"PAANO iyan, botong-boto na sa iyo ang pamilya ko," sabi ni Gino kay Miles nang ihahatid na siya nito pauwi. "Kaninang paalis si Daddy, tinatanong na niya kung may plano na tayong magpakasal. Gusto daw kasi nilang ma-enjoy nila ang apo nila dahil magti-thirty na si mommy nang magkaanak."
Natigil siya sa paglalakad sa patio at nilingon ito. "Oy! Huwag mo nga akong ma-pressure diyan. Ni hindi pa nga kita boyfriend. At ngayon mo lang din nalaman na di pa pala panliligaw ang pagpapa-cute mo sa akin so sorry ka."
"Paano ba naman tayo magkakaayos? Ayaw mo ngang makipag-date."
Nagpatuloy siya sa paglalakad. "Sige. Payag na akong makipag-date sa iyo."
"Talaga?" Na-excite ito. "Sabihin mo kung saan, kailan at ano ang gusto mong date. Paghahandaan ko iyan."
"Gusto kong manood ng All My Life. Iyong movie ni Aga at Kristine."
Nanlaki ang mata nito. "Ayoko! Huwag iyon! Iba na lang ang panoorin natin. Naku! Wala akong kahilig-hilig sa ganoong pelikula."
Siniko niya ito. "Huwag kang ipokrito. Favorite mo iyon."
"Sinabi sa iyo ni Lola at Mommy?" Hinawakan nito ang braso niya. "Huwag kang maniwala sa kanila. Underworld ang favorite ko. Saka Jet Li movies."
"Kaya pala feel na feel mo na kumanta ng theme song." Ikinuyom niya ang palad at ginawa iyong mic. "How did you know I needed someone like you in my life? That there's an empty space in my heart. You came at the right time in my life."
"Tumigil ka nga! Hindi ko favorite iyon. Kinanta ko lang iyon kasi…"
Itinuloy lang niya ang pagkanta. "I'll never forget how you brought the sun to shine in my life. And took all the worries and fears that I have."
Hinila siya nito palapit dito. "Ayaw mo talagang tumigil?" Napipikon na ito.
Natutuwa siya dahil napipikon na ito kaya kumanta pa rin siya. "I guess what I am really trying to say. It's not everyday that someone like you comes my way—"
She stopped singing when he pulled her against his body and claimed her lips.