BUMALIK si Lovely sa front desk matapos ang ilang minutong pagkatok at paghahanap sa binata sa resort. Naisip kasi nitong baka abala naman itong gumagawa ng kung ano ano para pasayahin siya.
"Iza, have you seen Adam?" medyo hingal na tanong nito
"Yun nga po ma'am yung sasabihin ko sa inyo kanina."
"Ha?" kunot noong tanong nito
"Sir Adam left early this morning, around 5 po."
"That's early, sinabi ba niya saan siya pupunta or what time siya babalik?" medyo nagaalalang tanong nito
"Ma'am nagcheck-out na ho si Sir. Akala ko ho alam niyo dahil makasama po kayo kahapon." Medyo mabagal na tugon dahil napapansin ang kakaibang reaksyon ng dalaga
"Good morning ma'am!" bati ni Rose
Tumango lamang si Lovely sa pagbating iyon at tumalikod. Tila nabasa ni Iza ang reaksyong iyon kaya sumenyas siya kay Rose na huwag ng magtanong pa.
PUMASOK sa kaniyang kwarto si Lovely at hindi lumabas doon ng maghapong iyon. Nagkusa si Rose na hatidan ng pagkain ang dalaga. Tahimik naman nitong tinanggap iyon at agad isinara ang pinto. Kinagabihan ay ganoon din ang ginawa ni Iza ng malaman na hindi pa rin ito lumalabas ng kaniyang kwarto.
Kinabukasan ay kinatok ni Iza ang amo sa kaniyang kwarto. Matagal bago nito binuksan ang pinto. Nahalata ni Iza na namumugto ang mga mata nito at umiiwas ng tingin.
"Good morning ho ma'am. Tumawag po si Sir Antonio kanina, hindi daw po kayo makontak sa cellphone niyo kaya nagbilin na lang po sa akin na sabihin ko daw po sa inyo na umuwi na daw po kayo ngayon." Wika ni Iza na malumanay na tinig
"Bakit daw ngayon? Tawagan mo, sabihin mo next week na lang." gumagaralgal na boses nito sabay akmang isasara ang pinto.
"teka ho ma'am!" pagharang ni Iza "Last day po ng enrollment niyo ngayon… at… m-may pasok na daw po kayo sa Lunes." Dagdag ni Iza
"Ha? Anong araw ba ngayon?" nabiglang tanong nito
"Biyernes ho ma'am." Alistong sagot ni Iza
Tumingin si Lovely sa orasang nakasabit sa dingding ng kwarto niya. Nakita niyang alas nuwebe na ng umaga. Mukhang binuhusan ng malamig na tubig ang reaksyon nito.
"Sige Iza, I'll just fix my things tapos uuwi na ako." Sabay sara ng pinto
Hindi na nagawa pang magpaalam ni Lovely sa ibang tauhan sa kakamadali. Bara-bara niyang inilagay ang mga gamit sa compartment ng kotse niya. Ni hindi na ito nag-almusal o naligo. Ang katwiran niya ay sa bahay na lamang siya mag-aayos bago pumunta sa eskwelahan. Habang nagmamaneho ay doon niya pa lang chinarge ang cellphone upang mabuksan ito. Bumili na lamang ito ng pagkain sa nadaanang drive thru fastfood. Habang nagmamaneho ay kumakain ito ng burger. Sa wakas ay bumukas na ang kaniyang cellphone, kailangan niya kasing tawagan ang ama para malaman kung nasa bahay ba ito o nasa opisina na. Nakita niya ang napakaraming text messages mula sa ama.
"Anak, nasa ibabaw ng side table mo sa kwarto ang pang-enroll mo. I love you." Text message ng ama niya
Nakahinga ng maluwag si Lovely pagkabasa nito.
Pagkauwi ng bahay ay agad naligo ang dalaga at mabilis na nag-ayos para umabot sa oras. Bago umalis ay dinampot niya ang pera sa side table niya. Napahinto siya saglit. Nakita niya huling litrato nila ng ina.
"Ma, tutuparin ko po ang promise ko." Sabay ngiti nito at saka umalis.
