PAGBABA ni Franco sa tricycle, tumambad sa kanya ang nakadikit na papel sa pinto ng kanilang bahay. Paglapit niya, nagulat siya sa nabasa: "Hanggang saan ang tapang mo?"
Kumabog ang dibdib niya. Agad niyang binuksan ang pinto. Nagulat siya sa nakita. Nagkalat sa loob ang nakapulang mga madre! Nasa sampung katao ang mga ito. Ang mas masaklap, hawak nila ang kanyang kapatid. Nakaupo ito sa sofa habang binabantayan ng tatlong madre. May baril pa ang mga ito at nakatutok sa ulo ng bata!
"Michael!" Patakbo siyang pumasok sa loob ngunit hindi siya nakalapit sa bata nang tutukan siya ng baril ng ibang mga madre. Lahat ng mga ito ay matatanda na ngunit malalakas pa rin.
Hindi napigilan ni Franco ang pagsabog ng emosyon. "Mga demonyo kayo! Sa edad n'yong `yan nagagawa n'yo pang manakit ng kapwa? Mga matatandang walang pinagkatandaan! Kulubot na ang mga balat n'yo pero kaya n'yo pang magbuhat ng baril? Mga hampaslupa!"
Pinagtawanan lang siya ng mga lolang madre. "Hindi nasusukat sa edad ang aming samahan, binata. Kahit ano pa'ng sabihin mo, hinding-hindi mo kami mapipigilan. Wala ka nang magagawa!" sagot ng isa sa kanya. Parang adik ang ngiti nito.
Lumapit sa kanya ang dalawang madre at tinutukan siya ng baril sa ulo. Hinawakan siya ng mga ito sa magkabilang balikat at pinaupo sa isang upuan na katapat ng kanyang kapatid.
"Manood ka kung paano namin pagsamantalahan ang iyong kapatid." Lumapit ang matabang madre sa bata at pagkatapos, hinalik-halikan niya ito sa leeg hanggang sa pisngi. Nagsisigaw ang bata habang umiiyak.
"Michaeeel!" sindak na sigaw ni Franco. Namumula sa galit ang kanyang mukha. Nanggigigil ang mga kamay niya dulot ng poot. Wala siyang magawa kundi ang sumigaw. Hindi niya kayang magwala o manlaban dahil may baril ang mga ito na nakatutok sa kanya. Maling galaw lang niya, sasabog agad ang kanyang ulo. Kahit may edad na ang mga madre, hindi niya magawang patulan ang mga ito dahil matanda pa ring maituturin.
Napapikit na lamang siya dahil hindi niya kayang makita ang ginagawang pananamantala ng mga ito sa kanyang kapatid.
Nagulat siya nang maramdamang dumikit sa kanyang batok ang baril na hawak ng madreng nasa likuran. Naramdaman niya ang paglapit ng ulo nito sa kaliwa niyang tainga.
"Nasaan na ang tapang mo?" tumatawa nitong tanong. "Akala mo siguro hindi namin malalaman ang ginawa mong pakikipag-usap sa matanda kanina, ano? Akala mo siguro, matatalo mo kami gamit lang ang tapang mo. Nagkakamali ka!" Idinaan ng madre ang baril sa kanyang ulo.
Nanigas sa kinauupuan si Franco. Nanginginig ang mga labi niya nang maramdaman ang pagdiin ng baril. Gusto na niyang magmakaawa sa mga ito subalit naalala niyang wala nga palang puso ang mga madreng iyon at siguradong hindi rin siya pakikinggan.
"Tandaan mo, sa oras na kapitan ka ng aming sumpa, makikita namin ang bawat galaw mo. Wala kang mapupuntahan!" Nagpakawala ng malutong na tawa ang madre sa kanyang likuran.
"Huwag kayong mag-alala. Hindi namin kayo papatayin dito sa bahay n'yo. Ililigpit namin kayo sa isang lugar kung saan wala nang makakakita sa inyo," singit naman ng madreng nasa tabi niya.
Unang inilabas ng mga ito ang batang lalaki. Iyak lamang ito nang iyak habang tinutulak palabas ng bahay. Wala itong magawa dahil may nakadikit na baril sa likuran nito. Sunod namang pinalabas si Franco. Hindi na rin siya nakagawa ng aksyon. Napalilibutan siya ng mga madreng may baril. Wala siyang nagawa kundi ang sumunod sa mga ito.
Pinasakay silang dalawa sa likuran ng sasakyan. May tatlo namang madre na sumakay roon para sila'y bantayan. Wala na siyang maisip na paraan kung paano lalabanan ang mga ito. Hindi siya basta-basta puwedeng manggulat at mang-agaw ng baril, dahil siguradong papuputukan naman siya ng iba pang mga madre. Lahat kasi ng mga ito ay may armas. Mukhang pinaghandaan nga nila ang kanyang tapang.
Dinala sila sa isang malawak na kakahuyan. Isa iyong lugar na malayo sa mga tao. Kahit si Franco, hindi na rin alam kung nasaang lugar na sila. Sa layo ng kanilang ibiniyahe, hindi na niya alam kung saan dumaan ang sasakyan.
