Chapter 21 - Gino Santayana Chapter 18

Hindi magkandatuto sa pagha-handle ng orders si Miles. Siya ang barista sa araw na iyon at anu-anong demands ang kasama sa order. Sanay na siya sa special demands ng mga guests. Pero kapag naiisip na order iyon ng maaarteng babae na companion ng ibang riders, naiinis siya.

Ang manager niyang si Jhunnica ay asawa ng isa sa mga members ng club. Di rin nito gusto ang ilan sa mga babaeng nandoon. Umaastang mayaman at sosyal pero ang totoo ay mga social climbers naman. At maliit ang tingin sa kanilang simpleng trabahador lang sa riding club. At balita pa niya, ilan sa mga babae doon ay naging companion na ni Gino. Lalo tuloy siyang nanggigil.

"Lagyan ko kaya ng sabon ang inumin ng mga iyan nang bumait?"

"Bakit nakasimangot ang sweetheart ko?" tanong ni Gino paglapit sa kanya.

"Hindi ako nakasimangot, Chef," aniya at awtomatikong ngumiti.

Sa mag-iisang buwang pagtatrabaho doon ay nasanay na siya sa paglalambing nito. Sa ibang staff din naman ay malambing ito. Extra nga lang ang lambing nito sa kanya dahil siya lang naman ang ginagamitan nito ng endearment.

Pagdating sa trabaho, professional naman ito. Maayos silang sinasabihan kapag nagkamali. At tinitiyak nito na magkakasundo silang lahat. Mababait naman ang mga kasamahan niya kaya wala ring problema.

"Pagod ka na siguro. Ako na ang magfo-froth ng milk," alok nito.

"Bumalik na lang ako sa kitchen, Chef. Ako na ang bahala dito."

Pinisil nito ang pisngi niya. "Sige. Huwag kang masyadong magpapagod."

Tumikhim si Quincy paglapit. "Pag-ibig na ba ang nakikita ko sa ngiti mo?"

Nilingon niya ito. "Pag-ibig ka diyan! Dalhin mo na lang ang order nila."

"Aminin mo na kasi. Halatang-halata na kayo ni Sir Gino. Pag-ibig na ba talaga iyan?" tukso ulit nito.

"Magtrabaho ka na lang. Baka tarayan ka na naman ng isa sa mga babae diyan. Alam mo naman ang ugali ng mga iyan."

"Huh! Mas maganda tayo sa kanila!"

Nasa counter na siya at magpapaalam kay Jhunnica na magbe-break nang lumabas ng kitchen si Gino. "O, sweetheart! Break mo na ba? Tikman mo ang Spinach stuffed Chicken Breast with Saffron Mayonnaise. Iniluto ko iyan para sa iyo."

"Thank you." Di niya mapigilang ngumiti. Halos araw-araw naman kasi siyang ipinagluluto ni Gino. And it was a sweet gesture. Lagi naman kasing espesyal ang niluluto nito para sa kanya. Mga pagkaing wala sa menu nila.

"Kita mo 'tong si Gino. May bago na namang dinidiskartehang babae. Di ba iyan din ang iniluto niya para sa isang niligawan niya?" anang si Hiro, isa sa mga miyembro ng riding club at kaibigan ni Gino.

"Shuichiro, paninirang puri iyan!" nakasimangot na sabi ni Gino. "Alam mo ba na pwede kitang idemanda sa sinabi mo? Ngayon lang ako nagluto nito!"

"Hindi paninirang puri iyon," sabi ni Reid, ang may-ari ang Stallion Riding Club. "Sabagay, mukhang alam naman na ni Miles ang tungkol diyan."

"Bumalik na nga kayo sa function room!" pagtataboy ni Gino sa dalawa. "Sa halip na tulungan ninyo ako, sinisira pa ninyo ang diskarte ko. Pasalamat kayo at mga kaibigan ko kayo. Kung hindi, di na ninyo matitikman ang masarap na luto ko."

"Basta huwag kang maniniwala sa pambobola niyan, Miles," pahabol na ni Shuichiro. "Kaibigan niya kami kaya sa amin ka maniwala."

"Mga inggitero!" usal ni Gino pag-alis ng dalawa. "Sinisiraan ako dahil wala silang Miles! Mamatay sila sa inggit."

"Wala ka rin namang Miles, hindi ba? Di mo naman ako girlfriend. At di rin naman ako naniniwala sa mga pambobola mo."

"Heto ka na naman. Nagde-deny ka na naman. Aminin mo na kasing in love ka sa akin. Araw-araw kong nilalagyan ng gayuma ang iniluluto ko para sa iyo."

"In love ako sa iniluluto mo."

"Sige na. Kumain ka na para lalo kang ma-in love sa akin. Sa susunod na magluto ako, for sure aamin ka na rin na in love ka sa akin."

Naiiling na lang siyang nag-break. Di lang niya maamin kay Gino na pakiramdam niya ay espesyal siya tuwing ipinagluluto siya nito.

"Ang sarap naman yata ng pagkain mo. Luto na naman ni Chef Gino 'yan, no?" sabi ni Quincy. "Patikim naman."

Bahagya niyang itinulak ang plato dito. "Sige. Kumain ka. Masarap iyan. Gusto ko ang blending ng saffron sauce sa chicken saka sa spinach."

Hay! Paano pa ba ako di mai-in love sa mokong na iyon? Guwapo, sweet at masarap magluto. Baka sa susunod na yayain niya ako ng date, di ako makatanggi.

"Hmmm… masarap nga. Kung ganyan siguro ka-sweet sa akin ang fiancé ko at lagi akong ipinagluluto, tuluyan ko na siyang pakakasalan."

"Ha? May fiancé ka?" gulat niyang usal. Di naman kasi pala-kwento sa kanya si Quincy. Madalas lang itong mang-urirat ng buhay ng ibang tao pero wala naman itong iki-kwento tungkol sa sarili. "Nasaan na siya? Kailan kayo ikakasal?"

"Ah, huwag na nating pag-usapan iyan. Hindi naman importante. Iku-kwento ko na lang sa iyo kung ano ang napag-usapan sa function room."

"Nakikinig ka sa usapan sa function room? Tsismosa ka talaga."

"Tsismosa talaga ako! And you know what? There is a gathering this weekend. Mukhang may tournament sila at kasama ang lahat ng members ng club. Nag-uusap-usap sila kung sino ang dadalhin nilang companion."

"Dapat palang ihanda ko na ang sarili ko. Trabaho na naman iyon!"

"Hindi iyon ang inaalala ko. Sino kaya ang companion ni Sir Gino?"

Natigilan siya sa pagsubo. Sino nga ba ang isasama nito? "Naku! Huwag mo nang problemahin iyon. Sa dami ng nagkakandarapa sa kanya, di siya mahihirapan."

"Paano kung ikaw ang yayain niya?"

"Ako? Nakita mo ba ang mga babae kasama niya? Maganda, sexy at kahit pa absurd ang mga suot kaya nilang dalhin ang sarili nila. Hindi naman ako bagay doon. Saka magtatrabaho na lang ako dito. Mas malaki pa ang tip."