"MAG-INGAT ka sa Japan, Gelai. Kailangan pag-uwi mo, may chocolate kang dala para sa akin." Kasabay ng pagngiti ni Sabel ay ang pagbagsak ng luha sa kaniyang mga mata. Napatakip pa siya sa bibig dahil hindi na niya napigilan ang paghagulhol ng iyak.
Nais man ni Sabel na kumbinsihin si Gelai na huwag nang umalis ng bansa ngunit batid niyang gagawin iyon ng kaibigan para sa mag-ama nito. Kahit na kailangan niya ito dahil lugmok siya sa kalungkutan at kailangan niya ng masasandalan ay wala na siyang magagawa kundi maging masaya na lang sa desisyon nito.
"Hayaan mo, dalawang taon lang naman ang kontrata ko sa Japan. Huwag ka nang umiyak dahil magbi-video chat naman tayong dalawa."
Pinahid ni Sabel ang luhang umagos sa kaniyang pisngi. Pilit niyang ikinalma ang sarili at nang magtagumpay, malapad siyang ngumiti upang ipaalam sa matalik na kaibigan na masaya siya sa pag-alis nito.
"Kung maluwag lang kami sa pera, hindi na ako magtatrabaho sa Japan. Mahirap kayang malayo sa pamilya."
Napawi ang ngiti ni Sabel. Tumayo siya mula sa pagkakaupo sa sofa at lumapit sa bintana. Naibaling niya ang tingin sa kotseng nakaparada sa labas ng bahay ng kaniyang kaibigan.
"Sabel..."
Muling ibinaling ni Sabel ang tingin kay Gelai at bahagya siyang ngumiti. "Kailan nga pala ang alis mo?"
Tumayo si Gelai at lumapit ito kay Sabel. "Ngayong Biyernes na."
Humugot ng malalim na hininga si Sabel at muli siyang ngumiti kahit na nakaramdam siya ng lungkot. "May three days pa pala tayo para mag-bonding."
"Sabel..."
Napawi ang ngiti ni Sabel dahil nakita niya ang lungkot sa mga mata ni Gelai. Batid niyang maaring nakita nito ang lungkot na sumisilay sa kaniyang mga mata.
"Sorry kung hindi na kita masasamahan sa paghahanap sa driver ng kotse. Hayaan mo, lagi kong ipagdarasal na sana, makamit na nina Mad at Junjun ang hustisya."
"Ano ka ba, huwag mo akong intindihin. Dapat mo lang unahin ang pamilya mo kaysa sa iba."
Ngumiti si Gelai at hinawakan nito ang kamay ni Sabel. "Hindi ka naman iba sa akin. Sa tagal nating magkaibigan, kapatid na ang turing ko sa iyo. Basta kapag kailangan mo ng pera, huwag kang mahiyang magsabi sa akin."
"Nakakahiya naman sa iyo. Ilaan mo na lang iyon sa pamilya mo dahil may pera pa naman ako. Gagamitin ko iyon para makamit nina Mad at Junjun ang hustisya."
"Basta kapag kailangan mo, tumawag ka lang sa akin."
Masuyong pinisil ni Sabel ang kamay ni Gelai. Matamis siyang ngumiti at kasunod niyon ay niyakap niya ito nang mahigpit. Labis ang pasasalamat niya dahil nagkaroon siya ng kaibigan na kasama niya sa hirap at ginhawa.
Kumalas si Sabel mula sa pagkakayakap kay Gelai at humarap siya rito. "Puwede ko bang mahiram saglit ang kotse ninyo ni Jake?"
"Oo naman, Sabel. Saan ka ba pupunta?"
"May pupuntahan lang ako. Babalik din ako."
"Mag-ingat ka. Bumalik ka rin agad para rito ka na maghapunan."
Nakangiting tumango si Sabel. Tinungo na niya ang pinto para makalabas na sa bahay ni Gelai. Sa katunayan ay hindi niya alam kung saan siya pupunta basta ang alam lang niya, nais niyang pagaanin ang bigat na nararamdaman.
