Chereads / Mata ng Kamatayan / Chapter 2 - Chapter Two

Chapter 2 - Chapter Two

PAGKARATING ni Franco sa bahay ng nobya, naabutan niyang bukas ang pinto. Tuloy-tuloy na siya sa pagpasok at hinanap ang babae.

Pinasok niya ang tatlong kuwarto sa taas subalit walang tao roon. Bumaba naman siya sa kusina at nakita ang mga gamit na nagkalaglagan sa sahig. Lalo siyang nag-alala para sa babae. `Di na siya nakatiis, isinigaw na niya ang pangalan nito.

"Lyka!"

Narinig niyang may kumalampag sa pinto ng banyo. Agad siyang nagtungo roon at pagbukas sa pinto, bumungad sa kanya si Lyka. Nakasandal ito sa sulok at naliligo sa sariling pawis. Patuloy ito sa pag-iyak.

"Lyka!" Dali-dali niyang nilapitan at inalalayang tumayo ang babae saka niya ito niyakap nang mahigpit.

Ang daming nais sabihin sa kanya ng kasintahan subalit hindi ito halos makapagsalita nang maayos. Medyo hirap din itong huminga na marahil ay dala ng trauma.

"Nandito na ako. Huwag ka nang matakot," aniya.

Inihiga niya ang babae sa silid nito saka siya tumabi rito.

"Sabihin mo. Ano ba'ng nangyari rito kanina?" malumanay na tanong ni Franco habang nakatitig sa babae.

Napahinga nang malalim si Lyka bago nagkuwento. Ayon sa kanya, may nakita siya umanong mga taong walang ulo kanina sa kanyang silid. Lalabas sana siya ng bahay ngunit hindi niya mabuksan ang pinto na animo'y may isip iyon at ayaw siyang palabasin.

Bumaba umano sa hagdan ang mga taong walang ulo kaya siya nagtago kung saan-saan sa sulok ng bahay. Sa tuwing masusundan siya ng mga nilalang, lumilipat siya ng mapagtataguan hanggang sa naisipan niyang magkulong sa banyo.

Nabanggit din niya na nawalan din ng ilaw ang buong bahay kanina nang magpakita sa kanya ang mga nilalang.

"Sigurado kang walang kuryente kanina rito?" takang tanong ni Franco.

"Oo, babe. Kahit nasa banyo ako kanina sobrang dilim at wala talagang ilaw. Sumindi lang yata no'ng dumating ka," tugon ni Lyka.

"Pero pagdating ko kasi rito, nakita ko bukas na lahat ng ilaw pati sa kuwarto." Inilibot pa ni Franco ang mga mata sa buong paligid.

May ilang sandaling natahimik ang dalawa.

Tumayo si Franco at ininspeksyon pa ang mga bintana pagkatapos ay tinakpan niya iyon ng kurtina.

"B-babe, `yon palang mga...nagpakita sa akin kanina... n-nakasuot sila ng... uhm, damit ng mga santo," mayamaya'y saad ni Lyka habang tumatayo mula sa pagkakahiga.

Napalingon ang lalaki sa kinaroroonan ng babae.

"Santo?"

"Oo... P-para talaga silang mga buhay na santo. And... uhm... if I'm not mistaken, isa si St. Catherine of Siena sa mga n-nakita ko kanina. Natatandaan ko kasi `yong damit na suot niya...k-katulad iyon ng rebulto niya sa simbahan. Ang nakapagtataka lang, headless silang lahat. W-walang ulo. Walang mukha. K-katawan lang... Uhm...hindi ko maintindihan b-bakit gano'n," medyo nanginginig pa ang tinig na paliwanag ng babae.

Bagama't hindi makapaniwala ang lalaki sa narinig, hindi rin niya ito

pinagdudahan. Sa katunayan, naniniwala naman siya sa mga kababalaghan. Hindi lang niya inakalang pati mga santo ay magiging elemento rin ng katatakutan.

"Babe, kailan ba darating ang mga magulang mo? Ilang buwan na yata sila sa Bohol, ah?" mayamaya'y tanong ng lalaki.

"Medyo matatagalan pa raw sila, babe. Sabi nga ni papa sa akin last week padadalhan na lang daw niya ako ulit ng panggastos ko rito. Hindi pa raw sila sure kung makakauwi sila this month," tugon naman ng babae.

"Mas mabuti siguro kung samahan muna kita rito habang wala pa sila," suhestyon niya rito pero tinanggihan ng babae.

"Paano na ang kapatid mo?"

"Puwede namang dito muna kami tumira sa inyo. Kung papayag ka."

Napangiti ang babae kahit papaano. Hindi na siya tumanggi pa sa sinabi ng kasintahan.

"Salamat talaga, babe!"

