Chereads / Sitio Delano / Chapter 6 - Kabanata Tatlo [1]

Chapter 6 - Kabanata Tatlo [1]

NAKAPALIGID SILANG LAHAT na tuwang-tuwa sa naglalagablab na apoy habang kinakain ang kanilang hapunan. Pinagsalu-saluhan nila ang sinabawang kabibi at ang inihaw na mga isdang bangus na pawang kuha at huli nina Crystelle at Jorros kanina sa kanilang underwater filming.

Hindi man engrande ang salo-salo nila ay wala pa ring katulad ang sarap ng kinakain nila, lalo pa't sila ang nagkusang naghanda at nagluto nito. Preskong-presko ang bawat lamang-dagat at halatang malayong-malayo talaga sa mga mabibili sa palengke at binibenta ng mga karenderya o restawrant ng syudad.

"Bukas Jorros, isama mo kami kapag mangunguha ka na naman ng mga kabibi at maghuhuli ng isda."  Sabi ni Keith, "Gusto kong sumubok tapos dadalhan ko sina Mama at Papa."

"Oo naman walang problema. Basta pagkatapos ng proyekto natin rito. Tuturuan ko kayong lahat paano mangunguha at manghuhuli. Ibubuhos natin ang matitirang oras sa kasiyahan."

Mas lalong sumigla ang grupo at naging sabik na sabik ang mga ito. Iniisip pa nga lang nila ang mangyayari ay hindi na ito mapakali at sobrang daming senaryo na ang nabubuo sa kanilang isipan, mga ideyang gusto nilang maranasan bago nila lilisanin ang isla.

Tiyak itong taon ang magiging pinakamagandang taon para sa kanila sapagkat kailanman 'di nila nagawang magkaroon ng field trip, camping, o outing man lang, ubod ng bihira ito dahil sa mga nagdaang taon ay masyado silang napukos sa akademiko.

"Pwede pa ba tayong bumalik dito sa susunod? Sa bakasyon gusto kong bumalik rito atsaka isasama natin 'yung iba pa nating kaklase."

"Oo naman, syem―"

Hindi natapos ni Jorros ang nais nitong sasabihin nang sa isang iglap ay biglang binalot ng kilabot ang buong isla. Lahat ay napasigaw matapos mangibabaw ang malutong na tunog ng lamang napunit, gulat na gulat sila nang sa isang kurap lang ay nasaksihan nila ang kagimbal-gimbal na hitsura ni Jorros.

Natapon at nabitawan nila ang hawak-hawak na pinagkainan at nagsimulang manginig ang kanilang katawan. Binalot sila ng matinding lamig kasabay ang paglakas at pagbilis ng tibok ng kanilang puso, agad din nilang nalasahan ang pangangasim ng simukra at bibig tanda ng nagbabadyang suka na gustong lumabas.

Lahat sila'y nasindak, halos hindi nila matukoy ang dapat na gagawin. Sa isipan ng bawat isa'y nagtatalo ang desisyong tutulungan si Jorros o hahayaan lamang ito at sisiguraduhing makakalayo sila kaagad sa pwesto hangga't makakaya pa.

Dahan-dahang napaatras si Lily sa suporta ng nangangatog niyang tuhod at nanlalambot na binti, naiiyak ito at sobrang tindi ng nararamdamang hilo. Ang kamay niyang nanginginig ay mahigpit na nakatakip sa kaniyang bibig upang pigilan ang sigaw niya at iyak na gustong kumawala, todo-pigil din siya sa sariling bibig na h'wag ilabas ang nangangasim niyang laman sapagkat siya ay nasusuka na talaga.

Hindi mapalagay ang loob niya, isang malaking kilabot ang makita ng dalawang mata kung paano bumaon ang isang mahabang patpat sa mukha ni Jorros. Sapul ito sa kaliwang mata at ang mas malala pa ay tumagos ito sa likod, ang dulo nito ay matulis at hugis tatsulok bagay na nagsasabing ito ay isang palaso. Bumulagta ang lalakeng dilat na dilat pa rin ang mata habang walang tigil sa pagtagas ang dugo mula sa noo nito pababa na kalaunang kumukulay sa maputing buhangin.

Itong tanawin ay napakahirap iwaksi, nakatatak ito sa kaniyang isipan na kahit pumikit pa siya ay naroon pa rin nakarehistro sa kaniyang paningin ang kalunos-lunos na mukha ng lalake.

Isang pagsabog ang gumulat sa grupo, lahat sila'y napaatras nang biglang sumiklab ang apoy sa gitna matapos hagisan ng kung anong bagay, doon na sila natauhan animo'y bumalik na sila sa sariling kamalayan. Ang isipan nila'y nilukob ng pansariling kapakanan at isinaalang-alang ang kaligtasan ng sarili, kaniya-kaniya silang napatakbo't kung saan-saang direksyon nagtungo.

Humahangos at sobrang laki ng hakbang ng pagtakbo ni Lily nang sa takot niya ay agad siyang kumaripas ng takbo patungo sa loob ng gubat, umaasang na sana ay mahahanap at masusundan niya ang daan palabas kahit na napakadilim sa loob. Ang kagustuhang makalayo ay nangibabaw sa kaniyang sistema, gustuhin man niyang tulungan si Jorros ay hindi niya magawa sapagkat ang pagsabog na naganap ay ang pangalawang babala na siya ay nararapat na tumakas.

Mahirap mang paniwalan, pero sila ay sadyang nanganganib na. Hindi sila nag-iisa sa isla at may iba pang tao na naroon, taong hindi niya alam kung bakit pinatay nito si Jorros at bakit ito nagtangka sa buhay rin nila.

Hirap na siyang huminga ngunit ang katawan niya ay napakagaan, ang pawis niyang tumatagaktak ay kasing-lamig ng katawan niya't umaalingawngaw sa kaniyang isipan ang ideyang kailangan niyang lumayo at umuwi kaagad sa kanila, kung saan siya ligtas at makakahingi ng tulong.

Sa kadiliman ay hindi alintana sa kaniya ang daplis na natamo dulot ng halamang nasasagi, kahit nadudulas siya ay bumabangon kaagad siya't agad na bumabalik sa pagtakbo. Sa mga nagdaang taon ay ngayon lamang siya nakaramdam ng matinding takot, ngayon lamang siya nakatakbo ng ganito kabilis sa loob ng gubat na mag-isa lang. Nagpatuloy lamang siya sa pagtakbo kahit na hindi niya alam ang tinatahak na daan.