Chapter 26 - Gino Santayana Chapter 23

DI napansin ni Miles ang paglipas ng oras. Masyadong mabusisi ang cake na iniluto niya kaya naman inabot siya ng alas diyes ng gabi sa pagde-decorate. Mabilis siyang pumunta sa may 7-Eleven sa Tagaytay Rotonda para habulin ang service.

"Naku! Naiwan na yata ako ng service. Pasado alas diyes na."

Alas diyes ng gabi ang huling biyahe ng service pabalik ng riding club. Ihinahatid nito ang mga empleyado na nakatira sa labas ng riding club. Ang pwede lang niyang sakyan ay tricycle pabalik sa riding club. Mahal nga lang ang singil.

"Ano ba iyan? Wala rin yatang tricycle na bumibiyahe." Ipinadyak niya ang paa. "Manhid na ang paa ko sa sobrang lamig!"

Pumasok muna siya ng 7-Eleven para bumili ng kape. Kung di niya iyon gagawin, malamang ay magyeyelo na ang dugo niya. Nakaupo siya sa stool at hinihipan ang kape niya nang mag-ring ang cellphone niya. Number ni Gino ang naka-register. "Hello, Sir! Bakit po kayo napatawag?'

"Nasaan ka na?"

"Nandito sa 7-Eleven. Naghihintay ng…"

"Naghihintay ka sa wala. Kanina pa dumating ang service at wala ka. Wala ka daw nang alas diyes sa 7-Eleven sabi ni Mang Pilo."

"Kasi ano…"

"Diyan ka lang. Huwag kang aalis, ha? Hintayin mo ako."

Napatitig na lang siya sa cellphone niya nang maputol ang tawag. "Anong problema ng lalaking iyon? Di pa ako nakakapagsalita, kung anu-ano na ang sinasabi." Ibinuhos na lang niya sa pag-inom ng kape ang pagtataka.

Maya maya pa ay nag-park ang kotse ni Gino sa harap niya. Bumaba ito at hangos na pumasok sa 7-Eleven. Kinawayan niya ito. "Sir Gino! Kape tayo!"

"Nakukuha mo pa akong yayain na magkape samantalang nag-aalala na ako sa iyo. Bakit ka ba naiwan ng service? Di ba dapat alas nuwebe pa lang tapos na ang klase mo? Alas diyes na, wala ka pa dito. Saan ka nagpunta? Sino ang kasama mo?"

"Nasa klase ko. Matagal maluto ang cake na nai-bake ko. Masyadong maraming arte sa preparation at sa decoration. Hindi ko naman pwedeng madaliin iyon dahil papalpak ang luto ko. Baka ipaulit pa iyon sa akin."

Bahagya itong kumalma. "Iyon lang? Hindi ka nakipag-date?"

"Kung nakipag-date ako, di ako papayag na di niya ihatid sa riding club. Ang kapal naman ng mukha niya kung iiwan na lang niya ako dito, no?"

"Pero walang nag-aalok sa iyo ng date?"

"Wala." Hinawakan niya nang mahigpit ang Styrofoam cup at tinitigan ang kape. "Ikaw lang naman ang huling nagyaya ng date sa akin. Saka kahit may magyaya pa, hindi ako makikipag-date. Sayang lang ang oras ko."

"Bakit naman masasayang ang oras mo sa pakikipag-date?"

"Gusto kong mag-concentrate sa bagong menu para sa dessert line natin. Marami akong ideas na kailangang I-consult kay Chef Rhea." Si Rhea ang pastry chef nila sa Rider's Verandah. "Ang dami-dami kong kailangang pag-aralan. Sa palagay mo, paano ko pa isisingit ang date sa buhay ko?"

Itinapik nito ang daliri sa counter. "Time management lang iyan. Kung marunong kang mag-manage ng oras, kaya mo lahat iyon."

Nakataas ang kilay niya itong tiningnan. "Based on experience ba iyan? Na kaya mong pagsabayin ang trabaho at pakikipag-date?"

"Bakit? Mali ba iyon?"

