Chereads / Mata ng Kamatayan / Chapter 10 - Chapter Ten (Finale)

Chapter 10 - Chapter Ten (Finale)

NAMILOG ang mga mata ni Franco nang masilayan ang isang matandang lalaki na may kasamang binata na pamilyar sa kanya. "Ka Tesyong? Ralph?" gulat na sambit niya.

"Hijo, mabuti na lang at nakaabot agad ako rito." Ngumiti ang matanda sa kanya. May dala itong maliit na galon ng langis.

"Insan! Ililigtas ka namin!" masayang sabi sa kanya ni Ralph.

"Ano `yang dala n'yo?" Nangunot ang noo ni Franco sa dala ng mga ito.

"Lilikha tayo ng apoy, hijo."

"Apoy?"

"Oo dahil takot ang mga Manumad sa apoy."

Nagulat ang matandang bihag niya sa sinabi ni Ka Tesyong. Nagsimula itong magwala at magsisigaw.

"B-bakit apoy? Lahat naman tayo ay kahinaan ang apoy, `di ba? Dahil masusunog tayo kapag hinawakan `yon!" Hinigpitan pa lalo ni Franco ang pagkakaipit niya leeg ng matanda gamit ang kaliwang braso.

"Nakalimutan kong sabihin ito sa `yo, hijo. Kahit hindi sila tamaan ng apoy, ikamamatay pa rin nila ito. Nagdudulot ito ng panghihina sa kanilang katawan. Hinihigop nito ang kanilang enerhiya. Kaya kapag nagkaroon ng kahit maliit na apoy sa paligid, awtomatikong lalayo rito ang mga Manumad."

Natahimik si Franco. Hindi siya makapaniwala sa mga natuklasan. Bagama't alam na niya ang buong katotohanan tungkol sa mga Manumad, gulong-gulo pa rin ang takbo ng kanyang isip dahil sa takot.

"Alam mo, hijo, mula nang mabiktima ako noon ng mga Manumad ay naging maingat na `ko sa kanila. Sa paglipas ng ilang mga dekada, masusi kong pinag-aralan ang lahat ng tungkol sa kanila pati ang mga kahinaan nila," paliwanag ng matanda sa kanya. Nagpakawala ito ng ngiti ng tagumpay.

"P-pero paano n'yo po nalamang nandito kami ng kapatid ko? Paano n'yo po kami nasundan dito? P-paano po kayo nakaluwas dito sa Maynila?" kunot-noong tanong niya.

"Hindi na Maynila ito, Hijo. Nasa Bulacan na tayo," sagot ng matanda. "Gaya ng sinabi ko sa `yo kaninang umaga, kapag kumapit na ang sumpa nila, magkakaroon sila ng kakayahang makita ang bawat kilos mo pati ang mga lugar na pinupuntahan mo gamit ang mga elementong nagpapakita sa `yo. Sa paraang iyon, siguradong malalaman din nila ang mga bagay na sinabi ko sa `yo tungkol sa kanila. Inisip ko na baka may iba silang gawin sa `yo dahil nalaman mo na ang mga sikreto nila. Kaya naisipan kong sundan ka agad dito."

"S-salamat po! Maraming salamat po!" Gumuhit ang ngiti sa mga labi niya.

"Nang makarating kami kanina sa bahay n'yo, naabutan naming isinasakay na kayo ng mga madre sa kanilang sasakyan habang tinututukan nila kayo ng baril. Kaya palihim naming sinundan ang sasakyan nila hanggang sa makarating din kami rito," paliwanag ni Ka Tesyong.

Ipinuwesto ni Ralph ang dalawang basurahan sa harap ng temple house, at pagkatapos ay binuhusan nito ng gas iyon. Ibinigay naman ni Ka Tesyong kay Franco ang lighter.

"Ikaw na lang ang gumawa, hijo."

Inabot ni Franco ang lighter gamit ang kabila niyang kamay. Pagkasindi nito ay agad niya itong hinagis sa basurahan. Mabilis na nagliyab ang apoy at kumalat sa ilang parte ng madamong lupa.

Saglit na nagsisigaw ang bihag niyang matanda ngunit mabilis din itong nawalan ng malay. Tuluyan niya itong binitiwan at ang kapatid naman niya ang kanyang inakbayan. "Okay ka lang ba?" tanong niya rito at hinagod-hagod ang ulo.

Ilang sandali pa, narinig nila ang sigaw ng iba pang mga Manumad na nasa loob ng temple house. Nagkagulo ang mga ito na animo'y may nagaganap na sakuna sa paligid. Sunod-sunod na nagsilabasan ang mga ito at nagkahiwa-hiwalay sa pagtakbo.

Nakita ni Franco kung gaano katindi ang takot ng mga ito sa apoy. Parang katapusan na ng mundo para sa mga ito ang makakita o makaramdam ng apoy sa paligid.

"Pumasok tayo sa loob!" yaya ni Ka Tesyong.

Pagpasok ay nilibot nila ng tingin ang buong paligid. Huminto ang mga mata ng matanda sa bandang altar ng mga madre.

"Kailangan nating sunugin ang rebultong ito. Dito nakasangla ang kaluluwa ng mga Manumad. Ito ang nagbibigay ng kapangyarihan sa kanila. Kapag nasira ito, kasamang mawawasak pati ang mga buhay nila. Lahat sila, sabay-sabay na mawawala!" Nilapitan ng matanda ang rebulto ng pekeng santo na binihisan ng damit na gaya ng suot ng mga Manumad. Binuhusan niya ito ng gas at mabilis na sinilaban gamit ang isa pang lighter na kanyang baon.

