NAPALINGON si Lyka sa kinauupuan ni Jaynoel nang magsalita ito at sinabing papasok lang saglit upang umihi. Pagtayo nito, sinundan niya ito nang tingin.
Hindi pa man ito nakararating sa pinto ay agad na itong huminto at tila naistatwa habang nakatingin sa harap ng bahay. Kahit nakatalikod ito sa kanya, pansin niyang tila may nakikita rin ito roon.
Bumitaw siya sa pagkakahawak sa nobyo at lumapit kay Jaynoel.
"Nakikita mo rin ba `yong nakikita ko?" ang tanong agad niya rito.
Paglingon sa kanya ng lalaki, may ilang segundo silang nagkatinginan. Bakas sa kanilang mga mata ang takot at pagtataka. At sa pagsulyap nilang muli sa pintuan, wala na ang nilalang doon.
"Naku, oo! Naman, eh! B-baka lasing na lang siguro ako! Ang dali ko naman yatang malasing ngayon. Naku naman talaga!" At dumeretso na ang lalaki sa loob.
Sinundan pa rin ni Lyka nang tingin si Jaynoel hanggang sa pagpasok nito. Nanumbalik sa kanyang isipan ang nangyari kanina nang mabangga nila ang isang madre sa gitna ng daan.
Tandang-tanda pa niya kung paano tinitigan ng madre si Jaynoel habang gumagalaw-galaw ang mga labi nito na parang may binubulong sa lalaki.
Hindi niya maintindihan kung bakit iyon ang agad na pumasok sa kanyang isipan. Tila ba may nais sabihin sa kanya ang kutob tungkol sa mga nakapulang madre. Naalala niya, ganoon din ang eksaktong ginawa ng isang madre na nakatinginan niya malapit sa kanila. At ang naging kasunod niyon ay ang pagpapakita ng mga santong walang ulo.
Kinabahan si Lyka. Bagama't hindi pa malinaw sa kanya ang mga nangyayari, tila may ideya na siya kung saan o kanino nagmula ang mga nilalang na nakikita niya.
"BABE, mukhang kailangan na talaga nating sabihin sa parents mo ang nangyayari sa `yo. Kung magtatagal pa sila sa probinsya, paano ka na rito? Hindi naman ako magsasawang proteksyunan ka sa abot ng makakaya ko. Pero iniisip ko rin kasi na baka ako pa ang sisihin nila kapag may nangyaring masama sa iyo," alalang wika ni Franco. Nasa lamesa sila nang mga sandaling iyon nang sabihin sa kanya ng babae na maging sa bahay niya pati sa iba pang lugar ay sinusundan siya ng mga nilalang.
"Hindi ganoon kadali iyon, babe. Alam mo naman ang ugali ng parents ko. Kapag nalaman nilang iyon ang dahilan siguradong hindi sila maniniwala. Baka pagalitan lang ako at ipasundo para dalhin din doon. Alam mo namang ayokong mahiwalay sa iyo," mangiyak-ngiyak na saad ng babae.
"E, ano na lang ang gagawin natin? Kailan ba kasi sila uuwi rito?" kamot-ulong tanong ng lalaki.
"Sabi ni papa kagabi sa tawag baka sa katapusan pa raw ng buwang ito. Lampas 20 days pa ang hihintayin natin. Wala kasing mag-aasikaso sa lola ko sa ospital. Kailangan na kailangan pa sila roon," anang babae.
Hindi na tinanong ni Franco kung may iba pang puwedeng magbantay sa lola nito sa probinsya. Nabanggit na sa kanya ng nobya noon kung gaano kasama ang ugali nito noong malakas pa. Hindi na siya magtataka kung bakit walang may nais tumulong man lang dito.
PAGKABALIK ng mga magulang ni Lyka sa Maynila, sinundo ng mga ito ang babae sa bahay ni Franco.
Nagmano ang lalaki sa dalawa at bumati.
Pinatuloy niya ang mga ito sa loob at diretsahang kinausap. Agad niyang sinabi ang lumalalang kalagayan ng babae.
Sa mga nagdaang araw ay hindi na halos kumakain ang nobya. Hindi na rin gaanong nakakatulog sa gabi. Palagi nitong sinasabi na may mga nilalang umanong nais itong kunin. Maging sa panaginip ay ayaw itong tantanan.
Kaya si Lyka, namugto na ang mga mata at kumapal ang eye bags. Nagmistulang bruha na rin ang hitsura nito dahil sa hindi nito pagsuklay sa buhok.
"Pasensya na po kayo. Ginawa ko naman po ang lahat para alagaan at bantayan ang anak n'yo. Hindi lang talaga niya kinaya ang stress na dinadaanan niya," dahilan na lamang ni Franco. Hindi pa rin niya magawang sabihin ang malagim na katotohanan tungkol sa nangyayari sa babae. Pinalabas na lamang niyang depression lang ang lahat.
