NAGPASYA si Franco na patirahin sa kanilang bahay ang kasintahan. Nagbaka sakali siyang hihinto ang kababalaghang nararanasan ng babae kapag nilisan nito ang sariling tahanan.
"Babe, pagpasensyahan mo na kung medyo makalat itong bahay namin. Alam mo naman kapag lalaki, `di ba?" tumatawang sabi niya habang nililigpit ang mga gamit.
"Walang issue `yan sa `kin, babe. Hopefully guminhawa ang pakiramdam ko rito. So far, so good. Wala akong nararamdamang kakaiba," komento ng babae habang nililibot nang tingin ang bahay.
"Dito natin ngayon malalaman kung ang bahay ba ninyo ang pinupuntahan ng mga multo o ikaw," mayamaya'y tugon ni Franco.
Napasandal si Lyka sa kinauupuan at umusal ng panalangin sa isip na sana'y matahimik na siya sa bahay na tinutuluyan.
Gabi. Kaharap ni Franco ang laptop habang kausap sa Skype ang mga magulang na nasa ibang bansa.
Matapos ng kanilang kamustahan, sinabi ng lalaki na pansamantalang nakatira sa kanya ang nobya dahil wala itong kasama sa bahay. Payag naman ang kanyang ama at ina sa desisyon niyang iyon. Katunayan, kinamusta pa ng mga ito ang babae. Ang sagot naman niya, natutulog na ito sa kuwarto kasama si Michael.
BINISITA si Franco ng kaibigan niyang si Jaynoel upang yayain siyang uminom sa bahay ng kabarkada nilang si Jerson na magdiriwang ng kaarawan nito sa makalawa.
"Birthday pa naman ni pareng Jerson iyon, tol! Sayang naman kung hindi ka makakapunta. Isa ka pa naman sa mga inaabangan niyang bibisita. Hay naku, oo! Naman, eh!" sabi sa kanya ni Jaynoel. Magkaharap sila sa lamesa nang mga sandaling iyon habang umiinom ng kapeng pang-agahan.
"Wala kasing magbabantay sa girlfriend ko, brad. May pinagdadaanan ngayon si Lyka at hindi ko siya maiiwan dito. Kung ang kapatid ko lang sana ang kasama ko ngayon puwede akong umalis ng bahay," paliwanag ni Franco. Napahinga siya nang malalim matapos magsalita.
"Hay naku, oo! Naman, eh! Bakit `di mo na lang isama si bebe mo? Kung may pinagdadaanan dapat nga ipasyal mo pa siya para naman mawala problema niya!" suhestyon ng kaibigan. Napakamot ito ng ulo at bahagyang sumimangot.
Matagal bago siya nakasagot.
"S-sige, brad. Tatanungin ko siya kung gusto niyang sumama," mayamaya'y sagot niya at humigop ng kape.
"Syempre sasama talaga `yon! Hay naku, oo! Naman, eh!" Hinigop na ni Jaynoel ang natitirang laman ng baso saka ito sumandal sa kinauupuan.
PAGSAPIT ng kaarawan ng barkada ni Franco, kasama niya si Lyka na pupunta. Nakisabay sa kanila si Jaynoel na bitbit ang isang malaking bote ng alak. Umangkas ang dalawa sa kanyang single motor at mabilis niya itong pinatakbo.
Nasa kalagitnaan na siya ng pagmamaneho ng motor. Pagliko niya sa kaliwang kalsada, tumambad sa kanya ang nakapulang madre na tumatawid. Dahil sa bilis ng kanyang pagpapatakbo, nabangga niya ang ginang at sumemplang sila sa sinasakyan. Ang bote ng alak na kanilang dinadala ay nabasag din sa daan. Mabuti na lamang at medyo malayo sa kanila ang kinabagsakan ng mga bubog.
Sa kanilang tatlo, si Jaynoel ang agad nakatayo. Lumapit siya sa matanda upang itayo rin ito. Subalit sa kanyang paglapit dito, bigla siya nitong hinawakan sa magkabilang braso at tumitig sa kanya nang matalim. Nagsimula itong bumulong sa wikang hindi niya maunawaan.
Dahil sa pagtataka, hindi agad nakakilos si Jaynoel. Napatitig din siya sa ginang at sinubukang unawain ang mga binubulong nito kahit wala siyang maintindihan kahit isa.
Unti-unting humigpit ang pagkakahawak sa kanya ng madre habang patuloy itong bumubulong. Nang maramdaman niyang tila tumutusok na sa kanyang mga braso ang mga kuko nito, doon na siya biglaang bumitaw sa matanda at mabilis na tumayo.
Nakita rin nina Franco at Lyka ang eksenang iyon. Maging sila ay nagtaka at napatitig sa matanda.