Tumulong na rin si Franco pati ang kanyang pinsan. Binuhusan din nila ng langis ang iba pang mga poon at rebulto roon. Pagkatapos ay sinunog nila ang mga ito gamit ang posporo. Tumakbo naman silang apat palabas ng temple house nang magsimulang kumalat ang apoy sa loob ng bahay.

Gumuhit ang ngiti sa mga labi ni Franco habang pinanonood ang temple house na nilalamon ng apoy kasama ng mga rebultong nasa loob. Sa mga sandaling iyon, wala nang bakas ng takot sa kanyang mukha. Tuluyan na ring lumuwag ang kanyang dibdib at pakiramdam niya'y nakalaya na siya sa isang matinding bangungot.

Makalipas ng ilang sandali, nilingon niya ang matandang lalaki na nasa kanyang tabi. "Ka Tesyong, maraming salamat po sa tulong ninyo. Kung `di dahil sa inyo, malamang ay wala na kami ngayon ng kapatid ko."

"Walang anuman, hijo. Tungkulin ko ang tumulong sa mga tao," tugon naman ng matanda at lumingon din sa kanya.

"Pero sa totoo lang, ngayon ko lang din nalaman na marunong palang magmaneho itong si Ralph. Palagi ko lang itong nakikita na tumatambay kung saan-saan at humihithit ng sigarilyo. Akala ko'y walang alam gawin ang ugok na ito," biro pa ng matanda sa kanilang tatlo.

Sabay na natawa ang magpinsan. Maging ang bata ay nakitawa na rin. "Grabe ka naman sa `kin, Ka Tesyong! Lahat kaya ng tao ay may hidden ability! Akala mo siguro ikaw lang ang may alam gawin, ha!" Humahagikgik pa ang lalaki.

Inakbayan ni Franco ang kapatid at kinausap ito. "Michael, kamusta na ang pakiramdam mo? Okay ka na ba?"

"Opo, Kuya. Okay na rin po ako." Ngumiti ang bata.

Tumango-tango ang lalaki at pagkatapos, muling sinulyapan ang nasusunog na temple house.

HINDI pa man nakalalabas sa kakahuyan ang grupo ng mga madre, bigla nang nag-apoy ang kanilang mga katawan. Ang pagsigaw nila ay may halong pag-iyak. Para silang sinusunog sa impiyerno. Halos lahat ng sakit, hapdi, kirot, at pahirap ay kanilang naramdaman nang mga sandaling iyon.

Umalingawngaw sa buong paligid ang naghihingalo nilang mga boses. Bumagsak ang kanilang mga katawan sa lupa at doon nagwala. Hindi nagtagal, unti-unting lumatag ang katahimikan sa paligid. Tuluyan nang inabo ng apoy ang kanilang mga buhay. Kumalat sa paligid ang nagkaputol-putol nilang katawan dulot ng matinding apoy.

"DADDY, can I play outside?" tanong ng batang si Troy kay Franco.

Napalingon siya sa bata. "Okay! Just don't go too far," tugon niya rito. Kasalukuyan niyang nililinis ang mga bendilador sa likod ng kanilang bahay.

"Okay, Dad!" Masayang tumakbo ang bata palabas dala ang bola nito.

"Love? I need your help! Something's not working here!" narinig niyang sigaw ng babae mula sa kusina. Huminto siya sa paglilinis ng bentilador at dahan-dahang tumayo. Hindi niya natiis ang init ng panahon kaya napilitan na siyang hubarin ang suot na sando. Ipinatong niya ito sa kanyang balikat at pumasok sa loob. "Wait a moment!" pasigaw na sagot niya.

Limang taon na ang lumipas mula nang maganap ang malagim na karanasan ni Franco sa mga Manumad. Matapos nilang masugpo ang mga ito sa kanilang lugar, ipinasa sa kanya ni Ka Tesyong ang kakaibang abilidad nito, para kung sakaling dumating ang araw na ito'y mawala na sa mundo, hindi masayang ang kapangyarihang nagmula pa sa kanilang mga ninuno.

Nang maipasa na sa kanya ang abilidad ng matanda, sunod-sunod na rin ang suwerteng natanggap niya. Nakapagtrabaho siya sa ibang bansa, naging seaman ang kanyang kapatid, at nakapag-asawa rin siya ng Amerikana. Nakapagpatayo pa siya ng sariling bahay sa Pilipinas at iyon na mismo ang kanilang tinitirhan ngayon. Nagkaanak sila ng isang batang lalaki na nagmana sa ina dahil sa kaputian at bughaw na mga mata.

HINAHAGIS-HAGIS ni Troy ang bola sa ere pagkatapos ay sasaluhin ito. Sa muli niyang paghagis, medyo napalayo ito kaya hindi niya nasalo. Tumalbog-talbog ito palayo hanggang sa gumulong sa kalsada. Dali-dali niya itong hinabol.

Huminto ang bola sa tapat ng mga paa ng isang matanda. Natigilan sa pagtakbo si Troy. Pinagmasdan niya mula paa hanggang ulo ang estranghero. Nasilayan niya ang kasuotan nito na kulay pula. Sa likuran ng damit nito, nakaguhit ang isang baligtad na krus at napaiikutan ng ahas na litaw ang dila. Lingid sa kanyang kaalaman na isa itong madre.

Pinulot ng nakapulang madre ang bola at iniabot sa kanya. Nakangiti niya itong kinuha at nagpasalamat sa matanda gamit ang wikang Ingles. Gumanti naman ng ngiti ang madre. Isang makahulugang ngiti… Pagkatapos, tumitig ito nang matalim sa bata.

WAKAS.

MATA NG KAMATAYAN

by Draven Black

All Rights Reserved 2019