"SALAMAT dahil gising ka na, Anak."
Napahawak si Rafael sa kaniyang ulo dahil naramdaman niya ang bahagyang pagkirot niyon. Nalaman niyang may bendang nakapulupot sa kaniyang noo at hindi na siya nagtaka dahil alam niya ang nangyaring aksidente.
Kahit na hirap ay pinilit ni Rafael na umupo mula sa pagkakahiga. Sinulyapan niya ang kaniyang ina na nasa tabi niya. Nakasakay ito sa wheelchair habang ang isang nars ay nasa likod nito.
"Good Morning, Anak. Kumusta ang pakiramdam mo?"
Hindi tumugon si Rafael sa katanungan ng kaniyang ina dahil ang nasa isip niya ay sina Jade at Cassey. Nag-aalala siya sa kalagayan ng kaniyang mag-ina at hiling niya na sana ay maayos ang lagay ng mga ito.
"Rafael?"
Sandaling pinagmasdan ni Rafael ang kaniyang ina. "Ma, sina Jade at Cassey? Kumusta sila?"
"May masakit ba sa iyo? Sandali, tatawag ako ng doctor."
"Ma, sina Jade at Cassey?" Tinitigan ni Rafael ang mga mata ng kaniyang ina dahil nahalata niya na tila may itinatago ito sa kaniya. Alam niya ang kakaibang ikinikilos nito dahilan para magtaka siya.
"Tawagin mo ang doctor at sabihin mong gising na ang anak ko."
"Okay po." Tahimik na lumabas ng silid ang nars.
"Kagabi pa ako naghihintay na magising ka."
Tinitigan lang ni Rafael ang kaniyang ina dahil nahalata niyang hindi nito sinasagot ang tanong niya. Hindi niya alam kung anong dahilan nito gayon ang nais lang naman niya ay malaman ang kalagayan ng kaniyang mag-ina. Sa kinikilos ng kaniyang ina ay hindi niya maiwasang matakot. May nabubuong konklusyon sa kaniyang isipan ngunit hindi niya pinaniniwalaan.
"Ma, tatanungin ulit kita. Nasaan sina Jade at Cassey? Mabuti ba ang lagay nila?"
Bahagyang napayuko ang ina ni Rafael. Ilang sandali pa ay napahagulhol na ito ng iyak. Patuloy ito sa paghagulhol habang nakatakip ang palad nito sa bibig.
Bumagsak ang balikat ni Rafael dahil sa naging tugon ng kaniyang ina. Nakatingin lang siya rito at unti-unti itong lumabo sa kaniyang paningin dahil sa luhang nagbabadyang umagos. Hanggang ang luhang iyon ay tuluyan nang bumuhos, pahiwatig na alam na niya ang nais iparating sa kaniya ng ina.
Napailing si Rafael habang patuloy sa pagbuhos ang kaniyang luha. Hindi niya alam kung paano siya magsasalita dahil pakiramdam niya ay naubos ang kaniyang lakas. Pakiramdam din niya ay may kung anong nakatusok sa kaniyang dibdib dahilan upang mahirapan siya sa paghinga.
"Rafael... w-wala na sila."
Pilit na tinanggal ni Rafael ang karayom na nakatusok sa kaniyang kamay. Dahil sa puwersahang pagtanggal ay nagdugo iyon ngunit hindi niya naramdaman ang sakit. Nangingibabaw sa kaniya ang sakit dulot ng sugat sa kaniyang puso.
Bago pa man makalabas ng silid si Rafael ay narinig niya ang pagtawag ng kaniyang ina ngunit hindi niya ito pinakinggan. Gusto niyang hanapin ang kaniyang mag-ina dahil umaasa pa rin siyang nasa silid ang mga ito at nagpapagaling. Pilit siyang humihiling na nagsisinungaling ang kaniyang ina.
"Jade! Cassey!" Walang pakialam si Rafael kahit nakatingin ang mga tao sa kaniya dahil nais niyang makita ang kinaroroonan ng kaniyang mag-ina. Nagpatuloy siya sa pagtawag sa mga ito.
"Rafael, wala na sila! Huwag ka nang magbulag-bulagan!"
Nagpatuloy si Rafael sa paglakad at hindi niya inalintana ang inang sumusunod sa kaniya. Pilit siya nitong pinahihinto ngunit hindi niya ito inintindi. Nais niyang makita ang mag-ina at nais niyang mayakap ang mga ito.
Gustong humagulhol ng iyak ni Rafael dahil hindi niya kayang mawala sina Jade at Cassey. Nagsisilbi niyang lakas ang kaniyang mag-ina kaya hindi niya alam kung paano magsisimula nang wala na ang mga ito. Pilit niyang tinatatagan ang sarili dahil umaasa siyang buhay ang kaniyang mag-ina. Kung panaginip man iyon, gusto na niyang gumising.