NAGING abala si Lovely sa eskwelahan. Maraming projects at magtetraining pa ito sa isang malaking hotel sa Maynila. Paminsan-minsan ay naaalala niya pa rin si Adam. Hanggang sa hindi na niya matiis at kinuwento niya na ito sa mga kaibigang si Cassey, Mia at Evie. Palaisipan pa rin kasi sa kanya ang dahilan ng biglaang pag-alis ng binata.
"Delikado yang mga ganyang lalaki girl, yung mga pa-fall. Tsk.Tsk." pailing-iling na reaksyon ni Cassey
"May mga ganun pala talaga.." malungkot na sambit ni Lovely
"Naku, magmove-on ka na! Ang daming may gusto sa'yo, ikaw lang tong ayaw!" medyo naiinis na tono ni Cassey
"Girl, paano ka magmomove-on eh hindi naman naging kayo?" tanong ni Evie
"Oo nga, isipin mo, sa ganda mong yan, iniwan kang nga-nga!" komento ni Mia sabay tawa
"Uy! Wag kayong hard kay Lovely! Hindi nga Lovely? Walang man lang kiss o touchy touchy?" dagdag na pang-aasar ni Cassey
"Wala nga! Umalis nga bigla di ba? Wala man kahit anong pasabi o note man lang!"
"Ano ka ba girl! Ikaw may-ari ng resort no! Malamang nag-iwan ng contact number yun dun!"
"Ako pa tatawag? No way!"
"Wow! Dalagang Pilipina, ayaw sa first move!"
"2018 na girl! Hindi na issue yan sinong unang tumawag!"
"Anong sasabihin ko dun IF ever tumawag ako?"
"Edi yung dalawang buwan ng bumabagabag sayo!"
"Yun lang? tapos?"
"Yun lang, para may closure!"
"Unless may iba ka pang gustong sabihin?"
"Wala no! Yun lang!"
KINAGABIHAN ng araw ding iyon ay tumawag si Lovely sa resort. Nahihiya man ay pinahanap niya kay Iza ang file ni Adam at kinuha ang contact number na iniwan ng binata doon. Matapos makuha ang numero ay makailang beses na urong-sulong ito sa pagtawag. At sa wakas ay nagkaroon na siya ng lakas ng loob.
Sa unang beses na pag-ring ng telepono ay walang sumagot. Kaya habang pinipindot niya ang numero ay nakatitig siya ng husto sa papel kung saan niya isinulat ang number na ibinigay ni Iza. Baka naman kasi nagkamali siya ng pagpindot kanina. Sa ikalawang pagkakataon ay matagal ulit itong nagring, sa akmang ibababa na niya ay biglang may sumagot sa kabilang linya.
Napakalakas ng tibok ng puso niya. Nang magsalita ang nasa kabilang linya ay hindi siya agad nakasagot. Binosesan niya pa ito.
"Helloooo?" bati ng nasa kabilang linya
Nanlaki ang mga mata ni Lovely ng masiguro ang boses na iyon. Boses ng babae. Hindi siya nag-isip agad ng masama, gusto niyang makasiguro. She clears her throat bago siya sumagot.
"Hello po. May I speak with Mr. Adam Romero please?" pormal niyang pagsasalita
"He's still in the shower, may I know who is this?"
Nilabanan ni Lovely ang kaba at mabilis na nakaisip ng palusot sa tanong na iyon. Naalala niya ang sinasabi niyang spiel sa resort kapag may kausap na customer.
"I'm Iza, from Mercedes Beach Resort po."
"Oh! May problema ba nung nagbakasyon siya diyan?"
"Ah, wala po ma'am. May promo po kasi kami para next summer and since naging customer po namin si Sir, tinatawagan po namin para po aware siya."
"Ah, ganun ba. I'll tell him na lang later."
"May I know your name ma'am? Ino-note ko po kasi."
"I'm Sarah, his fiance."
"T-thank you po." Sabay baba ng telepono.
Parang may humiwa sa puso ni Lovely ng sandaling iyon. Hindi siya makapaniwala. All this time, kasama pala ni Adam ang babaeng umiwan sa kanya. Nasagot na ang tanong sa isip ni Lovely. Dahil sa babaeng iyon kaya ito umalis ng walang paalam. Hindi niya namalayang tumulo ang luha niya.
"Bakit ko iiyakan yun?! Hindi ko naman siya boyfriend!" pinunasan niya ang luha at huminga ng malalim.