Chereads / Mata ng Kamatayan / Chapter 6 - Chapter Six

Chapter 6 - Chapter Six

INIHATID na si Lyka sa huling hantungan nito. Bago ipinasok sa loob ng nitso ang kabaong ay pinabuksan pa iyon ng mga magulang sa huling pagkakataon. Lumapit sila sa babae at hinawakan ang kamay nito. Umiiyak ang ina nito. Lumuluha naman ang ama.

Pagkatapos ng dalawa, si Franco naman ang lumapit. Nasa likod lang niya si Jaynoel na namumutla at tila balisa. Lingon ito nang lingon kung saan-saan na para bang may binabantayan o iniiwasan.

Binuhos ni Franco ang rumaragasang mga luha pagkatapos ay hinalikan sa noo ang babae. Hinaplos-haplos pa niya ang mga kamay nito at sinuotan ng singsing ang daliri nito. Bumulong siya at sumumpang wala siyang ibang mamahalin kundi ang babae.

Nang matapos na siya, ipinasok na ng mga lalaki ang kabaong sa loob ng nitso at tinakpan ng hollow blocks, pagkatapos ay binalutan pa iyon ng semento.

Patuloy sa pagtangis si Franco pati ang mga magulang ng babae. Habang si Jaynoel ay hindi pa rin mapakali sa kinatatayuan. Yakap-yakap niya ang sarili na parang giniginaw kahit pinagpapawisan ang katawan. Pagsulyap niya sa di kalayuan, tumambad ang isang itim na santong walang ulo! Nakatayo ito sa gitna ng mga nitso.

Yumuko siya at dumikit sa mga balikat ni Franco. Napabuga siya ng malalim na paghinga habang pinapakalma ang pusong nagwawala sa lakas ng pagtambol. Hindi niya maunawaan kung ano na ang nangyayari sa kanya at kung bakit siya nakakakita ng mga ganoong nilalang.

Nagpahatid sa pag-uwi si Jaynoel kay Franco gamit ang motor nito. Pagkarating nila sa bahay, nagtungo sila sa harap ng pinto at doon nag-usap.

"Salamat sa paghatid," matamlay na wika ni Jaynoel. Bakas ang pag-aalala sa mga mata niya.

Kumulubot ang noo ni Franco. "Parang may nag-iba yata sa `yo ngayon, pare. May sakit ka ba? Last week ko pa napapansin sa iyo `yan."

Hindi agad siya nakasagot. "W-wala `to. Sige magpapahinga na muna ako. Medyo nahilo kasi ako sa init ng araw kanina," palusot na lamang niya. Hindi niya alam kung paano sasabihin sa lalaki ang totoong dahilan. Iniisip niyang baka hindi siya nito paniwalaan.

"Basta kung may problema ka sabihan mo lang agad ako. Ang laki kasi ng pinagbago mo ngayon, p're! Ibang-iba ka sa pagiging hyper mo dati! Parang mas problemado ka pa yata sa `kin kahit ako na itong namatayan."

Nagpakawala siya ng matipid na ngiti. "Kalilibing pa lang kanina ni Lyka. Ba't parang hindi ka na yata masyadong apektado d'yan? Kanina ang lakas mo pang umiyak," aniya sa pabirong paraan. Mahahalata pa rin ang tamlay sa kanyang tinig.

Bahagyang tumawa si Franco. "Alam mo p're, mahal na mahal ko ang girlfriend ko. Hindi ko nga alam kung makakahanap pa `ko ng iba. Kahit kasi patay na siya, hinding-hindi ko siya kayang ipagpalit. Gustuhin ko man maglumpasay sa kakaiyak d'yan, pero naalala ko ang palagi niyang sinasabi noon… Always be happy lang daw palagi kahit ano'ng mangyari. Huwag daw magpapaapekto sa pagsubok ng buhay. Laban lang. Kaya ngayong nailibing na siya, hanggang doon na lang talaga ang lahat. Ayaw kong lunurin ako ng depresyon dahil mas lalo lang masisira ang buhay ko. Kaya magsisimula na `kong muli pero siyempre hindi ko pa rin siya aalisin sa puso ko, dahil siya ang inspirasyon ko sa ginagawa kong ito."