DINALA ni Franco sa bahay ng nobya ang ilang mahahalagang gamit nila ng kanyang kapatid. Tuwang-tuwa naman ang bata nang makapasok sa loob. Naglikot pa nga ito at kinalat sa sahig ang mga laruan.

Kahit medyo naiinis, hindi na lamang sinita ng lalaki ang bata. Mas gusto pa niyang nakikita na laruan ang hawak nito kaysa gadget.

Magluluto sila ng kanyang kasintahan para sa tanghaliang iyon. Ito ang unang beses na makakasama niya sa kusina ang nobya. Kaya naman ganado siyang nagpunta sa palengke para mamili ng mga sahog na kakailanganin nila.

Habang naglalakad siya sa palengke, umagaw sa kanyang atensyon ang ilang mga madreng nakapula na tulad niya'y namamalengke rin. Pangatlong beses na niyang nakita ang grupo ng mga taong iyon. At mas lalo nang tumatak sa isip niya ang simbolong nakaguhit sa likod ng kasuotan ng mga ito. Kahit ilang ulit na niya itong nasilayan, palagi pa rin siyang napapatitig dito.

Habang naglalakad naman siya pauwi, nakasalubong niya ang isa sa mga ito. At laking gulat niya nang mapansing wala itong anino! Sinundan pa niya nang tingin ang madre hanggang sa makalayo ito pero hindi nagbabago ang kanyang nakikita.

Nangunot ang kanyang noo habang napapaisip kung pinaglalaruan ba siya ng imahinasyon. May ilang sandali siyang napako sa kinatatayuan. Nagtataka. Nag-iisip. Halos patayin siya ng kuryosidad.

Habang naghihiwa siya ng mga pataas, ikinuwento niya sa nobya ang nakita. Maging ito ay nagulat sa sinabi niya. Napahinto ito sa paghuhugas ng mga gulay at lumapit sa kanya.

"Ang weird talaga ng mga madre na iyon, babe! Kahit nga ako nawiwirduhin din sa kanila lalo na roon sa isa na sobrang sama kung tumitig sa akin," komento ng kasintahan. Halos pareho sila ng ekspresyon nang mga sandaling iyon. Balot na balot ng pagtataka ang kanilang hitsura.

Nang matapos na silang magluto ay magkasama nilang inihanda ang mga baso at pinggan sa lamesa. Ang lalaki na ang nagsandok ng kanin at ulam habang ang babae ay umakyat upang bunutin ang naka-charge na cellphone sa silid nito.

Nagulat si Franco at ang kapatid nang magsisigaw si Lyka sa taas. Akmang aakyat na sila sa hagdan nang sakto namang lumabas ng silid ang babae at halos madapa sa pagbaba.

"Babe, ano'ng nangyari?" alalang tanong ni Franco at hinawakan sa kamay ang babae.

"Nasa kuwarto ko na naman `yong santong walang ulo, babe!" mangiyak-ngiyak na tugon ni Lyka at yumakap sa lalaki.

Nang akyatin ni Franco ang silid, wala siyang nakitang tao roon. Katahimikan lamang ang sumalubong sa kanya.

Magmula noon, hindi na lumalayo sa kanya ang babae. Kulang na lang ay isama siya nito pati sa loob ng banyo para lang hindi sundan ng mga nilalang.

Subalit sa pagdaan pa ng ilang mga araw, hindi na naging epektibo ang pagdikit sa kanya ng babae. Dahil ayon dito, maging sa panaginip ay dinadalaw na rin ito ng mga santong walang ulo.

Kahit magkatabi na sila sa kama gabi-gabi at magkadikit araw-araw, may mga pagkakataong nakikita pa umano nito ang mga nilalang na nagmamasid sa kanila kung saan-saan. Minsan ay sa bintana, sa ilalim ng lamesa, sa salamin at maging sa dilim.

Ang ginawa ni Franco, hindi na lamang niya pinapatay ang ilaw tuwing gabi. Araw-araw na rin niyang dinadala sa simbahan ang kasintahan upang magdasal kahit walang misa.

Habang kumakain sila sa isang restoran, nahagip ng mga mata ng lalaki ang paparating na mga nakapulang madre. Pagpasok ng mga ito sa entrance door ay nakita niya ang pagkagulat sa mukha ng kasintahan.

Hindi nagtagal ay nagyaya rin ang babae na umalis dahil hindi na umano maganda ang pakiramdam nito. At kahit hindi pa nauubos ang kanilang pagkain, napilitan siyang ilabas na ang babae.

"Ano ba itong nangyayari sa akin," pabulong na wika sa kanya ng babae habang nasa jeep sila.

"Babe, malalampasan din natin `to. Huwag kang matakot dahil kasama mo ako palagi." Hinawakan niya nang mahigpit ang kamay ng kasintahan.

Sumandal ang babae sa braso niya at pabulong na nagpasalamat.

TO BE CONTINUED...