Agad siyang nagpatuloy at inilabas ang magkabilang kamay, saka siya gumapang ulit palabas. At sa tulong ng mga damong nahablot niya ay nagawa niyang hilain ang sarili paalis, sumipa-sipa rin siya't ginawang alalay ito sa kaniyang paglabas. Dulot ng pinaghalong desperasyon at takot ay mabilis siyang kumilos animo'y may humahabol sa kaniya, sapagkat sa isipan niya'y alam niyang hindi siya magtatagal kung mananatili siya sa kulungan at magagaya rin siya sa kaniyang mga kaibigan na nasawi,
Pawis na pawis siya't balot na balot ang iilang bahagi ng katawan ng mga alikabok iilang maliliit na bato. Hinihingal siya't nakaramdam ng matinding pangangalay sa braso at binti, gustuhin man niyang tumakbo't magpakalayo-layo ay 'di niya magawa, pansamantala siyang walang lakas at kailangan talaga niyang mamahinga.
Ngunit, sa kalagitnaan ng pagpapahinga niya ay naalarma siya nang marinig niya ang tunog ng mga yabag mula kung saan; palakas ito nang palakas at halatang papunta sa gawi niya ito. Kung kaya't sa takot niya dali-dali siyang bumangon at pinilit na bumalanse ng maayos, saka siya nagsimulang tumakbo papunta sa madilim na direksyon upang ikubli ang sarili.
Paika-ika man at sumasayad ang kaniyang kanang paa ay nagawa pa rin niyang marating ang bahaging madilim, agad niyang siniksik ang sarili sa likod ng mga pananim na mais at doon napaupo habang bahagyang nakasilip sa pinagmulang kulungan. Saktong namataan niya ang isang lalakeng batid niyang nasa edad na kuwarenta na lumabas mula sa makipot na daan gitna ng dalawang bahay; may hawak-hawak itong sulo sa kanang kamay at sa kaliwa naman ay isang mahanang patpat na siguro'y isang tungkod.
At gaya nga ng inaasahan niya ay nagulantang talaga ang lalake nang malamang wala na siya roon, base sa reaksyon nito ay halatang 'yung lalake nga dumakip sa kaniya at malaki rin ang puruhan na pumatay kay Jorros at nagpana kay Celine. Dahil sa naalala ay nanindig kaagad ang balahibo niya't binalot siya ng lamig, sa kapal ng sweater na suot niya ay tumagos pa rin ang lamig at nanuot ito sa kaniyang laman.
Nakahinga naman siya nang maayos nang makitang dali-daling umalis ang lalake, pero hindi pa rin siya nakakampante sapagkat alam niyang hinahanap na siya nito. Hindi siya pamilyar sa lugar samantalang ang lalake ay memoryado na ito, sa kanilang dalawa ay siya itong walang kalaban-laban. Naisip niyang kahit na anong oras ay biglang lilitaw ang lalake rito at susunggaban siya.
Ngunit, gutom na gutom na siya't labis na nauuhaw; nangangasim na ang kaniyang sikmura at tuyong-tuyo naman ang kaniyang lalamunan at labi. Gustong niyang kumain at lumagok ng maraming tubig, pero sadyang taliwas sa kagustuhan niya ang daloy ng kaniyang kapalaran. Para sa kaniya ay mahirap isakripisyo ang sariling kaligtasan para sa pagkain at tubig; mas pipiliin niyang magutom at mauhaw muna basta't makakalayo lang siya sa lugar na ito, sapagkat alam niyang ni isang sulok ng isla ay hindi ligtas para sa kaniya.
Hindi na siya nagtagal pa sa pinagtataguan at agad na napatayo. Paika-ika man ay sinuong ni Lily ang nagtataasang mga mais at hindi alintana ang kating dulot nito sa kaniya, pinilit niyang ikubli ang sarili at hangga't makakaya ay iniiwasan niyang magdulot ng malakas ma kaluskos. Tinahak niya ang daan kung saan 'di niya alam kung saan siya dadalhin pero nasisiguro niyang ilalayo siya sa baryo. Hangga't makakaya ay babalikan niya ang kampo at susubukang hanapin ang mga kaibigan at bigyan ng babala.
"Tulong!"
Bigla siyang napatigil nang sa katahimikan ay umalingawngaw amg iyak na pagmamakaawa ng isang babae. Pigil-hiningang nakinig si Lily, umaasang sanay maririnig niya muli ang boses nito nang sa gayon ay mabigyan niya ito ng pagkakakilanlan.
"Tulong! Pakiusap pakawalan n'yo 'ko!"