"ATE Perl, nakita mo ba sina Jade at Cassey?" tanong ni Rafael sa kasambahay nang makapasok sa loob ng kanilang bahay.
"Nasa room po ninyo sila. Kararating lang din po ni ma'am Jade."
Tumango si Rafael. Akmang hahakbang na siya nang muli niyang ibalik ang tingin sa kasambahay. "Si Ate Lara, nakita mo ba siya? Kanina ko pa kasi siya tinatawagan pero hindi ko ma-contact ang number niya."
"Umalis na po siya. Kaninang tanghali pa po."
Kumunot ang noo ni Rafael dahil hindi niya sukat akalain na aalis na ito sa trabaho sa kabila ng maraming taong pagsisilbi nito sa kanila. Nagpakawala siya ng malalim na hininga dahil tinotoo nito ang sinabi ng kaniyang ina.
"Mukhang inutusan po yata ni Ma'am Cora ang guard na paalisin na rito si Ate Lara."
"Ginawa niya iyon?"
"Iyon po ang sabi sa akin ni Ate Lara. Kinuha pa nga sa kaniya ang cellphone na ibinigay mo."
Hindi na nakapagsalita si Rafael. Alam na niya kung bakit hindi matawagan ang kasambahay na si Lara. Ipabibilin sana niya rito na magpunta na lang ang mag-ina niya sa ospital dahil nais makita ng kaniyang ina ang apo nito. Dahil naubusan ng baterya ang telepono niya, pinili niyang puntahan na lang ang mag-ina para sunduin ang mga ito.
Tumingin si Rafael sa salamin upang makita ang anak na nasa likuran ng sasakyan. Ngumiti siya rito at ilang sandali ay tiningnan niya ang asawang si Jade na yakap ang kaniyang anak. Hindi niya alam kung bakit tila gustong-gusto niyang yakapin ang kaniyang mag-ina. Dahil nagmamaneho siya, tanging pagngiti na lang ang ginawa niya.
Pilit na itinuon ni Rafael ang sarili sa unahan dahil kailangan niyang mag-ingat lalo pa at madilim ang daan na tinatahak nila. Kahit anong pilit niya, ang isip niya ay ginugulo ng pagnanais na mayakap ang kaniyang mag-ina. Gusto niyang ihinto ang sasakyan upang pagbigyan ang sarili ngunit kailangan nilang marating agad sa ospital dahil nais nang makita ng kaniyang ina ang apo nitong si Cassey.
"May problema ba, Rafael?"
Sandaling tumingin si Rafael sa salamin upang tingnan ang asawa bago niya muling ibalik ang tingin sa unahan. "W-Wala."
"Kumusta nga pala si Mama, Rafael?"
"Maayos na ang lagay niya, Jade. Sabi rin ng doctor, baka sa susunod na araw, puwede na siyang makalabas."
"Ang bad po ni Ate Lara. Inaway niya si Grandma."
Napailing na lang si Rafael sa sinabi ng anak. Tatlong taong gulang pa lang ito kaya naunawaan niya kung bakit nasabi iyon.
"Anak, hindi bad si Ate Lara. Hindi naman niya sinasadya ang nangyari. Saka narinig mo naman ang sinabi ng daddy mo. Okay na ang grandma mo."
"Ayoko na po kay Ate Lara."
Muling tiningnan ni Rafael ang anak sa salamin. Nagpakawala siya ng malalim na hininga at ibinaling niya ang tingin sa asawang tila hirap na kumbinsihin ang kanilang anak. Ibinalik na niya ang tingin sa unahan at muli siyang nagpakawala ng malalim na hininga.
"Rafael, alam mo ba kung nasaan na si Ate Lara? Sa seven years nating magkasama sa buhay, siya ang madalas kong kausap kaya naging malapit na rin ang loob ko sa kaniya."
