Chereads / Sitio Delano / Chapter 11 - Kabanata Lima [2]

Chapter 11 - Kabanata Lima [2]

"Crystelle!"

Mabilis niyang dinaluhan ang kulungan at tinignan sa mata ang kaibigan. Nagkasalubong ang mga titigan nila at walang ibang nakikita si Lily kung hindi ang takot nito, ngunit unti-unti naman itong napawi nang malamang nariyan siya. Gaya niya'y kalunos-lunos din ang sitwasyon nito, pagod na pagod rin ang babae at balot na balot ng dugo ang ulo nito at braso.

"L-Lily, salamat. T-tulungan mo 'kong makalabas dito." Pagmamakaawa ni Crystelle habang mariin na hinahawakan ang kamay niya, animo'y roon humuhugot ng lakas.

"Oo, ako na ang bahala. Diyan ka lang muna," pangako ni Lily at saka bumitaw muna sa kaibigan upang humanap ng solusyon.

Sa tulong ng mga sulo sa paligid ay pilit na inaaninag ni Lily ang madilim paligid upang maghanap ng bato. Panay siya  sa pagkapa ng paligid, umaasang may mahahawakam siyang matigas at malamig na bagay na gagamitin niyang pangwasak sa harang ng kulungan ni Crystelle.

At hindi nagtagal, laking pasasalamat niya nang may makapa siyang malaking bato na sapat upang ipangwasak sa kulungan. Ngunit, nang hilain naman niya ito ay lubos siyang nadismaya nang mapagtantong nakabaon ito ng lubos, sinubukan niya itong hilain at tuklapin paalis ng lupa pero sadyang napakatigas ng lupa't sobrang lakas ng kapit nito sa bato.

Sandaling nagpahinga si Lily at nag-isip ng plano habang nakikiramdam sa paligid. Nang wala siyang napapansing ibang tao sa paligid ay agad niyang sinubukang itulak ang bato at hinila ito pabalik, paulit-ulit niya itong ginagawa hanggang sa naramdaman niyang lumuwag ito at magagawa na niya rin itong tuklapin paalis sa lupa.

Napasinghap ng hangin si Lily at sa bilang ng tatlo ay ibinuhos niya ang natitirang lakas sa pag-alis ng bato. At nang magawa niyang makuha ito ay dali-dali niyang binuhat ang may-kabigatang bato at dinala ito sa kinalulugaran ni Crystelle.

"Tumabi ka at takpan mo ang mga mata mo!" Utos niya sa kaibigan habang hindi pa siya tuluyang nakakalapit.

Agad naman itong sumunod at sa hudyat, nang tuluyan siyang nakalapit ay diretso niyang binitawan ang bato at ibinagsak sa isang sulok ng kwadradong kulungan. Isang kurap lang ay biglang bumigay ang suporta ng kulungan. Hindi rin nakaligtas si Crystelle sa loob at tinamaan pa rin ito, nadaplisan siya ng nabiyak na kahoy sa braso at ramdam niyang nasugatan siya.

Napaungol na lang ang babae sa sugat niya, pero sa kabila nito ay tiniis na lang niya ang natamo at mas inisip na makakalabas naman siya sa kulungan. Wala siyang magawa kung hindi ang panoorin ang babae na alisin ang mga nakaharang na kahoy, kitang-kita niya ang determinasyon nito at pagpursige na saklolohan siya at 'yun ang nagbibigay rin ng pag-asa sa kaniya.

"Anong nangyayari? Nasaan sila?" Tanong ni Lily nang maalis lahat ng harang sa kulungan, "Paano ka nauwi rin dito?"

"P-Patay na si Joy," nauutal na sagot ng babae dulot ng iniindang sugat sa katawan, "P-Pero si Jorros. Lily, buhay si Jorros. Hinampas n-niya ako ng kahoy sa ulo kaya nawalan ako ng malay. Maaring siya ang may-gawa ng lahat ng 'to." Puno ng kilabot na pahayag nito.

"Malabo 'yang sinasabi mo Crystelle. Patay na si Jorros at nakita natin 'yun. Baka namamalik-mata ka lang." Salungat naman ni Lily.

Hindi siya sumang-ayon sapagkat kitang-kita niyang namatay talaga si Jorros sa paningin niya. Madilim nga sa mga oras na 'yun, pero sapat na ang naglalagablab na apoy upang masaksihan nila ang krimen. Kitang-kita niya rin ang pagtagos ng palaso sa likod, napakalabo pa na may mabubuhay pa no'n.

"Ibang tao ang salarin, isang lalakeng may malaking pangangatawan. Nakita ko siya kanina no'ng nakatakas ako." Bunyag din ni Lily upang suportahan ang pahayag niya.

Inalalayan niya ang kaibigan na tumayo at maingat itong hinawakan sa bewang; nanginginig ang mga binti nito at halatang walang lakas, kaya todo-suporta siya sa kaibigan at 'di 'to binibitawan.

"Mamaya na natin 'yan pag-usapan, Crystelle. Mag-uumaga na, kailangan nating makalayo at makatakas bago pa niya tayo mahuli ulit." Aya niya habang palingon-lingon sa paligid.

Inakbay niya sa sariling balikat ang braso ng babae at hinawakan ito gamit ang kanang kamay, samantalang ang kaliwa naman ay nakapulupot sa bewang ni Crystelle at doon mahigpit na kumakapit. Nagsimula na silang humakbang patungo sa malawak na pananim ng mais. Paika-ika man ay 'di sila tumigil at dire-diretso lang.