"Rafael!"
Napahinto si Rafael nang maramdaman ang pagkirot ng kaniyang ulo. Tumindi ang pagkirot niyon dahilan upang mapaupo siya.
"Rafael, anak..."
Naramdaman ni Rafael ang paghawak ng ina sa kaniyang kamay. Wala na siyang nagawa kundi humagulhol ng iyak dahil iyon lang ang sa tingin niyang paraan upang ilabas ang bigat na nararamdaman niya. Tila unti-unti na siyang nagigising sa reyalidad na wala na nga talaga ang kaniyang mag-ina.
"W-Wala na tayong magagawa, Rafael. Tanggapin na lang natin na wala na sila."
"Buhay pa sila." Kahit batid ni Rafael ang reyalidad, pilit pa rin siyang nagbubulag-bulagan dahil hindi niya kayang tanggapin na wala na ang kaniyang mag-ina.
"Dead on arrival ang mag-ina mo."
MAHIGPIT na niyakap ni Sabel ang kaniyang kaibigan na si Gelai matapos siya nitong pagbuksan ng pinto. Wala siyang ibang nagawa kundi umiyak lang sa balikat nito. Iyon lang ang sa tingin niyang paraan upang mailabas ang bigat sa kaniyang dibdib.
"Bakit, Sabel?"
Napapikit si Sabel nang maramdaman ang paghaplos ng palad ni Gelai sa kaniyang likod. Pilit siya nitong pinapakalma ngunit tila hindi niya kayang pahupain ang kaniyang nararamdaman dahil labis siyang ginugulo ng konsensya. Hindi niya alam kung ano ang gagawin niya para pagbayaran ang kasalanan na hindi naman niya sinadya.
"May problema ka ba, Sabel?"
Kumalas si Sabel mula sa pagkakayakap kay Gelai at tinitigan niya ito. Kinagat niya ang kaniyang ibabang labi upang pigilan ang pag-iyak ngunit hindi siya nagtagumpay.
Pinunasan ni Gelai ang luhang dumaloy sa magkabilang pisngi ni Sabel at malalim itong nagpakawala ng hininga. "Ano bang dahilan, Sabel? Saka saan ka ba nagpunta kagabi? Hintay ako nang hintay sa iyo pero hindi ka naman dumating."
Humugot ng malalim na hininga si Sabel na agad din niyang pinakawalan. Sandali siyang humugot ng lakas para makapagsalita. "Gelai... s-sorry."
"Para saan, Sabel?"
"Sorry dahil... nanakaw sa akin ang kotse ninyo ni Jake."
Sa halip na magalit si Gelai, ngumiti ito at idinampi ang palad sa pisngi ni Sabel. "Sinaktan ka ba ng nagnakaw ng kotse? Baka may masakit sa iyo. Tara, dadalhin kita sa hospital."
Hinawakan ni Sabel ang mga kamay ni Gelai na nakadampi sa magkabila niyang pisngi. "Hindi nila ako sinaktan, Gelai. Huwag kang mag-alala, babayaran ko na lang ang kotse ninyo kapag nagkaroon na ako ng perang pambayad doon."
Umiling si Gelai at muli itong ngumiti. "Luma na rin naman ang kotseng iyon. Ang mahalaga, okay ka. Saka huwag mo nang bayaran iyon dahil maiintindihan ka rin naman ni Jake."
"Nakakahiya naman sa inyo, Gelai. Sana pala, hindi ko na hiniram iyon." Hindi na napigilan ni Sabel ang mapahagulhol ng iyak dahil kung kaya lang niyang ibalik ang lumipas na araw, hindi na niya hihiramin ang kotse ng kaibigan.
Hindi alam ni Sabel kung ano ang gagawin niya. Nadadala siya ng takot at matinding pangamba. Hindi man niya gusto ang naging desisyon niya ngunit nadala siya ng matinding takot. Batid niyang napakalaking kasalanan ang nagawa niya at dapat niya iyong pagbayaran ngunit inisip din niya ang paghahanap ng hustisya para sa kaniyang mag-ama.
"Wala na tayong magagawa, Sabel. Saka huwag mo nang isipin iyon dahil puwede namang palitan iyon."
Muling niyakap ni Sabel ang kaniyang kaibigan. Nagpatuloy siya sa pag-iyak dahil labis ang pagsisisi niya. Tama ang kaniyang kaibigan, wala na siyang magagawa dahilan para malugmok siya sa matinding pagsisisi.
"Hindi ko sinasadya."