Chereads / Mata ng Kamatayan / Chapter 8 - Chapter Eight

Chapter 8 - Chapter Eight

TINAPIK si Franco sa balikat ng kanyang pinsang si Ralph nang magkita sila sa bus station. Ginantihan naman niya ito nang ngiti.

"Mabuti talaga at naisipan mong pumunta rito, Insan! Ngayong lang tayo nagkita ulit." Umakbay sa kanyang balikat ang lalaki.

"Oo nga, eh. Na-miss ko ang lugar na ito. Naalala ko tuloy noong nangunguha pa tayo ng tipaklong sa mga damuhan. Ang saya n'on!"

"Aba, kahit ako na-miss ko rin `yon! Kaya walang `yong pinaghuhulihan natin ng tipaklong dati pinatayuan na `yon ngayon ng iskwelahan. `Yon namang mga puno papunta sa bahay namin wala na rin. Pinagpuputol nang lahat at pinatayuan ng mga building. Ang laki na ng pinagbago ng probinsiyang ito, Insan."

Nilibot nang tingin ni Franco ang paligid habang naglalakad sila. "Pansin ko rin," tanging naitugon niya. Labis siyang nanibago sa kanilang probinsiya. Hindi na nga ito ang dating lugar na puno ng mga puno at bahay-kawayan sa paligid. Nagmistulang Maynila na ang dating nito dahil sa mga itinayong building at matataas na gusali. Hindi nga niya maramdamang nasa probinsiya siya. Wala na rin ang sariwang hangin doon. Nilamon na ito ng amoy-usok na dulot ng mga dumadaang sasakyan.

"Alam mo, Insan, ang dami kong gusto ikuwento sa `yo! Magmiryenda ka kaya muna sa bahay namin? Pagod ka sa biyahe, eh!" Malaki ang ngiti ni Ralph. Halos pumikit na ang mga mata nito sa laki ng pagkakangiti.

Agad umiling si Franco. "Naku `wag na, Insan! Kumain na lang tayo sa fast food." Tumingin siya sa suot na relo. "Alas-dose na pala ng tanghali. Tara na ako nang maglilibre. Basta pagkatapos nito puntahan na natin agad `yong bahay ng albularyong sinasabi mo."

Napakunot nang noo si Ralph. "Bakit ba gustong-gusto mo makausap `yon, Insan? Ano ba kasi ang nangyari?"

"Mamaya sasabihin ko sa `yo." Nilingon niya ito pansamantala at ibinaling din agad sa nilalakaran ang paningin.

Napili nilang kumain sa Mang Inasal na di kalayuan sa bus station. Nang mailapag na ni Franco ang in-order nilang pagkain sa lamesa, doon na niya sinimulang sabihin sa pinsan ang totoong pakay.

Hindi makapaniwala sa una ang pinsan sa kanyang sinabi, pero nang ipakita niya rito ang dyaryong naglalaman ng misteryosong kaganapan sa kanilang lugar, doon pa lang ito nakumbinsi.

"Pasensiya na talaga, Insan. Alam kong matagal din tayong hindi nagkita. Kaya lang hindi talaga ako puwedeng magtagal dito. Pagkatapos kong makausap `yong albularyo ay uuwi rin agad ako. Walang magbabantay sa kapatid ko. Hayaan mo kapag naayos ko na ang lahat, bibisitahin ulit kita rito." Nagpakawala siya ng matipid na ngiti habang nakatitig sa pinsan.

Mahahalata naman ang lungkot sa mga mata ni Ralph bagaman nakangiti pa rin ito. "Okay lang. Mas mahalaga pa rin ang kaligtasan mo, Insan. Sana malampasan mo ang dinadaanan mo ngayon."

Napayuko si Franco. Gumuhit ang pag-aalala sa kanyang anyo. "Sana nga."

