Chereads / My Beloved's Sin / Chapter 2 - Kabanata 2

Chapter 2 - Kabanata 2

TANGING paghagulhol ng iyak lang ang nagawa ni Sabel matapos sabihin sa kaniya ng kaibigang si Gelai na patay na ang kaniyang mag-ama. Gusto niyang magwala ngunit nanghihina pa siya dahil ilang oras din siyang walang malay at hapon na nang magising siya. Paggising na lang niya ay nasa ospital na siya.

"Kausap ng mga biyenan mo ang mga pulis at sinabi sa kanila na nasunog daw ang katawan nina Mad at Junjun."

Sa narinig ni Sabel, pakiramdam niya ay tila tinusok ang kaniyang dibdib at pakiramdam din niya ay tila napakaraming karayom ang sabay-sabay na tumutusok sa kaniyang puso. Hindi niya kayang tanggapin ang nangyari sa kaniyang mag-ama at hindi siya makapaniwala na sasapitin iyon ng asawa at anak.

"Gagawin daw ng mga pulis ang lahat para pagbayaran ang may kasalanan pero mahihirapan daw sila dahil malabo ang kuha ng mga CCTV." Napahinga nang malalim si Gelai at hinawakan nito ang kamay ni Sabel. "Huwag kang mag-alala, makakamit din nina Mad at Junjun ang hustisya."

Napayakap na lang si Sabel sa kaibigan at nagpatuloy siya sa paghagulhol ng iyak. Hindi niya alam kung paano na siya gayong wala na ang mag-ama niya. Hindi niya alam kung paano matatanggap ang nangyari sa mga ito.

Hindi ikinasaya ni Sabel na nabuhay pa siya. Para sa kaniya, sana ay namatay na rin siya para hindi na niya nararamdaman ang labis na sakit at lungkot. Hindi tuloy niya alam kung anong dahilan kung bakit nabuhay siya.

Napakalas si Sabel mula sa pagkakayakap kay Gelai nang marinig ang padabog na pagbukas ng pinto. Ibinaling niya roon ang tingin at halos makaramdam siya ng takot nang makita ang biyenan niyang babae. Kusot ang mukha nito at halos maging kulay pula ang mukha nito dahil sa galit.

"Malas ka talagang babae ka!"

Muling napahagulhol ng iyak si Sabel matapos marinig ang mga katagang sinabi ng biyenan niyang babae. Nakatingin lang siya rito habang pilit itong pinipigilan ng biyenan niyang lalaki na makalapit sa kaniya. Nagpapasalamat siya dahil naging mabuti ito sa kaniya at ibang-iba ito sa asawa.

"Puro kamalasan ang ibinigay mo sa anak ko! Ikaw ang may kasalanan kung bakit namatay si Mad, Sabel!"

"Tama na, Tadel. Walang may gustong mangyari iyon kina Mad at sa apo natin. Kung sino man ang labis na nasasaktan sa pagkamatay nila, si Sabel iyon."

"Kasalanan ito ni Sabel! Dahil sa iyo, namatay si Mad! Sana ikaw na lang ang namatay!"

Muling napayakap si Sabel kay Gelai nang lumabas ang dalawa niyang biyenan sa silid na kinaroroonan niya. Tanging paghagulhol ng iyak na lang ang nagawa niya. Para sa kaniya, tama ang biyenan niyang babae dahil kung hindi niya pinilit si Mad na umalis na sa puder ng mga magulang nito, sana ay buhay pa rin ito maging ang kaniyang anak.

"Huwag mo nang intindihin ang sinabi ng mama ni Mad, Sabel. Walang may gustong mangyari iyon sa kanila."

"Gusto ko silang makita, Gelai."

"Gusto nga rin sanang makita ng mga biyenan mo ang bangkay nina Mad at Junjun kaya lang hindi na raw puwede."

Napapikit na lang si Sabel at sinubsob niya ang mukha sa dibdib ni Gelai habang patuloy siya sa paghagulhol ng iyak. Hindi niya alam kung paano makakayanan ang sakit at lungkot na nararamdaman niya dahil hindi na niya mayayakap ang kaniyang mag-ama. Hindi na rin niya makikita ang mga ito.

"WHAT happened, Rafael?"

Napalunok si Rafael dahil matapos niyang buksan ang pinto ay bumungad sa kaniya ang ina niya kasama ang asawa niyang si Jade at anak nilang si Cassey. Nakaupo ang mga ito sa sofa na tila hinihintay ang pagdating niya.

"Kanina pa kami tawag nang tawag sa iyo ni Jade, anak. Saan ka ba nanggaling?"

Hindi nagsalita si Rafael bagkus ay tinitigan lang niya ang kaniyang ina na nakatayo sa harapan niya. Gusto niyang umiyak ngunit pinigilan niya dahil hindi niya gustong magtanong ito kung ano ang nangyari lalo pa at hindi niya gustong may makaalam sa nagawa niya.

"Okay ka lang ba, Rafael? Kanina ka pa hinahanap ng anak natin."

Sinulyapan ni Rafael ang asawang si Jade. Nakita niya sa mukha nito ang labis na pag-aalala para sa kaniya. Alam niyang ilang beses itong tumawag sa kaniya ngunit hindi niya sinagot dahil nais niyang mapag-isa. Kung saan-saan siya nakarating para lang kalimutan ang nagawang kasalanan ngunit hindi niya iyon makalimutan dahil patuloy na tumatakbo sa isip niya ang pakiusap ng lalaking sakay ng kotse.

Labis na nakokonsensya si Rafael dahil hindi niya nailigtas ang lalaki at ang mag-inang tinutukoy nito. Gustuhin man niyang tulungan ang mga ito ngunit sumabog ang kotse. Kung hindi iyon sumabog, nailigtas pa sana niya ang buhay ng mga ito. Hindi tuloy niya alam kung paano siya makahihingi ng tawad sa mga namatay nang dahil sa kaniya.

