Chereads / Sitio Delano / Chapter 17 - Kabanata Walo [2]

Chapter 17 - Kabanata Walo [2]

PARANG PINUPUNIT ANG PUSO ni Lily nang masaksihan kung paano inisa-isa ng lalakeng nagngangalang Calisto ang kaniyang kaibigan. Hindi man direkta, ngunit ramdam na rin niya kung gaano kasakit ang dinanas nito sa kamay ng lalake, kung paano bumaon ang isang patalim sa dibdib nila ay parang naranasan na rin niya.

Sa buong buhay niya ay ito na ang pinakamasakit sa lahat ng karanasan niya, ang makitang isa-isang binabawian ng buhay ang mga kaibigan niya'y wala nang mas sasakit pa't walang maihahalintulad, lalo na't isang baliw na lalake ang gumagawa nito para sa pansariling kapakanan—ang kabaliwan nitong tungkol sa pagsasakripisyo. Para sa kaniya'y nakakalungkot malaman na nagagawa ng ibang tao na magdesisyon kung hanggang kailan lang ang buhay mo kahit labag ito sa 'yong kalooban.

Nananakit na ang kaniyang ulo dahil sa iilang minutong pagkakabitin patiwarik. Pati braso niyat binti ay mas lalong nanhahapdi buhat ng nagasgas na balat. Wala na siyang magawa pa kung hindi ang maghintay na lang, nilagasan na siya ng pag-asa na magtatagal pa rito sa mundo at alam niyang hindi magtatagal ay magiging kagaya lang din siya sa kaniyang kaibigan—isang taong isasakripisyo.

Taimtim at puno ng pagdadalamhati siyang nagdasal na sana'y magiging maayos lang ang kaniyang ina at kapatid maiiwan; na sana'y magiging madali lang kamatayan niya; na sana'y mapapatawad pa siya sa mga nagawa niyang kasalanan. Mahirap mang tanggapin na lilisanin niya ang mundong ito na hindi natutupad ang sariling mga pangarap ay wala na siyang magagawa pa.

Malupit ang mundo, sadyang hindi palaging pabor ang tadhana sa kaniya—ang kailangan na lang niya'y tanggapin ito kahit gaano pa kasakit.

"Paningoon, tanggapin mo ang aming huling alay!"

"Resurgemus nostrorum Dominos."

Napapikit siya nang malamang si Annalyn, ang panghuling kaibigan niya na nabubuhay ang pinuntirya ng lalake. Halos mabaliw na siya sa takot sa pinaggagawa ni Calisto, pati pagpikit niya'y kitang-kita niya pa rin ang kalunos-lunos na hitsura ng mga kaibigang kinatay ng lalake. Parang bangungot ito na gusto niyang burahin sa isipan, sapagkat kalakip nito'y sobrang sakit na hindi niya maintindihan.

Sa paglipas ng sandali ay mas lalong lumakas ang kabog ng puso niya sa pangamba na nalalapit na ang kaniyang katapusan, alam niyang hindi magtatagal pa ay siya na itong kakatayin at sasaksakin ng lalake. Kung kaya't mas naiyak pa siya sa takot habang pilit na tinatawag ang pangalan ng ina, sa 'di inaasahang pagkakataon ay gusto niyang makita ang ina; gusto niyang masilayan ang mukha nito bago siya mamatay.

"Anim na buhay, kapalit ng iyong muling pagsilang aming panginoon!" Sigaw ni Calisto na umalingawngaw sa buong paligid.

"Resurgemus nostrorum Dominos."

Nanindig ang balahibo niya nang lumakas ang ihip ng hangin, sa pagdaan nito sa kaniyang katawan ay may naririnig siyang bulong-bulungan na hindi niya maintindihan. Labis siyang kinabahan nang sa isang iglap na lang ay parang nagbago ang paligid. Nang idilat niya ang kaniyang mga mata ay nakita niyang unt-unting tinatakpan ng makapal na ulap ang maliwanag na buwan at ang kumikislap na bituwin, at mula sa kalayuan ay narinig niya ang dumadagundong na kulog.

"Isang katawan, isang preskong pabalat para sa iyo, panginoon!" muling sigaw ni Calisto, "Tanggapin n'yo po ang aming handog at nawa'y sagutin n'yo ang aming dalangin!"

"Resurgemus nostrorum Dominos."

At sa isang iglap ay nagulantang si Lily nang dahan-dahan siyang ibinaba, nang tingan niya ang pagbabagsakan niya ay mas lalo siyang nagimbal nang makita at malamang doon nasilid lahat ng dugo ng kaniyang mga kaibigan. Nagpumiglas siya sa takot na hihiga siyang muli sa hukay, kasama ang dugo ng kaibigan niya na paniguradong didikit sa kaniya.

Ngunit, wala siyang kontrol sa kaniyang sitwasyon, dire-diretso siyang ibinaba hanggang sa unti-unti na siyang napapasok sa hukay. Hanggang sa isang kurap lang ay bigla siyang binitawan at diretso siyang napasok sa loob ng hukay.

Namimilipit sa sakit si Lily nang sa kasamaang-palad ay bumagsak siya sa matigas na sahig ng hukay. Ramdam niya ang pagkahilo nang mabatbat ang kaniyang ulo at sa lakas ng bagsak niya ay nagsitalksikan naman ang dugong malansa at mainit sa kaniyang katawan. Nanigas siya sa kinahihigaan habang namimilipit siya sa sakit at sa pandidiri ng dugong kumakapit sa kaniyang buong hubad katawan. Gustuhin man niyang magpumiglas ay hindi niya magawa, hindi siya halos makagalaw dahil sa umaabot sa kaniyang tainga ang lebel dugo.