Nang matapos silang kumain, nagmamadaling lumabas si Franco. Gusto na talaga niyang makausap ang albularyo. Pumara sila ng jeep sa harap ng kanilang kinainan. Kaunti pa lang ang mga pasahero sa loob kaya tumagilid muna ng pag-upo si Franco at dumungaw sa bintana. Bahagyang nagulat siya nang makita sa di kalayuan ang isang santo na walang ulo! Nakatayo ito sa tabi ng mga nagtitinda ng palamig. Ang katawan nito ay nakaharap mismo sa kinaroroonan niya!

NAKAUPO sa malaking sofa sina Franco at Ralph. May isang lamesa sa harapan nila. Nakatayo naman ang paranormal expert na si Ka Tesyong. Mababa ang namumuti nitong balbas at maluwag ang suot na pantalon. Naka-asul na polo ito at maraming suot na mga kuwintas na nagsisilbi nitong anting-anting. Halatang dati itong gumapang sa hirap ngunit ngayon ay yumaman at may sarili nang bahay.

Pagkaupo ng matandang lalaki sa kanilang harapan, nagsimula nang ikuwento ni Franco ang sitwasyon. Ipinakita pa niya rito ang dala-dalang dyaryo. Nang matapos siyang magsalita, muling tumayo ang matanda at nagpalakad-lakad.

"Simple lang ang solusyon sa problema mo, hijo."

"A-ano po `yon?" Bahagyang nanlalaki ang mga mata ni Franco. Halatang sabik siya sa paghihintay ng sagot. Ang pinsan naman niya ay seryosong nakatingin sa matanda.

"Tapang." Tumitig ang matanda sa kanya. "Hindi ka magagalaw ng mga elementong iyon kapag nakita nila ang iyong tapang. Kailangan mong pairalin ang tapang sa iyong sarili. Kapag nagpakita silang muli sa `yo, huwag na huwag kang tatakbo o sisigaw. Manatili ka lang sa kinaroroonan mo. Ipagpatuloy mo lang ang ginagawa mo. Umarte ka na parang hindi mo sila napapansin o nakikita. At kapag nagtangka silang lapitan o hawakan ka, doon mo sila labanan. Hablutin mo ang kamay nila. Saktan mo sila. Suntukin mo. Sipain mo. Bugbugin mo na parang tao. Tapang. Tapang ang susi para labanan ang sumpa!"

Nangunot ang noo ni Franco. Nagkatitigan sila ng pinsan. Pagkatapos ay muli siyang tumitig sa matanda. "Sigurado po ba kayo do'n?"

"Alam kong mahirap unawain, hijo, pero naranasan ko rin ang pinagdadaanan mo ngayon. Noong binata pa lang ako, minsan na nila akong nabiktima. Madalas akong pinagpakitaan ng mga santo o mga anghel na walang ulo. Kahit saan ako magpunta, sinusundan nila ako at ginugulo, pero dahil tinuruan ako maging matapang ng tatay ko, nilabanan ko sila sa paraang gaya ng sinabi ko sa `yo. Sa maniwala ka o sa hindi, naitaboy ko sila. Hindi na sila muling nagpakita sa akin." Muling umupo ang matanda sa kanilang harapan.

"Paano naman po kayo nakasisigurong nilubayan na nila kayo?"

"Hijo, ang mga santong nagpapakita sa iyo na walang ulo ay hindi naman talaga santo. Sila ay mga elementong nilikha lang ng kung sinumang gumawa sa kanila. Ginagamit naman nila ang kaanyuan o imahe ng mga santo para bigyan ng katawan ang mga elementong ginawa nila."

Napa-awang ang bibig ni Franco sa sinabing iyon ng matanda. "Siya nga po pala, nangyari ito sa lugar namin mula noong may dumayo na mga madreng nakapula na gumagala sa bayan namin. Mula po kasi nang magkatitigan kami ng isa sa kanila, doon na ako nagsimulang makakita ng mga multong santo."