"Sa iyo, madali lang. Di ka naman kasi kailangang maging emotionally attached sa ka-date mo." Nangalumbaba siya. "Hindi ako ganoon. Hindi ako ang tipo ng babae na makikipag-date lang para masabing may ka-date. Ikino-consider ko ang ka-date ko bilang future boyfriend ko. I call that serious dating."

"Teka, parang pinalalabas mo naman na hindi ako seryoso kapag nakikipag-date ako. Akala mo nakikipaglaro ako."

"Hindi nga ba? Sa dinami-dami ng babaeng dumaan sa buhay mo at naging girlfriend mo, iyon ang nakikita ko. Wala ka naman yatang sineseryoso sa kanila."

"Sa pagde-date, siyempre titingnan mo muna kung compatible kayo ng ka-date mo. Hindi naman pwede na gusto mo agad mag-commit o may maramdaman sa isang tao kahit di pa ninyo kilala ang isa't isa. Nagkataon lang na hindi ko kasundo ang mga nakaka-date ko. May nakikita akong ugali nila na hindi ko gusto. Mas mabuti nang tigilan namin kung walang patutunguhan, hindi ba?"

"Yes. Then you'll jump to another girl," she chided.

"Sandali lang. Bakit parang galit ka sa akin dahil lang marami akong babaeng naka-date dati? Naghahanap lang din naman ako ng tao na makakapagpasaya sa akin at makakasundo ko. Masama ba iyon?"

Napatitig lang siya sa mukha nito. Madalang kasi silang mag-usap nang seryoso ni Gino. Minsan, pakiramdam kasi niya ay kilala na niya si Gino ayon sa nakikita niya at sarili niyang interpretasyon. Pero may ibang Gino pa siyang nakikita kapag nag-uusap sila ng seryoso. And it was ruining her expectations.

Tama. Siguro nga tao lang siya. Iniisip ko kasi na pinaglalaruan lang niya ang mga babae sa pagpapalit-palit niya ng ka-date. Pero gusto lang din naman niyang masaya at humanap ng taong magmamahal sa kanya. Katulad ko.

Binawi niya ang tingin dito at ipinilig ang ulo. Naku! Nakikisimpatya na ako sa kanya. Okay na sana dati. Tanggap ko nang playboy siya. Pero habang iniintindi ko ang Gino na di ko basta-basta nakikita, gumaganda lang lalo ang image niya sa akin. Hindi ito pwede! Nasisira ang harang na inilagay ko sa pagitan namin. Nawawalan ako ng rason para hindi ma-in love sa kanya.

Bumaba siya ng stool at binitbit ang kape. "Sa kapapalipat-lipat mo, paano ka makakatagpo ng babae na talagang gusto mo."

"Matagal na akong tumigil sa klase ng dating na sinasabi mo," anito paglabas nila ng convenience store. "Isang babae lang ang niyaya kong maka-date. Ikaw. And I never asked anybody else out since then."

Sumandal siya sa kotse nito. "And I refused."

"And I am going to ask you out again until you say yes."

"Bakit?" tanong niya at sumimsim ang kape.

"Kasi tingin ko magkakasundo tayong dalawa. I think we are destined for each other. You are the one for me." Nasamid siya sa sinabi nito at napaubo. Bahagya pa iyong mainit kaya napasigaw siya nang mapaso. "Miles, anong nangyari sa iyo? Okay ka lang?" Hinaplos nito ang likod niya.

"Huwag ka ngang basta-basta magbibiro. Paano kung mamatay ako dahil sa joke mo, ha?" I am the one for him daw! Maniwala naman ako.

Tumigil sa paghaplos ang palad nito sa likuran niya. "Hanggang ngayon ba hindi ka pa rin naniniwala na seryoso ako? Na gusto talaga kita?"

Tumayo siya nang tuwid. "Uwi na tayo, Sir. Maaga pa pasok ko bukas."

He looked disappointed. And so was she. Kapag ako naman ang nagseryoso sa sinabi mo, anong mangyayari sa atin? Nakita niya kung paanong napahiya si Gino minsan dahil sa kanya. Nakita niya kung gaano kalupit ang sirkulong ginagalawan nito. Mali ka, Gino. Hindi tayo bagay. Hindi ako ang babae para sa iyo.