"Naku! P-pasensya na po! Hindi po namin sinasadya! Sorry po talaga, ma'am. Sobrang sorry po!" tanging nasabi ni Jaynoel sa ginang.
Agad itinayo ni Franco ang kanyang motor at humingi rin ng paumanhin sa matanda. Nang maitayo na niya ito, agad siyang umangkas sa motor.
Mabilis namang sumakay ang dalawa sa likod ng lalaki. At nang tumakbo na muli ang motor, sinulyapan agad ni Jaynoel ang matanda sa kinatatayuan nito. Kinabahan siya dahil masama pa rin ang tingin nito sa kanya at tila patuloy na bumubulong.
Nang makarating na sila sa bahay ng kabarkada, sumalubong sa kanila ang maingay na videoke at ang mga bisitang labas-pasok sa gate. Nakita rin nila mismo ang birthday boy na si Jerson na inilalatag ang lamesang pagpapatungan ng alak at pulutan.
Pagbaba nila sa motor ay agad nilang binati ang lalaki.
"Wow! Nandito pala si poreber mo!" tuwang sabi ni Jerson kay Franco at nakipagkamay sa kasintahan ng lalaki.
Ngumiti naman ang babae at iniabot ang kamay nito.
"Hay naku, oo! Alam mo ba may nabangga pa kami kanina habang naka-motor kami, p're! Natapon tuloy `yong imported na wine na ireregalo ko sana sa `yo! Buwisit na buhay talaga, oo! Naman, eh!" pahayag ni Jaynoel sa kabarkada.
"Kaya pala medyo madungis at may galos kayo. Buti at naisipan n'yo pang tumuloy dito?" alalang sabi ni Jerson habang pinagmamasdan ang mga gasgas nila sa paa at kamay.
"Hindi naman gaanong malala ito, brad. Isa pa, hindi naman kami puwedeng um-absent sa birthday mo. Ano, inuman na?" ngiting tugon ni Franco sa kaibigan.
Pagkatapos kumain ng tatlo sa loob ay nagsimula nang mag-inuman ang magbabarkada sa labas.
Si Lyka naman ay naiwan sa loob at nakisali sa mga nagvi-videoke.
Habang pinapanood niya ang bisitang kumakanta, napasulyap siya sa bandang kusina. Nawala ang ngiti sa kanyang mga labi nang makakita ng buhay na Santo Niño na walang ulo at nakatayo sa tabi ng lamesa.
Pasimple siyang tumakbo palabas at hindi pinahalata ang takot. Tumabi siya sa kasintahan na kasalukuyang nakikipag-inuman.
Nabigla naman si Franco sa paglapit ng babae. Napansin niya ang pamumutla nito at panginginig ng mga kamay.
"Babe, ba't ka lumabas? Ayaw mo ba sa loob?" tanong niya rito.
"M-mamaya na lang ako babalik, babe. Marami pang nakapila sa videoke. Dito muna ako. O-okay lang ba?" Iniwasan nitong mautal at pilit ginalaw-galaw ang mga kamay upang hindi mahalata ang panginginig nito sa takot.
Kabisado na ng lalaki ang ugali nito. Alam na niya ang bawat kilos ng babae sa tuwing may nililihim itong bagay.
Pansamantalang nagpaalam si Franco sa mga barkada at tumayo sa pagkakaupo. Pinasunod niya sa kanya ang babae at pumuwesto sila sa bandang gate.
"Nakikita mo na naman ba sila?" diretsahang tanong ni Franco habang nakatitig sa babae.
Hindi alam ni Lyka kung ano ang isasagot. Napahinga na lamang ito nang malalim at nagpakawala ng matipid na ngiti.
"It's okay. Hindi... naman sila m-makakalapit sa akin k-kapag katabi kita. M-mabuti pa... balik na tayo sa... sa puwesto mo. Come here!"
Hinila siya ng babae pabalik sa kanyang mga kabarkada. Sa loob-loob niya, medyo natuwa siya dahil tila ayaw sirain ng kasintahan ang kanyang kaligayahan. Kaya naman muli niyang ipinagpatuloy ang pakikipagkuwentuhan at inuman sa mga kaibigan. Hindi na lamang niya binitawan nang hawak ang kamay ng babae upang maproteksyunan pa rin niya ito.
Kahit hindi maka-relate si Lyka sa usapan ng mga lalaki, nanatili siya sa tabi ng nobyo. Nais man niyang bumalik sa loob para mag-videoke ay hindi niya magawa.
Pagsulyap niya sa harap ng bahay, namilog ang mga mata niya nang makitang nakatayo na roon ang Santo Niño na walang ulo!
TO BE CONTINUED...