Chereads / Sitio Delano / Chapter 12 - Kabanata Anim [1]

Chapter 12 - Kabanata Anim [1]

Pagpasok nila sa lupain ng mga pananim ay todo-hawi naman si Lily sa mga humaharang na dahon ng mais, hinahawi lamang niya ang tumatama sa mukha upang protektahan ang mata at hinayaang masagi ang iilang dahon na nagdudulot ng pangangati sa katawan. Tuloy-tuloy lamang sila't hindi na lumingon pa. Hindi man sila sigurado pero ramdam nilang may humahabol sa kanila, kung kaya't ito ang nagpapalakas sa kanila't nagpapabilis ng takbo.

Ngunit, napatigil sila nang namataan nila ang liwanag sa kaliwang bahagi. Hindi sila bumitaw sa isa't isa at naroon pa rin ang suporta. Itinuon nila ang buong pansin sa liwanag at na nangingibabaw sa dilim at inobserbahan ito, bago pa man nila mapagtanto kung ano ito ay napansin kaagad nila na unti-unti itong lumalaki.

"A-Ano 'yan? Apoy?" Tanong ni Crystelle na hindi halos makahinga ng maayos.

"Tara na, nariyan na siya!" Sigaw ni Lily sa kilabot at agad na hinila ang babae.

Dumoble ang bilis ng takbo ng dalawa at hindi na alintana pa ang dinaramdam na mga pananakit sa katawan, ang tanging pakay nila ay ang makalayo't maligtas ang mga sarili sa bangungot na ito. Panay sila sa paglingon sa pinagmumulan kanina ng apoy o sulo at tinitignan kung nakasunod ba ito, hindi sila tumigil at tuloy-tuloy lang. Pero mas lalo silang nagimbal nang makitang lumalaki pala ang apoy, doon lang nila napagtantong sinusunog pala ang mga pananim na mais.

"Mamatay tayo kung hindi tayo makakalabas rito sa maisan Crystelle! Bilisan mo pa!"

Takbo nang takbo ang dala at halos banggain na nila ang mga pananim, sobrang laki na ng mga hakbang nila na dulot ng nangingibabaw na takot. Malawak ang maisan at hindi nila alam kung hanggang saan ang dulo nito, labis silang nababalisa at natatakot para sa sarili, dahil kung maaabot sila ng lumalaking apoy ay tiyak na matutusta sila.

"Lily pinapaligiran tayo ng apoy!"

Nang balingan ng babae ang ibang direksyon ay nakumpirma niya ang pinahayag ng kaibigan; hinahabol na sila ng apoy at mula sa kanan at kaliwa ay naroon din ang apoy na mabilis lumalamon sa mga pananim, at tanging sa harapang bahagi ang 'di pa natutupok.

"Diretso lang, walang titigil!"

Panay sa paglingon si Lily at nakikita niyang papalapit na talaga ang malaking apoy, mabilis nitong tinutupok ang nadaraanang pananim, nagmistulang halimaw ang apoy na walang-tigil sa pagragasa papunta sa gaw nila. Ramdam nilang dalawa ang init na hatid nito, ramdam nila ang maalinsangan na panahon sa puntong 'yun, at kahit papano'y nagawa namang tugunan ng apoy ang pangangailangan nila ng gabay.

"Konting tiis na lang Crystelle. Malapit na tayo."

Hanggang sa iilang metro na lang ay nakikita na ni Lily na wala ng mga pananim sa dulo, bukas na ito at isang hangganan upang makapasok sa gubat. Naisip niya na kung makakarating sila ro'n sa lalong madaling panahon ay may tsansa pa sila upang magtago sa loob ng gubat, makakapagpahinga sila roon at magiging madali na ang pagtakas sa kanila dahil hindi magtatagal ay sisikat na araw.

Humihingal at pawisan sina Lily at Crystelle nang makalabas sila sa malawak na pananim ng mais. Tumigil sila saglit at bahagyang gumuhit ang ngiti sa kanilang mga labi nang hindi sila naabutan ng apoy. Nang lingunin nila ito ay kinilabutan sila sa malaking apoy na papalapit pa rin sa kanilang gawi, tinutupok ang natitirang pananim at nagpapakawala ng makapal na usok.

Ngunit isang hakbang lang ay biglang bumigay ang inaapakan nilang lupa, napakalambot nito

Huli na nang namalayan ni Lily na may hukay pala sa ilalim at nahulog siya, hindi rin nakaligtas si Crystelle at nahila niya ito pabagsak sa madilim na hukay. Sunod nilang namalayan ay ang pagbagsak nila sa putikan at ang agarang pananakit ng parte ng katawang direktang tumama sa lupa. Hindi nagtagal ay unti-unting dumilim ang paningin ni Lily dulot ng 'di mawaring sakit, hindi niya nakayanan at agad na nawalan ng malay-tao.