Chapter 28 - Gino Santayana Chapter 25

"Lola, nagpaganda pa si Miles para sa inyo. Sabi ko nga pwede ko na siyang dalhin dito kahit di pa siya nagsusuklay at kagigising lang niya," sabi ni GIno.

"Gino, walang matinong babae na haharap sa amin nang ganoon," sabi ni Priscilla. "Siyempre gusto namin maganda kami kapag humarap kahit kanino."

"Mommy, maganda pa rin si Miles kahit na kagigising lang," katwiran ni Gino.

"Sabi mo kasi maganda lang siya," sabi ni Dorina. "Mas maganda pa nga siya sa akin. Sabi mo ako ang pinakamagandang babae para sa iyo."

Muntik na siyang matawa nang mahimigan ang pagtatampo ni Dorina. Mukha kasing nagbibiro lang ito. Pero wala namang kangiti-ngiti. Seryoso nga yata. Saka ganoon ba ako kaganda? Hindi naman masyado, ah!

Niyakap ni Gino si Dorina at kinindatan siya. "Magkaiba kayo ng ganda ni Miles. Saka huwag na kayong magtampo kung na-late kayo. Ipagbe-bake naman kayo ni Miles ng coffee mousse mamaya."

"Coffee mousse? At paano naman ang diet namin ng mommy mo?"

"Low in calories po iyong recipe ko," sagot niya. Kagagawa pa lang niya ng low calorie recipe na iyon noong isang linggo. Isusubo na naman siya ni Gino. Mao-obliga tuloy siyang mas pasarapin pa ang luto mamaya.

Apprentice na siya ng pastry chef nila. Sandali na lang kasi at matatapos na niya ang special course niya sa culinary school. Aprubado naman ang luto niya sa iba pero mukhang kailangan iyang I-please nang todo ang kamag-anak ni Gino.

"Kapag masarap ang coffee mousse mo, saka lang kita tatanggapin bilang girlfriend ng apo ko," sabi ni Dorina. "Maliwanag ba?"

"Po?" usal niya.

"Ma, don't be so hard on Miles," wika ni Priscilla. "I think she is nice."

"Hindi ko pa sigurado kung bagay nga siya bilang girlfriend ni Gino."

"Excuse me lang po. Mukha pong na-misinterpret lang ninyo. Hindi ko naman po kasi boyfriend si Gino," singit niya.

Parehong nagulat sina Priscilla at Dorina. "Ha? Bakit? Ayaw mo ba sa apo ko?" tanong ni Dorina.

"Oo nga," nag-aalalang sabi ni Priscilla. "Matagal ka na niyang nai-kwento sa amin. Akala ko nagde-date na kayo at girlfriend ka na niya. Kaya ka nga namin gustong makilala dahil mukhang gustong-gusto ka niya. He even mentioned about wedding the last time we talked."

Nang-aakusa niyang pinukol ng tingin si Gino. Kasal? Anu-ano ba ang sinasabi ng lalaking ito sa kanila? Nababaliw na ba ito? "Sa palagay ko po, imposibleng magpakasal kami. Kasi hindi naman po siya nanliligaw."

"Gino, kailan ka pa pumalpak pagdating sa panliligaw?" naiiling na tanong ni Dorina. "Ni hindi mo na nga kailangang manligaw ng babae. Isang ngiti mo lang, sila na ang nagpapakamatay na manligaw sa iyo."

"Niyaya ko siyang mag-date pero ayaw niya. Araw-araw ko pa nga siyang ipinagluluto. Lagi akong sweet sa kanya," katwiran pa ni Gino at iniiisa-isa ang mga ginawa para sa kanya. "Hindi pa ba ako nanliligaw no'n?

"Panliligaw ba ang tawag doon? Hindi mo naman sinasabi. Akala ko nagpapa-cute ka lang saka gusto mo lang akong kulitin," kontra naman niya.

"Maniniwala ka ba kapag sinabi kong manliligaw ako?"

Tinakpan ni Priscilla ang bibig at tumawa. "Gregory Alfred, this is such a shame! Wait till your dad hears about this. Makakatanggap ka ng lecture."

Tinapik ni Dorina ang tabi ng rocky rattan sofa. "Umupo ka dito, hija." Umupo siya tabi nito. Hinaplos nito ang buhok niya at ngumiti. "I think I am starting to like you. My grandson finally met his match."