MALAPAD na napangiti si Sabel matapos makita ang larawan niyang nasa pendant ng kuwintas na ibinigay sa kaniya ng asawang si Mad. Muli niyang sinulyapan ang asawa na paminsan-minsan ay ibinabaling ang tingin sa kaniya dahil nagmamaneho ito ng kanilang sasakyan.
"Nagustuhan mo ba, Sabel?"
Bahagyang tumawa si Sabel dahil hindi niya alam kung anong pumasok sa isip ng kaniyang asawa para bigyan siya niyon. Sa pagkakaalam niya ay noon pa nauso ang ganoong klase ng kuwintas.
Inilagay ni Sabel ang kuwintas sa palad ni Mad at matamis siyang ngumiti. "Pag-uwi natin sa bahay, gusto ko ikaw ang magsuot niyan sa akin."
Isinilid ni Mad ang kuwintas sa bulsa ng suot nitong pantalon. Ilang sandali ay sinulyapan nito si Sabel at matamis itong ngumiti. "I love you."
Pinawi ni Sabel ang ngiti niya nang ibaling ni Mad ang tingin nito sa unahan. Hindi niya maipaliwanag ang naramdaman niya matapos sabihin sa kaniya ng asawa ang mga katagang sinabi nito. Alam niyang hinihintay nitong sabihin din niya ang mga katagang sinabi ng asawa ngunit hindi siya makapagsalita dahil pakiramdam niya ay tila may mali.
"Bago sumikat ang araw, nasa bahay na tayo, Sabel."
Malalim na humugot ng hininga si Sabel na agad din niyang pinakawalan. Ilang sandali ay ibinaling niya ang tingin sa kaniyang anak na mahimbing na natutulog sa likuran ng sasakyan.
"Nakatulog na lang si Junjun, Mad." Ibinaling ni Sabel ang tingin niya sa kaniyang asawa na ang tingin ay nasa unahan. "Excited na excited pa naman siyang makita ang bagong bahay natin."
"Gisingin na lang natin siya kapag nasa bahay na tayo."
Tumango si Sabel kahit hindi nakatingin sa kaniya ang asawa. Ibinaling niya ang tingin sa unahan at nakita niyang malapit nang bumalot ang liwanag. Nakasisiguro siyang malapit na sila sa kanilang pupuntahan kaya naman nakaramdam siya ng pagkasabik.
Masaya si Sabel dahil matapos ang mahigit anim na taong pagsasama nila ni Mad ay nakabili na rin sila ng sariling bahay. Noon ay nakikitira lang sila sa mga magulang ng kaniyang asawa. Tiniis niya ang hindi magandang pakikitungo sa kaniya ng biyenan niyang babae dahil noon pa man, tutol na ito sa relasyon nila. Nabunutan na siya ng tinik at hindi man niya gustong isipin ngunit pakiramdam niya ay tila nakaalis na siya sa impyernong bahay na iyon.
Labing siyam na taong gulang si Sabel nang maging nobyo niya si Mad na ang edad noon ay dalawampu't dalawang taong gulang. Matapos ang dalawang taong relasyon nila ay nagbunga ang kanilang pagmamahalan. Hindi siya nagsisi dahil batid niyang si Mad na ang makakasama niya habambuhay.
"Parang delikado naman ang daan dito, Mad," ani Sabel matapos ang ilang sandaling katahimikan sa loob ng sasakyan. Nakatuon lang ang tingin niya sa labas ng bintana dahil nais niyang maging pamilyar sa lugar.
"Dito lang ang parang delikado pero pagdating sa dulo, hindi na mga puno ang makikita mo, mga bahay na."
Napahawak si Sabel sa kaniyang dibdib matapos niyang tanawin ang ibaba ng kanilang dinaraanan. Hindi tuloy niya maiwasang makapag-isip ng hindi maganda sa takot na maari silang mahulog sa tila bangin.
"Ayos ka lang, Sabel?"
Napatingin si Sabel sa kaniyang asawa at ngumiti siya rito dahil nakatingin ito sa kaniya. Pinawi niya ang ngiti matapos na muling ibaling ng asawa ang tingin nito sa unahan.
"Sabel, pasensya ka na kung ngayon ko lang natupad ang pangako ko sa iyo na bibili tayo ng sarili nating bahay."
"Naiintindihan ko dahil kapos din tayo sa pera noon."
"Ayaw nga ni mama na umalis tayo sa bahay nila ni papa." Ibinaling ni Mad ang tingin nito kay Sabel at matamis itong ngumiti. Ilang sandali ay muli nitong ibinalik ang tingin sa unahan. "Ako na ang humihingi ng tawad kung hindi maganda ang pakikitungo sa iyo ni mama, Sabel."
Ibinaling ni Sabel ang tingin niya sa labas ng bintana ng sasakyan at sandali siyang natahimik. "Kahit ganoon si mama sa akin, ni minsan hindi ko siya binastos. Saka naiintindihan ko naman dahil sinisisi niya ako na nang dahil sa akin, call center ang naging trabaho mo na dapat sana, engineer ka na ngayon."
