Chereads / Sitio Delano / Chapter 18 - Kabanata Siyam [1]

Chapter 18 - Kabanata Siyam [1]

NANG MASIGURONG NAIBABA na ang natitirang babae sa hukay at nahalo sa naimbak na dugo ay agad na lumipat si Calisto sa kasunod na pahina. Doon ay binasa niya ang nakasulat ng sobrang lakas; bawat bigkas niya sa salita ay naghahatid ito ng kakaibang kilabot sa kaniyang sistema, hindi man gaanong malakas ay ramdam niyang yumayanig ang kanilang kinatatayuan na para bang mabibiyak na ang lupa't hindi magtatagal ay bubukas ito, idagdag pa ang malamig na simoy ng hanging nanunuot sa kanilang hubad na katawan.

Hindi ito alintana para kay Calisto, bagkus ay mas lalong ginusto niya itong reaksyon na nakukuha niya sa paligid. Sa kauna-unahang pagkakataon ay labis niyang ipinagmamalaki ang sarili dahil sa magandang simula. Nagpatuloy lang siya sa pagbabasa ng mga linya mula sa libro habang umuusal din ng panalangin ang kaniyang mga tagasunod na mamamayan ng sitio.

"Maraming salamat sa magandang buhay at magandang taon, panginoon."

"Resurgemus nostrorum Dominos."

"Sanguis quia anima mea, sanguis quia vita."

MULA SA LOOB NG HUKAY, wala nang mas nakakasindak pa nang makita ang umuulang dugo na bumuhos papasok. Ginambala ng lubusan si Lily, lalo na't nararamdaman niyang dahan-dahan siyang tinatakpan ng dugo't pati mukha niya ay hindi nakaligtas at nabuhusan din.

Pilit man niyang iniiwasan ang tumatagaktak na dugo habang mariing napapikit ay sa kasamaang-palad, nalalasahan niya talaga ito, kahit iharap niya ang sarili sa kaliwa ay naroon pa rin ang dugong malapot na naimbak at kinahihimlayan niya. Hirap pa rin siya sa paggalaw at parang estatwa na siya sa loob ng hukay, mas lalong nanhapdi rin ang kaniyang mga sugat buhat ng napakahigpit na tali.

Hanggang sa umabot sa puntong kinatatakutan niya. Nakapikit man ay naramdaman niyang sobrang bilis ng pag-angat ng dugo animo'y tone-tonelada na ang ibinuhos sa kaniya. Ang mas masama pa ay ramdam din niyang nasa ilong na niya ito at nalalanghap na niya ang malansang amoy at natatakpan ang kaniyang mahigpit na nakatikom na bibig.

At hindi nagtagal, isang singhap pa niya ay nagsipasok na sa kaniyang ilong ang masangsang na dugo. Sa puntong 'yun ay napagdesisyonan niyang pigilan ang kaniyang paghinga kasabay ng pagsakop ng dugo sa kaniyang buong katawan.

Pero sa paglipas ng iilang segundo ay ramdam na naman niyang nauubos na ang kaniyang pinipigilang hangin sa katawan. Nagsimula na siyang kabahan kung kaya't sinubukan na niyang inaangat ang sariling ulo upang suminghap ng hangin, ngunit laking-gimbal niya nang malamang lubog na pala siya sa tubig—balot na balot ang kaniyang katawan. Kahit anong angat niya ay wala na siyang nararamdaman pa na espasyong may hangin, bagay na ikinatakot niya.

Nagsimula na siyang magpumiglas nang kapusin ng hangin, nanlalaban sa taling mahigpit na nakapulupot sa kaniya at sa dugo na nakapaligid. Gusto niyang sumigaw at humingi ng saklolo pero alam niyang wala ng tutulong pa sa kaniya sa mag oras na 'yun, napaisip siya na sana ay ginilitan na lang ang kaniyang leeg at h'wag itong ganitong uri ng paghihirap.

Kasabay ng panginginig niya't pagwawala ay ang pagbaha ng kaniyang mga alaala; mga memorya kasama ang kaniyang ina, kapatid, at ibang mga minamahal na kaibigan.

"Mag-ingat kayo anak sa lakad n'yo,"

"Opo 'ma,"

"Dalhan mo 'ko ng kung ano anak,"

"Sige po!"

Sa desperasyong makahinga ay 'di niya maiwasang 'di ibuka ang bibig at suminghap na rin habang siya't marahas nang nanginginig. Kung kaya't 'di talaga niya maiwasang hindi malasahan at mahigop ang dugo na lasang kalawang at maalat, hindi rin nakaligtas ang kaniyang ilong at nasinghap niya ang maraming dugo na nahati patungo sa kaniyang lalamunan at ang iilan ay dumiretso sa kaniyang baga.

Hanggang sa isang kurap lang ay may kung anong hibla na napatid sa sistema niya't naputol ito; bigla siyang nanghina at natigil na rin sa pagpupumiglas sa puntong nalagutan na siya ng hininga.