Chereads / Mata ng Kamatayan / Chapter 1 - Chapter One

Mata ng Kamatayan

🇵🇭DravenBlack
  • 10
    Completed
  • --
    NOT RATINGS
  • 45.1k
    Views
Synopsis

Chapter 1 - Chapter One

SA FOOD COURT ng isang mall tumambay si Franco upang doon hintayin ang kostumer na um-order ng sapatos sa kanya sa online. Ayon sa text ng buyer, hapon pa ito makakarating.

Inilapag niya ang box ng sapatos sa lamesa at nilingon ang mga pagkaing nakapila sa paligid. Naisipan niyang kumain muna ng tanghalian upang makapaghintay nang matagal-tagal.

Sa `di kalayuan, umagaw sa pansin niya ang apat na madreng nakapula at kumakain. Nakatalikod ang kanilang puwesto kung kaya't nakita niya ang simbolong nakatatak sa kasuotan ng mga ito. Isa iyong baligtad na krus at napaiikutan ng ahas na litaw pa ang dila.

May ilang segundo siyang nakatitig doon habang iniisip kung para saan ba ang kakaibang simbolo.

Sa una, naisip niya na isa iyon sa simbolo ng satanismo. Pero agad din niyang binawi ang sinabi ng isip sapagkat ayaw niyang manghusga sa isang tao dahil lamang sa kasuotan nito.

Tumayo siya at bumili ng pagkain sa Mang Inasal na katapat lamang ng kinauupuan niya.

Pagkatapos niyang mananghalian ay bumili pa siya ng burger at palamig. Naka-ilang pagkain siya sa kahihintay sa kostumer.

Pagsulyap niya sa wrist watch, lampas ala-una pa lamang ng tanghali. Muli niyang tinawagan ang buyer at tinanong kung anong oras sa hapon ito makakarating. Nang sabihin ng kostumer na alas-singko pa ito makakarating ay nagpasalamat siya at ibinaba ang cellphone.

Tumayo siya at binitbit ang dalang item. Naisipan niyang maglibot muna habang naghihintay sa pagdating ng oras.

Sampung minuto bago mag alas-singko ay bumalik siya sa food court at umupo sa bakanteng upuan. Tinawagan niya ang buyer at tinanong kung ano ang kulay ng damit nito upang hindi siya mahirapang hanapin ito. Sinabi naman ng tao sa kabilang linya na naka-itim itong sando at puting pantalon. May suot din itong sumbrero na Nike ang tatak.

May ilang minuto pa siyang naghintay sa pagdating ng buyer. Muli siyang bumili ng palamig at foot long.

Pagkaraan ng mahabang sandali, nakita na niya ang buyer na naglalakad patungo sa food court. Agad niya itong nilapitan at tinanong ang pangalan. Nang makumpirmang ito nga ang taong kausap, nakipag-kamay siya rito at sabay silang lumapit sa kanyang puwesto.

Pagkauwi ni Franco, inilapag niya sa lamesa ang pasalubong na binili para sa bunsong kapatid. Tinawag niya ang pangalan nito ngunit walang sumagot.

Pagkapasok niya sa silid, tumambad sa kanya ang mga laruan at notebook na naka kalat sa paligid. Abala naman sa paglalaro ng tablet ang kapatid habang nakadapa sa kama.

"Michael, ibaba mo na `yan. Kumain ka na roon at lilinisin ko pa itong kuwarto." Inilapag niya ang cellphone sa coffee table at nagsimulang magbihis ng damit pambahay.

Walang kibong lumabas ang bata dala ang tablet nito. Narinig pa niyang kinalkal nito ang plastic na marahil ay tiningnan kung ano ang laman niyon.

"Wow, Jollibee!" narinig niyang sabi nito.

Isinara niya ang pinto at nagsimulang magligpit ng mga kalat.

NANG sumunod na araw, nagpasama si Franco sa girlfriend niyang si Lyka sa mall upang bumili ng laruan para sa kapatid.

"May bata pa bang naglalaro nang laruan ngayon, babe? Bakit `di mo siya bilhan ng phone na pang-gaming?" suhestyon sa kanya ng nobya nang makita siyang dumampot ng mga action figure.

"Babe, ayaw kong sanayin sa gadget ang kapatid ko. Baka paglaki niya malabo na ang mata tulad ko. Hangga't maaari iniiwas ko siya sa mga bagay na may radiation," aniya.

"E, bakit binili mo pa siya ng tablet noon? Gadget din naman`yon, ah?"

"Sina mama at papa ang bumili nu'n sa kanya, hindi ako. Sabi ko naman sa kanila noon na huwag na munang ibili nang ganoon ang bata. Pero sinunod pa rin nila `yong kagustuhan ni Michael, eh. `Di bale na. Outdated na rin naman ang tablet na `yon. Mukhang pinagtitiyagaan na lang niya. Nagpapabili nga ng bago sa akin pero ayoko."

