Chapter 27 - Gino Santayana Chapter 24

"MILES, gising!" sabi ni Quincy at niyugyog siya.

"Huwag kang istorbo. Gusto ko pang matulog," ungol niya at lalong isinubsob ang mukha sa unan. Holiday nang nakaraang araw at wala siyang pasok sa culinary school. Pero dagsa naman ang mga tao sa Rider's Verandah Café. Halos lahat yata ng members ay sa Stallion Riding Club nagpalipas ng araw.

"Nandiyan si Sir Gino. Gusto ka daw makausap."

"Isa pa siyang istorbo. Sabihin mo mamaya na lang siya makulit."

Sobra nang pagpapa-cute iyon. Pati ba sa oras ng tulog niya ay bubulabugin siya nito para lang magpa-cute. Sa panaginip na lang niya ito magpa-cute dahil gusto pa niyang matulog. Sa hapon pa naman ang duty niya.

"Quincy, sabihin mo sa kanya na ako mismo ang gigising sa kanya kapag hindi pa siya bumangon ngayon."

Bumalikwas siya ng bangon at nakita si Gino na nakasandal sa hamba ng pinto ng kuwarto niya. Kinusot niya ang mata at maang napatitig dito. Hindi siya nananaginip. Si Gino nga ang naroon. Napatili siya at mabilis na hinablot ang kumot saka itinakip sa katawan niya. "Anong ginagawa mo dito?"

"Sinusundo kita."

"Anong sinusundo? Lumabas ka ng kuwarto ko! Sa labas tayo mag-usap."

"Wala ba akong good morning kiss?" nakangising tanong nito.

"Good morning sapak, gusto mo?" Kahit pa sabihing boss niya ito at pati ang staff's house na iyon ay pag-aari nito, wala itong karapatan na basta-basta na lang pumasok ng kuwarto niya nang wala siyang permiso.

Humalakhak si Gino at lumabas ng kuwarto. "Dito lang ako sa labas."

Hinampas niya ang braso ni Quincy. "Ano ka ba? Bakit hindi mo sinabi sa akin na nandiyan lang pala si Sir Gino? Tingnan mo nga ang itsura ko! Ni hindi pa ako nagsusuklay o nagtu-toothbrush! Nakakahiya tuloy."

"Mag-ayos ka na. Kundi papasukin ka na naman noon."

Nagkukumahog siyang nag-toothbrush at naghilamos. Magsusuklay sana siya nang katukin ulit siya ni Gino. "Lumabas ka na!"

Inis niyang ibinaba ang suklay at lumabas ng kuwarto. "Bakit ba?"

Tiningnan siya nito mula ulo hanggang paa. Maluwag na t-shirt at pajama lang ang suot niya. "Pwede na iyan. Halika na!"

"Ha? Saan tayo pupunta? Tingnan mo nga itsura ko. Di pa ako nagsusuklay."

Isinuklay nito ang daliri sa buhok niya. "Maganda naman ang buhok mo. Saka pwede na iyan. Basta maipakilala lang kita sa Mommy at Lola ko."

"Ano? Nababaliw ka na ba?"