"BAKIT iniwan ninyo ako?" Napapikit na lang si Sabel at kasunod niyon ay ang pagbagsak ng kaniyang luha. Niyakap niya ang litrato ng kaniyang mag-ama at inisip na yakap niya ang mga ito. Tuluyan na siyang napahagulhol ng iyak dahil sa tindi ng lungkot na nararamdaman.
Humiga si Sabel habang yakap ang litrato. Iyon ang unang pagkakataong humiga siya sa kamang nasa silid nila ni Mad. Akala niya ay makakasama niyang matulog doon ang asawa ngunit nagkamali siya. Hindi man lang sila binigyan ng pagkakataon na makatulog sa bago nilang bahay.
Isang linggo na ang nakalilipas ngunit ang sugat sa puso ni Sabel ay nanatiling sariwa. Ginawa na niya ang lahat para maghilom iyon kahit na alam niyang hindi madaling kalimutan ang nangyari sa kaniyang mag-ama. Gusto na niyang makawala mula sa pagkakayakap sa kaniya ng matinding kalungkutan dahil pakiramdam niya, araw-araw siyang nahihirapang huminga.
Pinili ni Sabel na manatili muna sa bahay ng kaniyang mga magulang. Hindi muna siya nagpunta sa bahay nila ni Mad dahil batid niyang labis siyang malulungkot. Gaya nga ng sinabi niya, binalot siya ng matinding lungkot nang pasukin ang bahay na binili ni Mad.
Ang akala ni Sabel na sayang babalot sa bagong bahay nila ni Mad ay napalitan ng kalungkutan. Ang akala rin niyang ingay ng tawanang maririnig sa loob ay binalot ng katahimikan. Hindi tuloy niya alam kung kaya niyang manatili roon nang mahabang panahon.
Tiningnan ni Sabel ang litrato at kahit malabo ang tingin niya dahil sa luhang patuloy na bumubuhos sa kaniyang mga mata, malinaw pa rin sa isip niya ang nakangiting anak. Hinagkan niya iyon at muling niyakap.
"Napakabata mo pa, anak. Hindi ka man lang binigyan ng pagkakataong maimulat nang tuluyan ang isip mo."
Dala ang litrato, lumabas si Sabel ng silid. Bumungad agad sa kaniya ang salas. Tila isa siyang baliw na humihiling na sana sa paglabas niya ay makita roon ang kaniyang mag-ama na hinihintay ang paglabas niya. Nakita man niya ang mga ito ngunit tanging sa litrato lang na nakapatong sa ibabaw ng mesitang nasa gitna ng dalawang sofa.
Umupo si Sabel sa sofa at iginala ang tingin sa loob ng bahay. Gusto niyang palitan ng kulay itim ang kulay dilaw na pintura ng pader para ipahiwatig na nagluluksa siya. Binalot siya ng matinding lungkot dahil sa katahimikan. Gusto niyang makarinig ng tawanan sa loob ng bahay ngunit batid niyang malabo na iyong mangyari.
Ibinaling ni Sabel ang tingin sa jar na nakapatong sa ibabaw ng mesita kung saan din nakapatong ang litrato ng kaniyang mag-ama. Bahagya siyang ngumiti ngunit ang matinding lungkot ay makikita sa mga mata niya. Ilang sandali pa ay muling bumuhos ang luha sa kaniyang mga mata.
Kinuha ni Sabel ang jar at niyakap iyon. Pumikit siya para isipin na yakap ang kaniyang mag-ama. Pilit niyang inalis sa isipan na abo iyon ng kaniyang mag-ama. Inisip niyang katawan mismo ng mga ito ang yakap niya.
Napadilat si Sabel nang marinig ang sunod-sunod na katok sa pinto. Hindi sana niya gustong pagbuksan ang bisitang nagawi sa bahay nila ni Mad dahil nais niyang mapag-isa ngunit nang marinig ang pagtawag sa kaniyang pangalan ay nagbago ang isip niya. Hiling niya na sana ay may dalang magandang balita ang mga panauhin.
"Magandang umaga, ma'am Sabel."
Nagpahid ng luha si Sabel at humugot siya ng malalim na hininga para maikalma ang sarili. Pinatuloy niya ang dalawang pulis sa loob ng bahay.
"Nakilala na po ba ninyo kung sino ang nagmamaneho ng kotse?" tanong ni Sabel nang makaupo ang dalawang pulis sa sofa. Hindi siya umupo bagkus ay tumayo lang siya sa harapan ng mga ito.
"Ni-review na namin lahat ng kuha ng CCTV, pero hindi pa rin namin nalaman ang plate number ng kotse."
Sandaling natahimik si Sabel at tanging pagtitig lang sa pulis ang nagawa niya. Kahit nakararamdam ng galit ay pinili niyang hindi magpadala roon. Mahina siyang napahampas sa kaniyang noo.
"Tiningnan na rin namin ang lahat ng kuha ng CCTV sa posibleng dinaanan ng kotse pero nahirapan kaming ma-identify ang sasakyan dahil marami iyong kapareho at hindi rin makita ang mga plate number. Nagkataon naman na sira ang ibang mga CCTV sa karsada malapit sa pinangyarihan ng aksidente."