"May problema ba, Rafael? Sabihin mo sa akin para matulungan kita."

"Wala akong problema, Jade. Ayos lang ako." Humugot ng malalim na hininga si Rafael na agad din niyang pinakawalan. Naramdaman niya ang nagbabadyang pagbagsak ng luha sa kaniyang mga mata.

"Huwag ka nang magsinungaling. Nandito lang ako."

"Sinabi na ngang okay lang ako!" Hindi na napigilan ni Rafael ang pagtaas ng kaniyang tono dahil pakiramdam niya ay mas ginugulo ni Jade ang kaniyang isipan. "Hayaan muna ninyo akong mapag-isa."

"Rafael, anak?"

Lumakad na si Rafael. Nakasalubong niya ang anak na si Cassey ngunit hindi niya ito hinagkan sa ulo dahil nais na niyang makarating sa kaniyang silid. Batid niyang nahalata ng kaniyang ina at asawa ang kakaibang kilos niya ngunit hindi na niya iyon inalintana.

Agad na tinungo ni Rafael ang palikuran sa silid nila ng kaniyang asawa. Pinagmasdan niya ang sarili sa salamin at ilang sandali lang ay kusa nang umagos ang luha sa kaniyang mga mata dahil labis siyang nakokonsensya. Gusto man niyang sumuko ngunit naduduwag siya dahil hindi niya gustong makulong.

"H-Hindi ko sinasadya. Hindi ko sinasadya." Napahilamos na lang si Rafael gamit ang kaniyang mga palad. Gusto niyang basagin ang salamin ngunit inisip niya na maaring magtaka ang kaniyang asawa kung bakit nabasag iyon. Maaari ring sa pamamagitan niyon ay malaman nito na may kinahaharap siyang malaking problema.

Naibaba ni Rafael ang tingin niya sa kaniyang pantalon. Nakita niya ang dugo sa bahaging bulsa. Alam niyang kung saan iyon galing. Dahil doon ay nakita niya nang malinaw sa kaniyang isip ang mukha ng duguang lalaki.

Agad na hinubad ni Rafael ang suot niyang damit at pantalon dahil itatapon niya ang mga iyon. Kung susuotin pa niya ang mga iyon ay lalo niyang maaalala ang nagawang kasalanan. Susubukan niyang gawin ang lahat para kalimutan ang nangyari.

LUMABAS ng silid ang katulong na si Lara para hanapin ang nawawalang sobreng may laman na mahalagang dokumento. Sa pakiwari niya ay maaring naitapon niya iyon dahil naglinis siya ng kaniyang silid.

Napahikab si Lara dahil sa antok lalo pa at malalim na ang gabi. Nais sana niyang ipagpabukas na ang paghahanap ngunit kukunin na ang mga basura pagsapit ng umaga.

Hinanap ni Lara ang sobre sa mga trash can ngunit wala roon ang hinahanap niya kaya naisipan niyang maghanap sa garbage bag. Nawalan na siya ng pag-asang mahanap pa ang hinahanap dahil ilang sandali na rin siyang naghahanap. Pakiwari niya ay nasa kamay na niya ang lahat ng mikrobyo ngunit hindi niya iyon inalintana dahil kailangan niyang mahanap ang sobre.

Nakahinga nang maluwag si Lara nang makita ang sobre na kaniyang hinahanap. Hindi na niya binuksan iyon dahil nabasa na rin niya ang pangalan niya sa labas ng sobre. Akmang itatali na niya ang garbage bag nang makita ang magarang pantalon.

"Hindi ako nagkakamali, kay Sir Rafael ito. Bakit kaya niya tinapon?" Pinagmasdan ni Lara ang magarang pantalon habang hawak niya iyon.

Binalot ng pagtataka si Lara nang makita ang dugo sa bahaging bulsa ng pantalon. Gusto man niyang bitiwan iyon ngunit nadala siya ng kuryosidad sa kung ano ang nakaumbok sa loob ng bulsa. Kahit na nag-aalangan ay kinuha pa rin niya ang nasa loob niyon.

Napakunot-noo si Lara matapos malaman na isang kuwintas ang nasa loob ng bulsa. Tumindi ang pagtataka niya nang makita ang larawan ng babaeng nasa pendant ng kuwintas. Upang mas malinaw niyang makita ang mukha ng babae ay inilapit niya iyon sa kaniyang mga mata.

Unang napansin ni Lara ang bilugang mga mata ng babae. Hindi ganoon katangos ang ilong nito ngunit bumagay naman iyon sa mapula at may kakapalan nitong labi. Bumagay rin ang mahabang buhok ng babae sa morena nitong kulay.

"Ate Lara?"

Napalingon si Lara sa kaniyang likuran nang marinig ang pagtawag sa kaniya ng pamilyar na tinig ng babae. Hindi siya makapagsalita habang nakatitig sa mukha ng asawa ng amo niyang si Rafael.

"Bakit ka nandito?"

"M-May hinanap lang po ako, Ma'am Jade." Naisilid ni Lara ang kuwintas sa bulsa ng suot niyang pajama nang mapansing nakatingin sa kaniyang kamay ang asawa ng amo niya.

"Ano iyon?"

"A-Akin po iyon, Ma'am. Sige po, mauna na ako." Lumakad na papasok sa loob ng bahay si Lara. Nais man niyang itanong sa asawa ng amo niyang si Rafael kung sino ang babaeng nasa kuwintas ngunit hindi niya nais makialam. Nais niyang ibigay iyon sa kaniyang amo upang malaman niya ang totoo kung sino talaga ang babaeng nasa kuwintas.