Pinalabas sila ng mga madre at pinalakad papasok sa temple house na nasa dulo ng naturang kakahuyan habang tinututukan sila ng baril sa likod. Pagkapasok sa loob, nakita nila ang iba pang mga madreng nakaluhod habang nakaharap sa isang altar. Mula sa altar, nakatayo ang isang malaking rebulto na nakabihis Santo Papa ngunit demonyo ang kaanyuan. Napaliligiran ng mga kandila ang buong sulok ng bahay at may mga poon ding naka-displey sa mga gilid-gilid. Pareho-pareho lang ang hitsura ng mga rebulto at imahe ng mga santong makikita roon. Lahat sila ay taglay ang anyo ng demonyo.
Pinaluhod sila sa tabi ng altar. Malayo na sila sa pinto. Nasa harap sila ng mga madreng mahigit dalawampu ang bilang. Nakatingin din ang mga ito sa kanila habang may ibinubulong. Patuloy sa pag-iyak ang kanyang kapatid. Inakbayan naman niya ito at pilit pinakalma. Medyo hirap na kasi ito sa paghinga dahil sa labis na pag-iyak. Siya naman ay pilit nilalabanan ang kanyang takot. Patuloy sa pagwawala ang puso niya at hindi tumitigil ang pagtulo ng pawis sa kanyang ulo.
"Ngayon, magsasagawa kami ng ritwal para bigyan kayo ng bangungot! Isang bangungot kung saan hindi na kayo muling magigising!" madiing wika ng madre sa pinakagitna.
Napalunok ng laway si Franco. Lalong bumilis ang tambol ng kanyang dibdib. Ang kapatid naman niya ay lalong humagulgol. Parang gusto na nitong mawalan ng malay sa labis na takot.
"Nagtataka siguro kayo kung bakit namin sinasabi ito, ano?" Nagpakawala ng mala-demonyong ngiti ang isa pang madre sa kanilang tapat. "…dahil batid naming wala na rin kayong magagawa para makawala!" Sabay-sabay na tumawa ang ibang mga madre. Naging kaboses ng demonyo ang halakhak ng mga ito.
Naghawak-hawak ng kamay ang mga madre at nagsimulang umusal ng dasal sa wikang sila lang ang nakakaalam. Habang tahimik ang mga ito sa isinasagawang ritwal, may naisip na ideya si Franco kung paano sila makakatakas doon. Medyo delikado ang kanyang gagawin, ngunit hindi puwedeng tumunganga na lang sila roon at maghintay ng kanilang kamatayan.
Nakita niyang ipinatong ng mga madre ang mga baril sa kanilang tabi. Nakapikit din ang mga ito at abala sa pag-oorasyon. Naisip niyang malalim na ang nilalakbay ng isip ng mga ito kaya siguradong hindi agad siya mapapansin.
Dahan-dahan siyang tumayo at maingat na dinampot ang baril sa tabi ng kaharap na madre. Nang mapasakamay na niya ito, doon na siya lumikha ng ingay at hinila ang ulo ng madre sa kanyang harap. Binihag niya ito gamit ang kanyang braso at tinutukan ng baril.
Nagulantang ang lahat ng mga madre. Sabay-sabay nilang dinampot ang kanilang mga baril at itinutok sa lalaki.
"Sige subukan n'yo!" nanggigigil sa galit ang boses ni Franco habang matalim ang mga matang nakatingin sa mga madre. "Kung ayaw n'yong isama ko sa kamatayan itong kasama n'yo!"
Umatras si Michael at nagtago sa likod ng kanyang kuya habang umiiyak sa takot.
Walang nagawa ang mga madre kundi ang tumitig nang masama sa lalaki habang nakatutok dito ang kanilang mga baril. Hindi nila ito puwedeng paputukan dahil hawak pa nito ang buhay ng isa nilang kasamahan. Isang malaking kasalanan sa kanilang Panginoon ang pagpapabaya sa isang kamiyembro kapag hindi nila ito nailigtas.
"Huwag kayong hahawak! Huwag na huwag kayong lalapit!" babala niya sa mga ito. Nagsimula siyang lumakad patungo sa pinto at pinasunod ang kanyang kapatid. Mabilis namang umiwas sa kanya ang mga madre habang pinalilibutan pa rin siya ng baril ng mga ito.
Nang marating na niya ang pinto, muli siyang humarap sa mga madre. "Kung gusto n'yong mabuhay pa ang matandang ito, sabihin n'yo sa akin kung paano mawawala ang sumpa!"
Nagulat ang mga matanda sa narinig at nagkatinginan. Bakas pa rin sa anyo ng mga ito ang galit na may halong takot.
"Alisin n'yo ang sumpang ibinigay n'yo sa akin!" sigaw niya rito nang hindi sumagot ang mga ito.
"Walang paraan upang mawala ang sumpa! Hindi ito maglalaho hangga't hindi namamatay ang taong kinapitan nito!" sagot ng isang madre.
"Kung gano'n, manigas kayo d'yan!" Sinipa ni Franco ang pinto at nang mabuksan ito, lumabas na sila ng kanyang kapatid habang bihag pa rin sa kanyang braso ang matanda.
Subalit sa kanyang paglabas, nagulat siya sa surpresang naghihintay sa kanya.
TO BE CONTINUED…