Chapter 34 - Chapter 31

"MARAMING salamat sa cake, Miles. Masarap siya," sabi ni Mang Pilo.

"Wala po. Salamat po sa paghahatid." Pababa na sana siya nang bigla namang sumampa si Quincy ng coaster. "O, bakit nandito ka?"

"Miles, sinuntok ni Sir Gino iyong isa sa mga representative ng sponsor. Nagkakagulo daw sa music lounge dahil doon."

"Ano?" bulalas niya. "Bakit naman gagawin iyon ni Gino?" Alam naman niya ay di maiinitin ang ulo ni Gino. "Kasasabi ko lang sa kanya na mag-behave!"

"Sinuntok niya si Alain dahil sa iyo."

Nanlambot siya. "Bakit ako ang pag-aawayan nila? Hindi ko maintindihan."

"Mamaya ka na magtanong," sabi ni Quincy. "Manong Pilo, pwede po bang ihatid ninyo kami ni Miles sa music lounge?

Ihinatid sila ng coaster sa music lounge kung saan nangyari ang gulo. Subalit bumalik na sa normal ang lahat at nasa clubhouse na daw si Gino.

"Anong nangyari?" nag-aalalang tanong ni Miles nang dumating sa clubhouse ng Stallion Riding Club.

Sinalubong siya ni Hiro. "Calm down, Miles," anito at pinaupo siya sa couch. "Nasa loob ng office ni Reid si Gino at kinakausap nang masinsinan ni Reid."

"Totoo ba na sinuntok niya si Alain?"

Tumango si Hiro. "Malayo ako sa kanila nang narinig ko na lang na nagkagulo dahil di ko naman alam ang buong istorya. Paglapit ko, nakabulagta na lang si Alain sa sahig. At inaawat naman ng iba si Gino. Idinala sa clinic si Alain."

"Ha? Ganoon kalala?" At totoo ba na siya ang pinag-awayan ng mga ito?

"Huwag kang mag-alala. Wala namang damage kay Alain. The doctors confirmed it. May pasa lang siya sa panga at nakatulog. Iyon nga lang, maaring ma-suspend si Gino ng one month sa club."

"What? One month?" bulalas niya.

"Its against the club rules. Violence is not tolerated among club members. At si Reid mismo ang magpapataw ng parusa na iyon."