"Ganu'n talaga ang bunso, babe. Palaging sila ang nasusunod sa magulang."

Paghatid niya ng nobya sa bahay nito, nagpaalam sila sa isa't isa at binigyan niya ng halik sa noo ang babae.

Mayamaya, nahagip ng kanyang mga mata ang dalawang madreng nakapula na kumakain sa karinderyang ilang lakad lang ang pagitan mula sa bahay ng kasintahan.

Muli niyang nasilayan sa likod ng kasuotan ng mga ito ang nakatatak na simbolo ng baligtad na krus at ahas na nakapalibot mula sa rito.

Nang usisain siya ng nobya, agad siyang lumingon dito at ngumiti na lamang. Muli siyang nagpaalam at humalik sa babae pagkatapos ay tuluyan nang umalis.

Hanggang sa pag-uwi ni Franco ay ka-text niya ang nobya. Sinabi pa sa kanya ng babae na tinitigan umano ito nang masama ng isa sa mga madre kanina sa karinderya nang mapadaan ito roon.

Tatawa-tawang nireplayan niya ang babae at sinabi na sana'y nakipagtitigan din ito nang masama at ang unang bumitaw ng titig ay talo.

Iyon ang huli nilang pag-uusap nang mga oras na iyon. Hindi na nag-reply ang babae sa kanya kahit ilang beses na niya itong kinulit sa text. Tumawag pa siya rito para alamin kung ano'ng ginagawa ng nobya subalit out-of-coverage na ang cellphone nito. Nagtaka siya kung ano ang posibleng ginagawa nito.

Tinawagan niya ang isang numero ng babae na nasa kabilang cellphone nito ngunit nagri-ring lamang ito at hindi sinasagot.

Naisip niyang marahil ay may ginawa itong mahalaga at hindi na nakapagpaalam sa kanya sa text. Nagpahinga na lamang muna siya at ini-charge ang kanyang cellphone na nasa twelve percent na lamang ang baterya.

Hanggang sa kanyang paghiga ay hindi pa rin niya ma-kontak ang babae. Bahagya na siyang nag-alala para rito. Nasanay siya na palaging nagpapaalam ang kasintahan sa kanya sa tuwing puputulin ang kanilang pag-uusap sa cellphone. Maging ang pagpunta sa banyo ay sinasabi rin nito.

Pagsulyap niya sa wall clock, lampas alas-onse na ng gabi pero hindi pa rin nagpaparamdam ang babae sa kanya.

Yumakap na lamang siya sa bunsong kapatid na himbing nang natutulog at banayad na tinapik-tapik ito sa braso.

Makalipas ng mahabang sandali, biglang nag-ring ang cellphone niya. Mabilis niya itong dinampot sa ilalim ng unan at tiningnan ang tumatawag.

Nang makitang si Lyka iyon, agad niya itong sinagot.

"Babe, ang tagal mong nawala kanina. Ano ba'ng ginawa mo?" Kumain ka na ba? Bakit gising ka pa nang ganitong oras?" awtomatiko niyang sabi. Nasa tinig ang pagka-inis.

Nangunot ang noo niya nang marinig na humihikbi ang babae.

"Babe? Lyka? Umiiyak ka ba? A-ano'ng problema?" nag-aalala niyang tanong dito.

"P-puntahan mo `ko, babe... Please! N-natatakot ako... May... Uhm... M-may mga tao rito sa bahay..." nauutal pang saad ng babae. Halata sa boses nito ang takot.

Mabilis na tumayo si Franco at kinuha ang susi ng motor na nakasabit sa likod ng pinto.

"Babe, hintayin mo `ko. Huminahon ka lang. Magtago ka hangga't maaari. Huwag kang aalis sa kinaroroonan mo ngayon d'yan. Huwag kang mag-alala darating ako," taranta niyang sabi habang nagmamadaling lumabas ng bahay.

Naka-sando at pajama lamang siya nang mga oras na iyon.

Gamit ang isang kamay, inilabas niya ang motor sa garahe habang kausap naman ang babae sa kabilang kamay.

"Bilisan mo, babe. K-kanina pa ako nagtago kung saan-saan...p-pero...nasusundan nila ako! Babe, `yong humahabol sa akin...w-wala silang ulo!"

Napahinto si Franco sa ginagawa nang marinig ang sinabing iyon ng babae.

"Ha? A-anong walang ulo? `Di kita maintindihan! B-babe? Hello? Lyka! Hoy!" Pagtingin niya sa cellphone, putol na ang linya.

Lumakas ang tambol ng kanyang dibdib. Hindi na niya nagawang isarado pa ang gate. Pagka-start sa motor ay pinaharurot niya ito upang makarating agad sa bahay ng nobya.

TO BE CONTINUED...