Nanlumo si Lyka. Nakapulot nga siya ng puwedeng ipangdepensa sa sarili ay hindi naman siya makalapit sa mga nilalang upang magamit ang patalim.
Napaiyak na lamang siya sa takot. Hindi na niya sinubukan pang sumigaw dahil sa kawalan ng pag-asang may sasagip pa sa kanya. Bihag na siya ng mga kampon ng dilim at hindi na niya alam kung paano makakatakas.
Nang magsimulang lumakad patungo sa kanya ang grupo ng mga santong walang ulo, paatras siyang gumapang at napasandal sa pinto. Nanginginig na ang buo niyang katawan at habang hinahabol ang hininga.
Nang mga sandaling iyon, wala na siyang ibang inisip kundi ang humiling ng kamatayan upang matapos na ang kanyang paghihirap. Labag man sa kanyang kalooban, hindi niya napigilan ang sarili na hiwain ang kanyang pulso.
Napasigaw siya sa hapdi. At nang lumabas ang dugo mula roon, nakita niyang naglaho ang isang babaeng santo na nakadamit ng pula. Kasabay naman niyon ang muling pagsulong ng mga natirang grupo patungo sa kinaroroonan niya.
Nang makitang aatake muli ang mga ito, sinaksak naman niya ang sariling tiyan. Napatili siya na parang hayop. Halos hindi maipinta ang mukha niya sa labis na pagdaing.
Muli, nakita niyang naglaho ang isa pang nilalang. At tulad ng nangyari, muling lumakad ang iba pang mga santo para lapitan siya.
Sa tuwing lalapit ang mga ito ay sinasaksak niya ang iba't ibang parte ng katawan niya kahit masakit. Sa bawat saksak niya sa sarili, isa-isang naglalaho ang mga santo.
Dahil sa magkahalong sakit at takot na naghari sa kanyang katauhan, tuluyan na siyang nawala sa sariling katinuan. Pinagsasaksak na niya ang sarili hanggang sa sunod-sunod na naglaho ang mga nilalang sa kanyang silid.
Pagkatapos niyang pagmalupitan ang sarili, bumigay na siya sa sahig. Unti-unti na ring nagdilim ang kanyang paningin at hirap nang huminga.
Isa na lamang ang natirang nilalang sa loob ng silid, at iyon ang Santo Niño na nakita niya sa bahay ng kaibigan ng kanyang kasintahan.
Sa nagdidilim niyang diwa, naaninag pa niya ang paglapit nito sa kanya. Kaya sa kahuli-hulihang lakas ay sinaksak na niya ang dibdib kung saan nakabaon ang kanyang puso.
Ilang sandali pa, hindi na niya namalayan ang paglipas ng oras.
KINABUKASAN, nagimbal ang mag-asawang Marilou at Felix nang matagpuang walang buhay ang kanilang anak sa loob ng silid nito. Nagkalat din ang dugo sa sahig kung saan ito nakahandusay.
Parehong umiiyak ang mag-asawa nang magsumbong sa pulis. Agad na sumama sa kanila ang mga alagad ng batas upang magsagawa ng imbestigasyon.
Tadtad ng saksak ang buong katawan ni Lyka. Halata rin ang malaking bakas na iniwan ng patalim sa dibdib nito kung saan nakapuwesto ang puso. Ngunit ang hindi maintindihan ng awtoridad ay kung saan nagmula ang patalim na ginamit sa babae. Hinalungkat na nila ang buong silid ngunit wala silang nakitang kahit anong matalim na bagay na maaaring gamitin sa pagpaslang sa biktima.
Isang misteryo ang naging pagkamatay ni Lyka. Hindi matukoy kung paano ito napuno ng saksak kung walang weapon na natagpuan sa mismong silid nito. Hinalungkat din ang buong bahay ngunit hindi nakita ang armas na ginamit sa pagpatay rito. Ang mga kutsilyo namang nasa kusina ay maayos na nakatago at walang bahid ng krimen.
