibigan ni Hiro gaya nito. Mga bata pa lang ay achievers na.

"Tapos minsan di pa ako maka-relate sa usapan nila tungkol sa latest technology, politics at stock market o kaya arts. Iba pala 'yung nababasa mo lang pero grabe ang discussion nila. Parang ganoon na ang nginunguya nila mula nang ipanganak sila. Sinubukan ko minsan na humabol at makisali sa usapan pero hanggang isa o dalawang exchange ng dialogue."

Nakaka-insecure din lalo na kapag may ka-date ang mga kaibigan ni Hiro na mukhang sosyal at latest sa fashion at pagbiyahe ang pinag-uusapan. Ano naman ang maiko-contribute niya sa usapan ng mga ito? Life hacks? Paano maka-survive sa Payatas? Paano makatawad sa palengke?

Pakiramdam din minsan ni Jemaikha ay nagtataka ang mga kaibigan ni Hiro kung ano ang nakita sa kanya. Iba na nakikihalubilo lang siya sa may kayang tao pero iba na kapag parte na ang mga ito ng buhay niya. Nobyo na niya si Hiro kaya di niya pwedeng iwasan ang mga ito. Ayaw lang niyang may maling gawin at mapahiya si Hiro dahil sa kanya.

"Naku! Di mo dapat iniiwan mag-isa si Hiro. Baka mamaya agawin pa sa iyo ang boyfriend mo," banta ni Rheinn.

"I trust Hiro."

"Wag kang pakampante. 'Yung mga pangit at hampaslupa nga pinag-aagawan ng mga babae. Lalo naman si Hiro na guwapo na, mayaman pa at mabait. Walang maba-mabait sa babaeng mapilit."

Related Books

Popular novel hashtag