Chereads / Sitio Delano / Chapter 19 - Kabanata Siyam [2]: Katapusan

Chapter 19 - Kabanata Siyam [2]: Katapusan

HAWAK ANG SULONG may naglalagablab na apoy ay nakadungaw lamang si Calisto sa hukay at pinanood kung paano humina ang marahas na nagpupumiglas ng babaeng nakalubog. Ilang saglit pa ay nakita niyang hindi na ito gumagalaw, tanda na binawian na ng buhay ang pangunahing babae sa selebrasyong ito. Mula sa kabilang kamay niya ay binuklat niya ang hawak-hawak na libro at doon binasa ang mga salitang nakasulat; mga salitang hindi na gaanong naaaninag dahil isinulat pa ito noong unang panahon.

"Sanguis quia anima mea, sanguis quia vita."

Malakas niyang ibinigkas ang mga katagang at paulit-ulit itong inuusal habang paisa-isang itinulak ni Manong Jun ang mga nakabulagtang katawan ng mga nagsakripisyo patungo sa hukay. Isa-isa itong bumagsak sa malapot na dugo at dahan-dahang lumulubog. Kataka-taka pa rin ito kay Calisto kung papaano nalusaw ang mga katawang hinuhulog nila sa hukay, napansin niyang kahit lagpas dalawampu na ang tinulak ni Manong Jun ay wala pa ring katawang lumulutang-lahat ay lumulubog animo'y tinutunaw ng dugo. Isa mang palaisipan kung ituring, ngunit magiging basehan na rin ito sa kung paano kalaki ang saklaw ng kapangyarihan ng kanilang panginoon.

Nang maihulog din ang kahuli-hulihang bangkay ng nagsakripisyo ay sunod na itinapon ni Calisto sa hukay ay ang kaniyang sagradong sulo na gawa sa pinagbigkis na mga buto ng tao. Nang lumapat ito sa dugo ay agad itong namatay at nangibabaw rin ang kadiliman sa loob ng hukay.

"Resurgemus nostrorum Dominos, Vashiya." Bigkas ni Calisto nang paulit-ulit na sinabayan din ng kaniyang mga tauhang sumasamba, "Sanguis quia anima mea, sanguis quia vita."

Ilang saglit pa ay narinig niyang kumulo ang dugo sa loob ng hukay; nag-aalburuto ito at tumitilamsik ang malapot na dugo sa paligid at umaabot sa kaniya. Mula sa marahang pagyanig ay nagsimula nang lumakas ang paggalaw ng lupa; nabuo ang mga linya ng biyak sa paligid hukay at saka nagsiguho ito papasok, humahalo sa dugo. Napaatras naman sina Calisto at Manong Jun na umiiwas upang 'di mahila patungo sa hukay, patuloy lamang silang umuusal ng pagtawag sa kanilang paningoon habang pinapaanood ang kakaibang pangyayari sa lupa.

Hanggang sa isang malutong na hibla ng puting liwanag ang biglang gumuhit mula sa himpapawid na diretsong tumama sa hukay na ngayo'y tinatakpan na ng gumuguhong lupa. Kasunod nito ay ang nakakabinging dagundong ng kulog sa kalangitan matapos magpakawala ng matinding kidlat, sa lakas nito ay halos mabingi silang lahat at sandaling nanatili ang ugong nito sa kanilang pandinig.

"Sanguis quia anima mea, sanguis quia vita. Resurgemus nostrorum Dominos, Vashiya!" Sigaw ni Calisto sa kabila ng nangyari, "Mabuhay ka, Panginoon."

Related Books

Popular novel hashtag