Hindi rin masabing nilooban ang bahay dahil nakakandado umano iyon ayon sa mag-asawa. Sumakit ang ulo ng mga pulis sa kakatuklas kung paano nakapasok at nakatakas ang suspek na walang iniiwang bakas.
HINDI napigilan ni Franco ang pagragasa ng mga luha habang pinagmamasdan ang nakahimlay na katawan ng nobya sa kabaong nito. Inilapit pa niya ang mukha sa mismong ataul at kinausap ang walang buhay na babae.
Inawat naman siya ni Jaynoel at sinabing huwag lumapit nang ganoon sa kabaong dahil baka mapatakan ito ng luha.
Nanggigil ang mga kamay ng lalaki. Halos mamula ang likod ng mga tainga nito at nagsilitawan ang mga ugat sa leeg. Sumumpa siyang papatayin ang sinumang gumawa niyon sa kanyang kasintahan gamit ang sariling kamao.
Labis na naawa si Jaynoel sa kaibigan. Maging siya ay hindi mapigilang maging emosyonal habang pinagmamasdan ang kalunos-lunos na babae.
Ini-upo niya si Franco sa isang tabi upang ito'y makapagpahinga dahil kanina pa ito nakatayo sa harap ng kabaong at humahagulgol.
Mayamaya, naisipan niyang kumuha ng pagkain para ialok sa kaibigan. Sa kanyang pagtayo, ganoon na lamang ang naging reaksyon niya nang bumungad ang dalawang santong walang ulo na nakatayo sa harap ng pintuan!
Agad siyang bumalik sa puwesto at tumabi sa kaibigan. Halos isiksik pa niya ang sarili rito. Paglingon niyang muli sa pintuan, nanatili pa ring nakatayo roon ang dalawang nilalang. Hindi ito naglalaho kahit anong kurap ang gawin niya! At mas lalo pa siyang nasindak nang magsimulang lumakad ang mga ito!
Agad niyang ibinalik ang paningin sa kaibigan saka siya pumikit habang naka-akbay rito. Mayamaya, biglang lumundag ang puso niya nang maramdamang may kumalabit sa kanyang braso. Pati si Franco ay nagulat din sa kanya.
Pagdilat niya, ina ni Lyka ang kanyang nasilayan.
"Mga hijo, kumain na muna kayo sa kusina. Sumabay na kayo sa amin," anyaya nito sa kanila sa matamlay na boses. Namumula pa rin ang mga mata ng ina ng babae dahil sa walang patid na pag-iyak.
Nahiya namang tumanggi si Jaynoel kaya itinayo niya ang kaibigan at sumabay sila sa babae sa pagtungo sa kusina. At nang lingunin niyang muli ang pintuan, wala na roon ang dalawang nilalang.
Sinakyan na lamang ni Jaynoel ang bawat ikuwento ng mga magulang ni Lyka sa kanya. Natutuwa siya dahil kahit nagluluksa ang mga ito ay nagawa pa ring magkuwento ng masasayang alaala tungkol sa babae.
PAGSAPIT ng hapon, nagpaalam na sina Franco para saglit na umuwi. Bago nila nilisan ang bahay, muli silang sumilip sa kabaong ng nobya. Bakas pa rin ang lungkot sa kanyang mga mata.
Pagsilip naman ni Jaynoel sa kabaong, laking gulat niya nang hindi si Lyka ang nakahimlay roon, kundi ang mahal na birheng walang ulo! Napaatras siya sa pagkasindak habang nanlalaki ang mga mata. Dali-dali siyang tumakbo palabas ng bahay at hindi na hinintay ang kaibigan.
Nagtaka naman si Franco sa ginawa ng lalaki. Paglabas niya, sinubukan niyang sundan ito ngunit sa bilis ng pagtakbo nito ay hindi na niya naabutan. Kaya nagpasya siyang umuwi na lamang at kausapin ito pagbalik nila mamayang gabi sa lamay.
TO BE CONTINUED…