Napayakap ang ina ni Lyka sa kanya. Nang araw ding iyon ay inuwi na siya sa kanilang bahay.
Hinatid naman ni Franco ang mga gamit ng kasintahan. Bago siya umalis ay hinalikan niya ito sa noo at kinumutan. "Babalik ako bukas, babe," paalam niya sa nakahigang babae na hanggang sa mga oras na iyon ay tulala pa rin at hindi makausap nang maayos.
"LYKA, hindi ka pa kumakain buhat kaninang umaga. Kahit sana itong lugaw lang kainin mo na upang magkalaman ang iyong tiyan," ani sa kanya ng inang si Marilou. Inilapag nito sa lamesa ang pagkain.
Walang tugon na lumabas sa kanyang bibig. Tila ba hindi niya dinig ang sinasabi ng ina. Nanatili lamang siyang walang kibo at nakatingin sa kawalan.
Nilapitan ni Marilou ang anak at kinapa-kapa ang leeg, noo at braso nito ngunit normal naman ang temperatura ng babae. Sa mga mata naman nito, nakikita niyang tila naghihirap ang babae sa hindi malamang dahilan. `Di niya matukoy kung sakit ba o problema ang ugat ng pinagdadaanan nito.
"Lyka, anak. A-ano ba'ng nararamdaman mo sa iyong katawan? Gusto mo bang dalhin ka namin sa ospital?" `di niya napigilang tanong.
Sa sinabi niyang iyon ay lumingon ang babae sa kanya at tumitig nang makahulugan.
"Hindi doktor ang kailangan ko," tugon nito sa matamlay na tinig.
"A-ano'ng kailangan mo ba, anak? Ano'ng gusto mo? Sabihin mo ang iyong nararamdaman upang malaman namin kung paano ka matutulungan." Niyakap niya ang babae at hinalikan sa noo.
Ilang beses niya itong tinanong kung ano ang nararamdaman niyo ngunit hindi na ito tumugon pa sa kanya. Muli itong tumitig sa kawalan at naging blangko ang mukha.
"Anak, gabi na. Hanggang ngayon wala ka pa ring kain. Pakiusap, kainin mo na `yong lugaw para naman mapanatag na ang loob ko kahit papaano," mayamaya'y sabi niya sa babae habang yakap ito.
Nang hindi pa rin tumugon ang babae ay inilapit na niya mismo ang pagkain dito at sinubukan itong subuan. Ilang minuto ang lumipas bago ito tumingin sa hawak niyang kutsara at ibinuka ang bibig nito.
Bahagya siyang napangiti nang makatatlong kutsara na ang anak. Tinuloy-tuloy lang niya ang pagpapakain dito hanggang sa maubos nito ang laman ng mangkok.
Hinalikan niyang muli sa noo ang anak pagkatapos ay nagpaalam na siya at inilabas ang mangkok at baso.
Nang maiwan muli mag-isa si Lyka sa kuwarto, bigla na lamang niyang isinuka ang kinain. Kumalat iyon sa kanyang damit pati sa kama. Pag-angat ng ulo niya, tumambad ang mga santong walang ulo na nakatayo sa bintana na katapat ng kanyang kama!
Nagsimulang magwala ang puso niya. Akmang tatayo na siya sa kama nang biglang makakita ng isang mahaba at makintab na kutsilyo sa kanyang tabi. Nangunot ang noo niya kung bakit nagkaroon ng patalim doon. Gayunpaman, dinampot agad niya iyon at tinungo ang pinto. Subalit paghawak niya sa seradura ay hindi ito mabuksan!
Kinalampag niya ang pinto at nagsisigaw ngunit hindi pa rin dumarating ang kanyang ama at ina. Nagsimulang lumabas ang kanyang luha kasabay ng pagbigay ng mga binti.
Nang makita niyang gumalaw ang isa sa mga nilalang, awtomatiko niyang itinutok dito ang kutsilyo. Dahil nais na niyang magwakas ang kababalaghan, hinugot na niya ang lahat ng tapang sa katawan upang paslangin ang mga nilalang gamit ang misteryosong patalim na kanyang nakuha.
Paglapit niya sa mga ito ay biglang humapdi ang mga mata niya at tila bumara ang kanyang ilong. Pakiramdam niya'y may nalanghap siyang matapang na kemikal na pumasok hanggang sa utak niya. Mabilis siyang umatras at kinusot-kusot ang mga mata.
Nang bumalik sa normal ang pakiramdam, sinubukan muli niyang lumapit upang umatake ngunit ganoon muli ang nangyari. Hindi siya makalapit sa mga ito dahil itinataboy siya ng napakabagsik na amoy ng kemikal. Tila ba siksik sa formalin ang katawan ng mga ito kung kaya't ganoon katindi ang amoy.
TO BE CONTINUED...