Bahagya ring natawa si Jaynoel na pilit pa ring itinatago ang pagkabalisa. "Kakayanin mo `yan. Alam kong malakas ka. Hindi ka sumusuko sa buhay. Palaban ka. Walang pagsubok ang hindi mo kayang lampasan."

Lalong tumawa si Franco. "Nakakapanibago ka talaga, p're! May elementong sumapi ba sa `yo? Ba't ganyan ka magsalita ngayon? Ewan ko sa `yo! Hindi ako sanay na ganyan ka. Mukhang may problema ka nga talaga. Ano ba kasi `yon sabihin mo na!"

"Wala nga sabi. Sige na papasok na `ko. Ikaw rin magpahinga ka na muna." Unti-unting nawala ang ngiti sa mga labi ni Jaynoel.

"Sige na nga! Pero salamat sa concern, ha! `Ge, mauna na `ko!" At sumakay na muli sa motor si Franco.

Nang makaalis na ang lalaki, isinara ni Jaynoel ang pinto at nagtungo sa kuwarto. Naabutan niyang nakasandal sa kama ang kanyang bunsong kapatid at naglalaro sa cellphone nito. Tumabi siya rito at walang kibong tumagilid ng paghiga.

Medyo hindi maganda ang pakiramdam niya. Kinukutuban siya ngunit hindi naman matukoy kung ano ang ibig ipahiwatig. Naisipan niyang itulog na lang muna ito sa pagbabakasakaling bumalik sa normal ang pakiramdam pagkagising.

Pagmulat ng kanyang mga mata, napansin niyang walang ilaw sa kuwarto. Nangilabot siya. Agad siyang tumayo at sinindihan iyon. Pagsulyap niya sa wall clock na nakasabit sa taas ng pinto, nakita niyang alas-siete na ng gabi. Medyo napahaba ang tulog niya.

Lumabas siya sa kuwarto at nagtungo sa sala ngunit wala roon ang kanyang ina at bunsong kapatid. Sa tingin niya, nagpunta na naman ang mga ito sa bahay ng kaibigan sa kabilang barangay para makinood dahil sira ang TV nila.

Kinabahan siya. Hindi siya puwedeng maiwan mag-isa. Kailangan niya ng makakasama. Naisipan niyang sundan ang mga ito sa kabilang barangay, ngunit pagbukas niya sa pinto ay bumungad ang katawan ng Hesukristo na walang ulo! May mga dugo pa sa palad at tuhod nito.

Pasigaw na isinara niya ang pinto at napaatras. Bigla ring namatay ang lahat ng ilaw. Muling kumabog nang malakas ang dibdib niya. May namuong luha na sa mga mata niya.

"Tigilan n'yo na ako… Tigilan n'yo na ako…" bulong niya sa hangin habang palinga-linga sa buong paligid. Binabantayan niya kung saang sulok puwedeng sumulpot ang mga misteryosong nilalang.

Nakita niya ang rosaryong nakasabit sa kanilang altar malapit sa kusina. Tinakbo niya agad iyon at kinuha. Hinawakan niya ito nang mahigpit habang tahimik na nagdadasal. Idinikit niya ang sarili sa pinto sa sala para walang puwedeng gumulat sa kanyang likod.

Dahan-dahang bumigay ang mga tuhod niya at paupong sumandal doon. Bigla siyang nakarinig ng malakas na kalabog sa kuwarto. Nanlaki ang mga mata niya nang unti-unting bumukas ang pinto roon. Nanginig na ang buong katawan niya. Bahagya niyang ipinikit ang mga mata. Ayaw niyang magulat sa kung anuman ang makikita.

