Chereads / Mata ng Kamatayan / Chapter 7 - Chapter Seven

Chapter 7 - Chapter Seven

LABIS ang pagkagulat ni Franco nang mabalitaan ang pagkamatay ni Jaynoel. Hindi maalis ang sindak sa kanyang anyo habang pinagmamasdan ang bangkay nitong puno ng saksak. Tinakpan ito ng kumot na puti at inilabas na sa bahay para dalhin sa ospital.

Ayon naman sa resulta ng awtopsiya, lumalabas na namatay si Jaynoel dahil sa mga tinamong saksak. Ngunit base sa imbestigasyon ng mga pulis, wala silang nakitang nanloob sa bahay ng lalaki. Wala ring nakita sa CCTV na nagtangkang pumasok doon. Tahimik at payapa ang buong gabi. Ang napansin lang nilang kakaiba sa bahay ay biglang namatay ang ilaw nito na mahahalata sa bintana lampas alas-siete ng gabi. Makalipas ng ilang oras ay nagbalik ang ilaw pero wala pa ring nangyaring kakaiba.

Naging malaking palaisipan sa lahat kung sino ang gumawa ng pagpaslang kay Jaynoel. Tadtad ito ng mga saksak at hiwa sa katawan. Wala ring nakitang weapon sa loob na puwedeng gamitin para patayin ito. Malinis na malinis ang paligid. Walang bahid ng krimen. Kaya laking pagtataka ng mga pulis kung sino ang gumawa noon sa lalaki. Ayon naman sa mga magulang nito, wala silang alam na problema ng lalaki para gawin nito iyon sa sarili. Kilalang masayahing tao si Jaynoel at maraming barkada.

Kinutuban si Franco sa nabalitaan. Sa palagay niya, may kinalaman doon ang pagbabago ng lalaki noong mga huling araw. Nagsimula iyon mula nang maaksidente sila sa minamaneho niyang motor. Napapansin niya na parang nagiging balisa ang lalaki. Waring may kinakatakutan ito na ayaw lang sabihin. Hindi na nga nito nagawang magbiro o magpatawa na nakaugalian nitong gawin. Mukhang tama nga ang hinala niya na may tinatagong problema ang lalaki. Ngunit ang tanong ay kung ano?

Sa mismong funeral service ginawa ang lamay ng lalaki. Nang maisaayos ang lahat, nagpasyang umuwi saglit si Franco para asikasuhin ang kapatid niyang naiwan mag-isa sa bahay.

Lumingon siya ng kaliwa't kanan sa kalsada para tumawid. Nang lingunin niya ang katapat na paradahan ng sasakyan, nakakita siya ng isang nakapulang madre na waring nakatingin sa kinaroroonan niya. Medyo malapit lang mula sa kanyang harapan ang paradahan ng mga Jeep kaya kitang-kita niya ang mukha ng madre roon. Hindi siya maaaring magkamali; nakatingin nga ito sa kanya! Matalim ang mga titig nito. Napansin din niyang gumagalaw ang bibig nito na waring bumubulong.

Hindi na siya tumawid sa kalsada. Pumaiba siya ng direksyon at nagpasyang dumaan sa isang shortcut. Madamo ang lupa na kanyang nilalakaran at puno ng mga bahay na yari sa kawayan ang nasa paligid. Habang papalayo siya ay pataas nang pataas ang mga damo. Binilisan na lang niya ang paglakad para agad makauwi.

Bahagyang bumagal ang kanyang paglakad nang makarinig ng mga pang sumusunod sa kanyang likuran. Paglingon niya rito, laking gulat niya nang masilayan ang madreng nakita kanina sa paradahan! Matalim pa rin ang mga titig nito sa kanya at patuloy na bumubulong.

Bumilis ang tibok ng puso niya. Kumaripas agad siya nang takbo hanggang sa makalayo. Nang makarating na sa bahay, agad niyang isinara ang pinto at pinuntahan sa kuwarto ang kapatid. Nakita niyang nakadapa ito sa kama at naglalaro sa tablet.

"Magluluto muna ako ng tanghalian natin, ha. Mamaya aalis agad ako pupuntahan ko lang `yong lamay ng namatay kong kaibigan. Gusto mo bang sumama?"

"Ayaw ko!" pasigaw na tugon ng bata. Tila ayaw nitong magpa-istorbo. "Dito na lang ako!" iritable nitong sabi.

"S-sige, dito ka na lang." Isinara ni Franco ang pinto at nagtungo sa kusina. Naghugas siya ng kamay sa lababo nang mapasulyap sa bintanang katapat niya. Laking gulat niya nang makitang nakatayo sa di kalayuan ang nakapulang madre! Nasa tabi ito ng poste na katapat ng bintana ng lababo! Halatang nakatingin din ito sa kinaroroonan niya!

Dumagundong ang kanyang dibdib at mabilis na umatras. Napatakbo siya pabalik sa kuwarto nila ng kapatid at pabagsak na isinara ang pinto. Nagulat tuloy ang batang lalaki at sinigawan siya na lumabas ng silid. Hindi na siya nakasagot. Napasandal siya sa gilid ng malaking aparador habang humihinga nang malalaim. Labis siyang nagtaka kung bakit siya sinusundan ng madreng iyon at kung ano ang kailangan nito sa kanya. Natulala siya. Parang naparalisado ang katawan niya.