Tumango-tango ang matanda. Halatang alam na alam nito ang lahat. "Sila ay grupo ng mga kultong nagsasagawa ng iba't ibang ritwal at mga sumpa. Binibigyan nila ng sumpa ang isang tao sa pamamagitan ng kanilang mga mata. Ang mga mata nila ang nagdadala ng kamatayan sa kung sinuman ang titigan nila. Ang tawag sa kanila ay Manumad, na ang ibig sabihin ay Manunumpang Madre."

"Manumad?" Muling nagkatinginan ang magpinsan.

"Oo." Tumango-tango muli ang matanda. "Bago pa man ang panahon ng mga Kastila, marami na rito sa ating bansa ang gumagawa ng mga ritwal para manakit ng kanilang kapwa. Ang mga Manumad ay kamag-anak ng mga Mambabarang at Mangkukulam. Ang pinagkaiba lang nila, hindi sakit ang ibinibigay nila sa biktima kundi ilusyon. At ang ilusyong iyon ay ang nagpapakita sa `yong mga nilalang na sinasabi mo. Ang mga nilalang ding iyon ang nagsisilbi nilang mga mata. Kaya kahit nasa malayong lugar ang mga Manumad, nakikita pa rin nila ang bawat kilos mo at ang mga lugar na pinupuntahan mo sa pamamagitan ng mga elementong nagpapakita sa `yo. Iyon mismo ang mga mata nila!"

Lumakas ang pintig ng puso ni Franco. Bigla siyang nanlamig at bahagyang nanginig. "B-bakit po sila nasa lugar namin?"

"Sa palagay ko, naglilibot sa iba't ibang lugar ang mga Manumad para maghatid ng lagim. Basta't huwag mong kalilimutan ang sinabi ko sa iyo. Kapag may nagpakita muling elemento, harapin mo at labanan. Sa paraang iyon ay mawawala ang kapit ng sumpa sa iyo. Huwag kang mag-alala. Walang ibang paraan ang mga Manumad para saktan ka kundi iyon lamang. Titigilan ka nila kapag nalaman nilang matapang ka, dahil ang kahinaan nila ay ang katapangan ng biktima."

Pagkatapos ng mahigit tatlong oras nilang pag-uusap, unti-unting nawala ang pangamba sa dibdib ni Franco. Nabuhayan siya ng loob at nagkaroon ng pag-asa. Nagpasalamat siya sa matandang lalaki at nagpaalam na babalik na sa Maynila.

"Hindi na ho ako puwedeng magtagal dito. Malapit na po kasi ang gabi. Walang kasama ang kapatid ko sa bahay," nakangiting paalam ni Franco habang palabas sila ng gate.

"Tandaan mo ang sasabihin kong ito, hijo." Seryoso ang mga mata ng matandang lalaki habang nakatitig ito sa papaalis na magpinsan.

Napalingon muli si Franco sa kinatatayuan ng matanda. Ilang hakbang pa lamang ang layo nila rito.

"Walang kakayahan ang mga elemento para patayin ka, pero may kakayahan silang gamitin ka para patayin ang sarili mo," madiin ang boses na pahabol nito. "Kaya huwag na huwag kang magpapalamon sa takot. Gamitin mo ang tapang mo!"

"S-salamat po," tanging naisagot ni Franco, at tuluyan na silang umalis.

"Paano, Insan, hanggang dito na lang muna. Pangako pupunta ulit ako rito kapag maayos na ang lahat," sabi niya sa pinsan habang lumalakad sila patungo sa bus.

"Sana talaga matalo mo sila, Insan. Mag-iingat ka palagi." Tinapik-tapik siya ni Ralph sa kanyang balikat. Pagkatapos nilang magpaalam sa isa't isa, sumakay na siya sa bus at umupo sa puwestong katapat ng lalaki sa labas. Kinawayan niya ito bilang pamamaalam at kumaway rin ito pabalik sa kanya.

TO BE CONTINUED…