"Lagi ko ngang sinasabi kay mama na hindi ko man natupad ang pangarap nilang maging engineer ako, may natanggap naman akong yaman na higit pa sa kumikinang na ginto at kayo ni Junjun iyon."
"Salamat dahil nagsikap ka talaga, Mad. Dahil sa pagsisikap mo, nakabili tayo ng sariling sasakyan na kahit hindi brandnew, ang mahalaga may nagagamit tayo at higit sa lahat, may sarili na tayong bahay."
Ibinaling muli ni Mad ang tingin nito kay Sabel at ngumiti ito. "Pangako, magsisikap pa ako para sa pamilya natin."
Matamis na ngumiti si Sabel. "Ibalik mo na ang tingin mo sa unahan."
Ngumiti si Mad at ibinalik na nito ang tingin sa unahan. "Tutuparin ko ang pangako ko sa inyo ni Junjun na bibigyan ko kayo ng magandang buhay."
Ngumiti na lang si Sabel habang nakatingin siya sa asawa niyang nakatuon ang tingin sa unahan. Ilang sandali pa ay napawi ang ngiti niya nang maramdaman ang puwersahang pagliko ng sasakyan dahilan upang tumama ang ulo niya sa bintana.
INIHINTO ni Rafael ang kaniyang sasakyan at ilang sandali siyang natigilan habang nakatingin sa unahan. Wala siyang ibang narinig maliban sa malakas na kabog sa kaniyang dibdib. Kahit malamig sa loob ng sasakyan ay pinagpawisan siya.
Lumabas si Rafael ng kaniyang sasakyan at hinanap ang kotseng muntikan na niyang mabunggo. Mabuti na lang ay mabilis niyang nailiko ang kaniyang sasakyan nang makita ang paparating na kotse. Kung sakali man na magalit ang mga sakay niyon ay tatanggapin niya. Aminado siyang kasalanan niya ang nangyari dahil naipikit niya ang mga mata nang dahil sa antok.
Nanlaki ang mga mata ni Rafael matapos makita ang sirang bakal na nagsisilbing proteksyon sa gilid ng karsada. Nabuo agad ang konklusyon sa kaniyang isipan na nahulog ang kotseng muntikan na niyang mabunggo.
Dahan-dahan ang bawat paghakbang ni Rafael sa kaniyang mga paa habang papalapit sa nasirang gilid ng karsada. Pigil ang bawat paghinga niya dahil sa labis na takot. Pakiramdam niya ay tila babagsak siya dahil sa panghihina ngunit pinilit niyang tatagan ang sarili.
Muling nanlaki ang mga mata ni Rafael matapos makita ang kotseng nasa ibaba. Nakataob ito at may usok nang lumalabas galing sa sasakyan.
Kahit alam ni Rafael na delikado ay pinilit pa rin niyang puntahan ang kotse upang tulungan ang mga sakay niyon. Hindi kakayanin ng konsensya niya kung sakaling makapatay siya ng tao. Pilit siyang humihiling na sana ay buhay ang mga sakay ng sasakyan.
"P-Pakiusap, t-tulungan mo ang mag-ina ko."
Hindi malaman ni Rafael ang gagawin habang nakatingin sa lalaking duguan ang mukha. Nakabaliktad ito na halatang hirap na hirap sa sitwasyon nito.
"H-Hindi ko sinasadya." Paulit-ulit na napailing si Rafael habang nakatingin sa lalaki. "H-Huwag kang pipikit. Ilalabas kita riyan."
Pinilit ni Rafael na sirain ang pinto ng kotse upang mailabas ang lalaki ngunit naging mahirap para sa kaniya na masira iyon. Paulit-ulit niyang sinubukang sirain ang pinto ngunit hindi niya kinaya dahil na rin tila naubos ang lakas niya sa labis na takot.
Naramdaman ni Rafael ang paghawak ng lalaki sa bulsa ng suot niyang pantalon. Hindi niya iyon pinansin dahil mas binigyan niya ng atensyon ang pagsira sa pinto ng kotse. Sa pakiwari niya ay nagmamakaawa na ito at nais nang makalabas sa loob ng sasakyan.
Bahagyang yumuko si Rafael upang silipin ang lalaki. "Pilitin mong mabuhay. Hihingi ako ng tulong. Pangako, babalikan ko kayo rito."
Dali-daling umakyat si Rafael. Hindi na niya inalintana ang posibleng mangyari sa kaniya dahil sa pagmamadali. Para sa kaniya, kailangan niyang makarating nang mas madali sa itaas para makuha ang kaniyang telepono na nasa loob ng kaniyang sasakyan at para makahingi ng tulong.
Natigilan si Rafael matapos marinig ang malakas na pagsabog. Pigil ang paghingang nilingon niya ang sasakyan at halos manlaki ang mga mata niya nang makitang tinutupok na iyon ng malakas na apoy.
"Hindi!"