Pagkabukas ng pinto sa kuwarto, isa-isang nagsilabasan doon ang mga santong walang ulo. Kabilang na ang mahal na birhen at katawan ng Hesukristo. Dahan-dahang naglakad ang mga ito patungo sa kinaroroonan niya.

Napapikit na lamang siya at taimtim na nagdasal. Halos lahat na yata ng mga anghel ay tinawag niya, ngunit tila hindi dinidinig ang kanyang mga panalangin. Lalo lang umaapaw ang takot na nararamdaman niya. Higit pang tumitindi ang mga eksena.

Pagdilat niya, nakakita siya ng makintab na patalim sa kanyang paanan. Hindi niya alam kung paano nagkaroon nang ganoon doon, pero pinulot niya iyon at itinutok sa mga nilalang na kasalukuyang lumalapit sa kanya.

"Pakiusap… Huwag kayong lalapit…" nanginginig ang boses niya. Mangiyak-ngiyak na siya.

Hindi niya kinaya ang sobrang takot. Tuluyan siyang nilamon ng emosyon. Naisip niya, kung papatayin lang din siya ng mga nilalang na iyon, mas mabuting siya na lang din ang gumawa noon sa kanyang sarili. Kaya naman nilaslas niya ang kanyang pulso hanggang sa magdugo iyon. Napaigik siya sa sobrang sakit.

Nagtaka siya siya nang maglaho ang isa sa mga nilalang. Nang mahinto siya sa ginagawa, muli na namang lumakad ang mga ito papalapit sa kanya. Nanlaki ang mga mata niya at muling sinaktan ang sarili. Hiniwa niya ang gilid ng kanyang leeg. Napasigaw siya sa labis na sakit.

Naglaho na naman ang isa sa mga santo. Nang mapansin ng mga ito na huminto siya sa ginagawa, nagpatuloy na naman ang mga ito sa paglapit sa kanya.

Parang batang umiyak si Jaynoel. Mukhang hindi siya titigilan ng mga ito hangga't hindi siya nalalagutan ng hininga. Hindi na niya alam kung ano ang gagawin. Ganap nang kumalat sa buong pagkatao niya ang halu-halong emosyon. Wala na siyang kontrol sa sariling pag-iisip.

Hindi na niya napigilang sumigaw nang pagkalakas-lakas. Nanggigil siya sa galit at hinawakan nang mahigpit ang patalim. Kapagkuwa'y pinagsasaksak niya ang sariling mga mata! Tumulo mula sa mga sisidlan ang sariwang dugo na may halong dilaw na likido!

Nagdilim ang kanyang paningin at nanginig ang buo niyang katawan. Naramdaman niya ang unti-unting pagkalagot ng kanyang hininga. Hanggang sa hindi na niya namalayan ang paglipas ng oras. Nang mga sandaling iyon ay isa-isa na ring naglaho ang mga nilalang at muling tumahimik ang buong paligid.

LAMPAS alas-dies na nang matapos ang mga teleseryeng pinanonood ni Myrna. Hawak niya ang kamay ng bunsong anak na si Lloyd habang naglalakad sila sa daan. Bitbit naman ng bata ang tinapay na binili nila bilang pasalubong sa kuya nitong si Jaynoel.

Pagkarating sa bahay, agad binuksan ni Myrna ang pinto. Nang mabuksan iyon, biglang bumagsak sa kanilang harapan ang isang katawan. Nagulat sila sa nakita. Si Jaynoel, duguan ang katawan at walang mga mata!

Napasigaw ang babae. Tumakbo naman palayo ang bata sa pagkabigla. Nang kapain ni Myrna ang puso ng lalaki, hindi na iyon tumitibok. Wala na itong buhay! Napahagulgol siya at niyakap ang bangkay.

"Anaaaaak! Sino'ng gumawa sa `yo nitoooo!"

TO BE CONTINUED…