Matapos ang tanghalian ay napansin niyang di pa rin nagte-text ang lalaki. Nakasanayan na niyang nagte-text ito in between subjects o kaya ay kinukumusta siya kung nasaan na siya o kung kumain na siya. Makalipas ang isang oras ay wala pa ring text mula dito.
Tinawagan niya si Hiro habang nagvi-videoke ang mga kaibigan. Gusto lang naman niyang i-check kung nakauwi na ito. Alas dos na kaya tapos na ang klase nito. Nagtaka siya dahil di nito sinasagot ang tawag. "Baka naman nakatulog na sa pagod," usal niya.
Hindi siya demanding na girlfriend. Di rin siya clingy. Nauunawaan niya kung ano ang demands kay Hiro bilang engineering student. At nauunawaan din nito ang mga responsibilidad niya sa pamilya at sa trabaho. Tatlong buwan na niya itong nobyo pero smooth ang relasyon nila. Wala pa nga silang pinag-aawayan na dalawa.
Nag-ring ang cellphone niya nang tumawag ang kaklaseng si Mavy. "Nandito sa archery range si Hiro 'yung boyfriend mo. May kasamang ibang babae."
"Ows?!" tanong niya at tumaas ang kilay.
"Kasingtangkad mo ang babae pero talo tayo sa dibdib. Pinagtitinginan nga agad sila ng mga tao dito dahil naka-maigsing dress si Ate at labas ang cleavage. Ayan nga o! Nagtuturuan pa sila sa paghawak ng bow. Di ako nakikipagbiruan. Ipa-prank ba kita sa ganito kaseryosong bagay?"
Hindi agad nakakibo si Jemaikha. Isa sa mga tahimik niyang kaklase si Mavy. Miyembro ng archery team ng UP. Hindi ito mahilig sa tsismis at intriga dahil pag-aaral lang ang focus nito. Pero sino naman kayang babae ang tinutukoy nito?
"I-check mo ang Facebook mo after five minutes," sabi nito sa huli.
"Sige," usal niya at nakatitig lang sa cellphone matapos itong tumawag. Nag-register siya sa internet service para makita ang mensaheng ipapadala nito.
Nanginig ang kamay niya nang makita si Hiro na inaasistehan si Shobe sa archery range. Magkasama ang mga ito? Akala ba niya ay didistantsiya na ang nobyo sa babae. Bakit ine-entertain pa rin nito? Alam naman nito na may isyu siya kay Shobe.
"Jem, ikaw na ang kanta mo. Heto na 'yung Utada Hikaru mo," sabi ni Rachel at iwinagayway pa ang mikropono. "Tagal mo. Ako na kakanta. Saigo no…"
Alam nito na ayaw na ayaw niyang maaagawan ng kanta. Pero nang mga sandaling iyon ay hindi siya interesado sa kanta. Kinuha agad niya ang bag at nagpaalam sa mga kaibigan. "Aalis muna ako," sabi niya sa mga kaibigan. "May emergency lang."
"May nangyari ba kay Tito Elpidio?" nag-aalalang tanong ni Mayi.
"Di naman. Basta ituloy na lang ninyo ang videoke ninyo."
Ayaw na niyang bulabugin ang mga kaibigan. Masisira pa ang masayang mood ng mga ito. Tiyak na sasamang sumugod sa UP ang mga ito kapag sinabi niya. May tiwala siya kay Hiro pero wala kay Shobe. Gusto lang niyang malaman kung ano ang ginagawa nito kasama ang babaeng iyon.
Matindi ang kaba ni Jemaikha habang bumibiyahe papuntang UP Diliman. Hindi ako maghihisterya. Di ako mag-eeskandalo. Kalmado lang dapat. Classy.
Nang dumating siya sa archery range ay naghihintay na sa kanya si Mavy na alumpihit pa rin. "Nandiyan pa rin siya?" tanong niya.
"P-Pasensiya na. Di lang ako makatiis kasi di ko gusto ang pagdikit-dikit ng babaeng iyon sa boyfriend mo. Ayoko naman talaga ng gulo."
Pinisil niya ang balikat ng kaklase. "Salamat sa concern. Alam ko naman na wala kang masamang intensyon."
Natigilan sa paglalakad papunta sa spectator area. Si Hiro na ang nasa shooting station. Ilang beses na siyang nakapasyal sa archery range para suportahan si Mavy sa laro nito. Pero ngayon lang siya nakakita ng pana na gamit ni Hiro. Malaki iyon at mukhang sinauna.
"Yumi bow," usal ni Mavy sa tabi niya. "Alam niyang gamitin ang yumi bow?"
"Yumi bow?" tanong niya.
"Iyan ang ginagamit sa Kyudo o Japanese archery. Sinaunang form ng archery iyon na ginagamit pa ang mga Japanese warriors."
Natahimik si Jemaikha habang pinagmamasdan si Hiro. There was a calmness around him. Nakabuka ang paa nito. Nakatutok lang ang mga mata nito sa target. He hooked the arrow with the bowstring. Hinila nito ang bowstring. Pigil niya ang hininga hanggang pakawalan ng binata ang pana.
Napakawalan lang niya ang pinipigil na hininga nang sa wakas ay makitang sa sentro ng target tumama ang pana. Nagpalakpakan ang audience. Proud na proud si Jemaikha dahil napakagandang pagmasdan ni Hiro. Hindi pa niya nakikita ang side na iyon ng binata.
Pero natigil ang pagdiriwang niya dahil narinig niya ang tili ni Shobe. "Ikee, Hiro-kun! Daisuki desu!"