Nagpasya siyang magpahinga muna sa kuwarto para pakalmahin ang sarili. Makalipas ng kalahating oras, naisipan niyang bumalik sa kusina para magluto. Kahit medyo natatakot, sumilip pa rin siya sa bintana ng lababo. Humupa ang nararamdaman niyang kilabot nang makitang wala na sa paligid ang madre.

Nang matapos siyang magluto, inihanda na niya ang mga pinggan at baso sa lamesa. Bumalik siya sa silid at tinawag ang kapatid. Sakto ring natapos ito sa paglalaro sa tablet kaya sumunod na sa kanyang mga sinabi.

Pagkatapos nilang kumain, bumalik sa kuwarto ang bata para maglaro ng tablet. Si Franco naman ay inayos ang mga pinagkainan sa lababo para hugasan. Pagsilip niyang muli sa bintana, nangilabot siya nang makakita ng santong walang ulo na nakatayo sa harap ng computer shop! Ang katawan nito ay nakaharap sa kinaroroonan niya! Base sa kasuotan nito, naalala niya ang patron na si Damien of Molokai.

Napatakbo siyang muli sa kuwarto nila ng kapatid. Naupo siya sa lamesang katabi ng kama at napaisip. Naalala niya ang palaging sinasabi ng kanyang nobya noon na palagi itong nakakakita ng mga santong walang ulo. At hindi lang iyon ang biglang pumasok sa isip niya. Naalala niya na namatay sa misteryosong paraan ang babae. Nagtamo ito ng mga saksak sa katawan na hindi naman matukoy kung sino ang may gawa. Ang kasong iyon ay nangyari rin sa kaibigan niyang si Jaynoel. Namatay rin ito na puno ng saksak ang katawan at hindi matukoy kung sino ang pumatay. Napansin niya na bago mangyari iyon sa dalawa ay nagkaroon na ng pagbabago sa mga ito. Si Lyka ay nabaliw at hindi makausap nang maayos. Si Jaynoel naman ay balisa na parang may kinatatakutan.

Hindi siya sigurado sa naiisip pero sa tingin niya ay baka may kinalaman ang mga nakapulang madre roon. Nagsimula rin siyang pagpakitaan ng mga santong walang ulo mula nang titigan siya ng isang madre kanina.

Doon niya naisip, saan ba talaga nanggaling ang mga madreng nakapula sa kanilang lugar? Maging ang ibang mga kakilala niya ay nagtataka kung bakit kumakalat ito sa kanilang bayan. Nakikita nila ito kung saan-saan. Mula sa simbahan, palengke, shopping mall, kalsada, at kung saan-saan pa.

Kinabahan siya. Ayaw niyang isipin ngunit pakiramdam niya'y nasa panganib ang kanyang buhay. Kailangan niyang makagawa ng paraan kung paano tutuklasin ang misteryong iyon dahil kung hindi, siya na ang susunod na mamamatay.

NANG sumunod na araw, nagulat siya sa nabasang pahayagan. Laman ng balita ang kanilang bayan. Ayon sa artikulo, sunod-sunod ang pagkamatay ng mga tao sa kanilang lugar na puno ng saksak ang katawan ngunit hindi makitaan ng suspek. Sabi naman sa panayam ng ilang kaanak ng mga namatay, bago mangyari ang kamatayan ay nababaliw o nawawala muna sa sarili ang mga biktima. Walang makapagpaliwanag kung paano iyon nangyayari at kung ano ang dahilan. Ang kaganapang iyon ay itinuring isang malaking misteryo ngayon sa kanilang lugar. Bata, matanda, mahirap man o mayaman ay bigla na lang nasisiraan ng bait pagkatapos ay matatagpuan na lang sa kanilang kuwarto na wala nang buhay at tadtad ng saksak.

Nabahala si Franco. Kapag hindi pa siya nakagawa ng paraan, baka isa na siya sa maging laman ng mga dyaryo. Ayaw niyang mangyari iyon. Ayaw niyang mamatay lalo na kung sa ganoong paraan. Itinago niya ang naturang dyaryo at tinawagan ang pinsan sa probinsya.

"Hello, Insan?"

"Oy! Franco! Kamusta? Mabuti at napatawag ka?"

"Kailangan ko ng tulong mo."

"Oo naman, Insan! Malakas ka sa `kin, eh! Ano ba `yan?"

"`Di ba may kakilala kayong albularyo d'yan sa inyo? Gusto ko sanang lumuwas d'yan bukas. Kailangan ko kasi ng albularyo."

"Anong albularyo? Paranormal expert ba kamo? Oo meron dito, si Ka Tesyong. Maraming alam sa mga spirits `yon at mga ritwal. Bakit mo naman naisipang itanong `yon?"

"Basta bukas ko na lang ipapaliwanag. Puwede ba akong lumuwas bukas d'yan? Samahan mo naman ako sa kanya, o!"

"Aba, oo naman! Sige hihintayin kita bukas, Insan."

"Salamat, Insan!"

At doon nagwakas ang kanilang usapan. Kahit papaano, nabawasan ang pangamba ni Franco sa dibdib. Ibinaba niya sa lamesa ang cellphone at muling ikinonekta sa charger. Nahiga siya sa kama katabi ng kapatid at napatulala sa kisame.

TO BE CONTINUED…