"Elementary pa lang ako, siya na ang nag-alaga sa akin kaya nakalulungkot na sa isang iglap, binitiwan niya ang trabaho niya." Nagpakawala si Rafael ng malalim na hininga matapos maisip na may ibibigay sa kaniya ang kasambahay na si Lara. "Nagtanong na ako sa ibang kasambahay kung may alam sila sa kinaroroonan ni Ate Lara pero wala raw siyang binanggit."
"Hindi ba nakatira siya sa Bicol?"
"Matagal na silang umalis doon, Jade."
"Nanghihinayang tuloy ako para sa kaniya."
"Kapag lumamig ang ulo ni Mama kay Ate Lara, kukumbinsihin ko siya. Ako mismo ang maghahanap kay Ate Lara para makabalik siya sa trabaho."
Tumahimik na sa loob ng sasakyan kaya pinili ni Rafael na ituon ang atensyon sa pagmamaneho dahil nanatiling madilim ang daan na tinatahak nila. Naglalakihang mga puno at mga talahib ang nasa gilid ng karsada. Maayos ang daan kaya hindi naging mahirap sa kaniya na tahakin iyon.
Minsan ding nagagawi si Rafael sa lugar na iyon kapag nagpupunta siya sa tulay at ilang sandali na lang, madaraan na nila iyon. Kung minsan ay nasa tulay siya kapag gusto niyang mapag-isa. Bibihira lang na may dumaan na sasakyan sa tulay na iyon kaya naman payapa ang lugar.
Kahit papaano ay malinis ang ilog. Mula sa tulay ay matatanaw ang paglubog ng araw. Matatanaw rin doon ang tila kagubatan.
"Baka inaantok ka na, Rafael. Ako na ang mag-drive."
"Dapat pala, kinausap ko si Mama na bukas na lang tayo pumunta sa ospital."
"Nandito na rin tayo. Saka gustong-gustong makita ni Mama si Cassey."
Hindi na nagsalita si Rafael bagkus ay muli niyang itinuon ang atensyon sa pagmamaneho. Unang pagkakataon niyang dumaan ng gabi sa lugar na kinaroroonan nila ng kaniyang mag-ina. Kung daraan man siya roon, papabalot pa lang ang dilim. Kung hindi inaayos ang karsada, hindi sila daraan doon ngunit iyon lang ang isa pang daan para makarating sa ospital.
"Rafael..."
Ipinagtaka ni Rafael ang pagtawag sa kaniya ni Jade. Tiningnan niya ito sa repleksyon sa salamin. Nakangiti ito sa kaniya habang yakap ang kanilang anak.
"Mahal na mahal kita."
Pinilit ngumiti ni Rafael kahit na bigla na lang bumilis ang kabog sa kaniyang dibdib. Itinuon na niya ang tingin sa unahan dahil hindi na niya maipaliwanag ang nararamdaman. Paminsan-minsan ay ibinabaling niya ang tingin sa asawa at nanatili itong nakatingin sa kaniya habang nakangiti.
"Rafael, kung mawala kami sa buhay mo, gusto kong hanapin mo ang taong muling magpapasaya sa iyo."
"Ano bang sinasabi mo? Hindi kayo mawawala ni Cassey." Pinili ni Rafael na hindi balingan ng tingin ang asawa. Binilisan na niya ang pagpapatakbo sa sasakyan dahil nais na niyang makarating sa ospital.
"Lagi mo sanang tandaan ang sinabi ko."
"Jade—" Huli na para iiwas ni Rafael ang kaniyang sasakyan dahil nabunggo na sila ng humaharurot din na sasakyang napunta sa linyang tinatahak niya. Naramdaman niya ang malakas na paghampas ng kaniyang ulo dahil sa pagtaob ng sasakyan.
"T-Tulong..." Tuluyan nang naipikit ni Rafael ang kaniyang mga mata.