"P-Posible po bang makilala ang nagmamaneho ng kotse?"
Napatingin ang isang pulis sa kasama nito. Ilang sandali pa ay ibinaling nito ang tingin kay Sabel. "Aaminin namin sa iyo, mahihirapan kaming mahanap ang taong iyon pero huwag kang mag-alala dahil gagawin namin ang lahat para pagbayaran kung sino ang may kasalanan."
Hindi na nakapagsalita si Sabel. Tanging pagpikit na lang ang nagawa niya. Hiling niya ay makamit ng asawa at anak ang hustisya.
ILANG sandali nang nakatanaw si Rafael sa bintana. Ang katawan niya ay nasa silid ngunit ang diwa niya ay napunta sa ibang lugar. Patuloy pa rin siyang binabagabag ng kaniyang konsensya dahil sa nagawa.
Minsan nang sinabi ni Rafael sa sarili na susuko na siya sa mga pulis ngunit sa tuwing iisipin niya ang matinding lungkot na mararamdaman dahil malalayo siya sa kaniyang pamilya, biglang magbabago ang kaniyang desisyon. Nahihirapan na siyang ilihim ang nagawa ngunit wala siyang magawa kundi ipitin ang sarili sa sitwasyon na alam niyang nahihirapan siya.
Palagi ring laman ng panaginip ni Rafael ang lalaking sakay ng kotse. Patuloy pa rin itong nagmamakaawa sa kaniya. Ilang araw na rin siyang walang sapat na tulog dahil kung tatangkain naman niyang matulog, ilang oras lang ay magigising din siya. Minsan ay pinipili na lang niyang hindi matulog sa pangambang muling mapanaginipan ang lalaking sakay ng kotse.
Napalingon si Rafael sa likuran nang marinig ang pagbukas ng pinto. Tinitigan lang niya ang asawang nakatayo sa pintuan habang nakatingin ito sa kaniya. Ilang sandali ay muli niyang ibinalik ang tingin sa labas ng bintana.
"Tapos na kaming mag-breakfast, Rafael. Nagtataka na ang mama mo kung bakit hindi ka na raw sumasabay sa amin at saka palagi kang wala rito sa bahay."
"Hindi pa kasi ako nagugutom." Naramdaman ni Rafael ang paghaplos ng palad ni Jade sa kaniyang likod. Napapikit na lang siya. Nais kumawala ang luha sa kaniyang mga mata ngunit pinigilan niya iyon.
"Nagtataka na ako sa ikinikilos mo. Hindi ka naman dati ganito. May problema ka ba, Rafael?"
Nagpakawala si Rafael ng malalim na hininga at hinarap ang kaniyang asawa. Hinagkan niya ito sa noo at bahagya siyang ngumiti. "Baka siguro, kailangan kong isubsob ang sarili ko sa trabaho."
"Bakit hindi na lang tayo mag-travel?"
"Saka na lang, Jade."
Bahagyang tumango si Jade at ngumiti ito. "Sige na, ihahatid ko na si Cassey. Wala kasi ang service niya."
Muling hinagkan ni Rafael ang noo ni Jade at niyakap ito. Ilang sandali lang ay kumalas siya sa pagkakayakap sa asawa. "Mag-ingat kayo."
Ilang sandali matapos lumabas ng asawa ni Rafael ng silid ay napagdesisyunan na niyang lumabas at magtungo sa ibaba. Ilang hakbang na lang ay mararating na niya ang salas nang marinig ang pagtawag sa kaniyang pangalan dahilan para mapahinto siya. Hinanap niya ang tumawag sa kaniya. Nakita niya ang kasambahay na si Lara na papalapit sa kaniya.
"Good morning po. Mabuti po nagkita ulit tayo."
Matipid na ngiti ang itinugon ni Rafael sa kasambahay. Pinagmasdan niya ito at ipinagtaka niya ang tila pagkabalisa nito.
"M-May ibibigay po ako sa inyo. N-Nakita ko po kasi ito sa pan—"
"Lara!"
Naibaling ni Rafael ang tingin sa likuran nang marinig ang tinig ng kaniyang ina. Nakatayo ito sa hagdan at tila may iniindang sakit.
"Lara, tulungan mo nga ako sa pagbaba. Masakit kasi ang katawan ko. Diyan ka na lang, Rafael. Kay Lara na lang ako magpapatulong."
Umupo si Rafael sa sofa para hintayin ang paglapit ng kaniyang ina. Batid niyang maraming katanungan ang ibabato nito sa kaniya kaya inihanda na niya ang sarili.
Napatayo si Rafael nang makitang nadulas ang kaniyang ina dahilan para mapahiga ito. Agad niya itong nilapitan para alalayan sa pagtayo.
"Bwisit ka! Lumayas ka rito, Lara!"
"Ma'am, sorry po."
Binuhat ni Rafael ang kaniyang ina dahil kailangan niya itong dalhin sa ospital lalo pa at nakita niya kung paano nito indahin ang sakit ng katawan.
"Lumayas ka rito, Lara! Ayokong makita pa ang mukha mo rito sa pamamahay ko!"