Imbes na magpatuloy ay bumalik siya nang malakas ang kutob niyang kaibigan niya 'yung sumisigaw at nagmamakaawa, hindi niya nga lang matukoy ito dahil sa namamaos ang boses nito. Takot man ay mas piniling maging matatag ng babae para sa kaibigan na nangangailangan ng saklolo. Pumalya na siyang tulungan si Celine kanina at binalewala nga niya ito, inaamin niyang lubos siyang ginagambala ng kaniyang konsensya, kung kaya't sa pagkakataong ito ay hindi niya palalampasin ang pagkakataon na makabawi; sisiguruhin niyang matutulungan niya ito bilang kapalit.
"Pakawalan n'yo 'ko! Ilabas n'yo 'ko rito!"
Ilang saglit pa, nagawa niya ring balikan ang huling pwesto at doon nagsimulang mag-obserba kung saan maaaring nagmula ang sigaw ng babae. Mahirap hanapin ang eksaktong lokasyon nito dahil sa umaalingawngaw sa buong paligid ang boses. Wala siyang ibang maisip na paraan kung hindi ang sumugal, nang masigurong walang ibang tao sa paligid ay humakbang siya papalabas ng dilim at saka dali-daling tinungo ang makipot at madilim na daan sa gitna ng mga bahay.
Pumasok siya't nangangapa sa dilim habang tinatatahak ang daan, bumaba naman siya't piniling gumapang upang mahawakan niya't mararamdaman ang daraanan. Mula sa dulo nito'y kitang-kita niya ang maliwanag na bahagi, kulay kahel ang naroon tanda na apoy ang nagbibigay-liwanag. Malakas ang kabog ng puso niya't nanginginig ang kaniyang katawan, pero todo-kontrol lamang siya sa kaniyang sarili na hindi bibigay sa pagkakataong ito. Todo-iwas naman siya sa dingding ng bawat bahay, umaasang hindi niya masasagi o makakapa ito at baka magdudulot ng kaluskus na maaaring paglaanan ng atensyon.
Kalaunan ay matagumpay rin niyang narating ang dulo. Sumilip siya sa labas at unang bumungad sa kaniya ang mga nagtataasang kahoy na nakapabilog sa gitna ng malawak na paligid, sa gitna naman nito ay naroon ang isang mala-kwadradong estruktura na nagmukhang libingan, at ito'y napapaligiran ng mga sulo na itinarak sa lupa.
Hindi pamilyar ang lugar; hindi nila ito nadaanan nang sila'y sabay-sabay na nagtungo sa kanilang kampo. Pero wala talaga siyang nakikitang ni isang tao, abandonado ang lugar at hindi niya alam kung saan nagtungo ang lalakeng naghahanap sa kaniya kanina. Tanging huni lang ng mga insekto ng gabi ang naglalaro sa kaniyang tenga kasabay ang mga kaluskos ng dahon at simoy ng hangin, dinig na dinig pa rin niya ang sariling tibok ng puso at paghinga, at nakakagambala naman ang iyak ng babae na naglalaro sa kaniyang tenga.
Hindi siya nagtagal sa pwesto at dali-daling bumalik. Hindi mab siya sigurado pero maaaring nasa kaniya-kaniyang bahay lamang ang mga tao, kung kaya't delikado para sa kaniya na lumabas at ilantad ang sarili sa liwanag. At napagtanto niyang sadyang mapaglaro nga ang tadhana; kanina ay desperadong-desperado siyang makakita ng ibang tao, pero ngayon ay mailap na siya, ayaw niyang makaharap ng ni isa man lang dahil sa nawalan na talaga siya ng tiwala sa mga taong naninirahan rito sa Sitio Delano.
"Tulong!"
Mas pinili niyang sa likod dumaan kung saan mas madali siyang makakasuong sa mga pananim kung sakaling tatakas siya't papalya ang lahat. Isa pa ay batid niyang nasa likod lang din ang kinalalagyan ng babaeng kanina pa niya hinahanap, gaya ng sa kaniya ay malakas ang kutob niyang nasa loob din ito ng kulungan.
Nagpatuloy lamang siya't pinilit na gawing tahimik ang proseso habang sinusundan ang pinagmulan ng umiiyak na boses; halos pigilan na niya ang sariling paghinga sa takot na baka pati ito ay maririnig din. Hinubad na rin niya ang sariling sapatos sapagkat narinig niyang ang pagkiskis nito sa mabuhangin at mabatong lupa ay nakakagawa ng malakas na ingay. Kahit hindi siya sanay ay tiniis niya ang pagtusok ng mga magagaspang na mumunting bato sa kaniyang talampakan, binilisan lamang niya ang hakbang at piniling iapak ng lubos ang mga daliri ng magkabilang paa at itinaas ang natitirang senstibong parte ng talampakan.
Hanggang sa dalhin siya ng sariling paa sa isang madilim na bahagi. Sa gabay ng nag-iisang sulo sa may-kalayuan ay roon niya natagpuan ang isang kwadradong kulungan kagaya ng sa kaniya, sa loob nito ay naroon ang kaniyang kakilala; duguan at umiiyak.