Chereads / Sitio Delano / Chapter 7 - Kabanata Tatlo [2]

Chapter 7 - Kabanata Tatlo [2]

"Lily!" Sigaw na umalingawngaw sa buong gubat.

Agad naman siyang napatigil at sandaling binalingan ng tingin ang tumawag sa kaniya. Sa kadiliman ng gubat at sa tulong ng tumatagos na konting liwanag mula sa buwan ay naaaninagan naman niya kaagad ang bulto ng babaeng takot na takot na tumatakbo patungo sa gawi niya.

"Lily!" Sigaw ulit nito.

Base sa boses na narinig niya ay sigurado siyang si Celine ito, kung kaya't kahit na nagdadalawang-isip ay tumigil na lang siya at nanginginig na sumandal sa kahoy saka napayuko. Habang papunta pa si Celine sa gawi niya ay pinilit niyang siniksik ang sarili sa kumpol ng mga halaman nang sa gayon ay hindi kaagad siya mapapansin. Hindi naman mapalagay ang sarili niya, kung saan-saang direksyon siya napapatingin at balisang-balisa sa takot na baka may biglang lilitaw at aatakehin siya.

Nang wala siyang napansin na tao sa paligid ay binalingan niya kaagad ng tingin si Celine. Ngunit, imbes na makita itong papalapit sa kaniya ay lubos siyang nagimbal nang makitang bigla na lamang itong natangay pakaliwa, nabatbat ito sa kalapit na kahoy at nasundan ng nakakabinging sigaw.

Nilukob ng takot si Lily, sa lakas ng boses na kumawala sa bibig ni Celine ay wala na siyang iba pang naisip kung hindi ang panganib, nasa panganib ang buhay nito. Muli ay nagtalo ang isipan niya kung dadaluhan ba niya ito o hindi; kalahati ng utak niya ang nagdidiktang tutulungan at sasagipin si Celine, at kalahati naman ang nagsasabing hahayaan na lang niya ito. Natulala siya, wala siyang maisip na nararapat desisyon. Pero nang marinig niya ang kaluskos mula kung saan ay roon siya mas lalong natakot at agad na kumaripas ng takbo.

Wala na sa kaniyang systema ang kagustuhang tumulong, may bahid man ng konsensya ay mas inisip pa rin niya ang sariling kaligtasan. Muli niyang tinakbo ang loob ng gubat kahit hindi niya alam kung saan tutungo.

SOBRANG BIGAT NG PAGHINGA ni Celine habang nakatingala, mariing nakapikit ito habang walang-tigil sa pagbagsakan ang mga luha niya. Nanginginig ang katawan niya at ramdam niyang natuyo na rin ang kaniyang lalamunan matapos ang malakas niyang hiyaw dulot ng matinding sakit.

Ayaw niyang yumuko, hangga't makakaya ay iniiwasan niyang tignan ang nagdurugo niyang hita na ngayon ay labis na nanhahapdi. Hindi rin siya halos makagalaw dahil sa para siyang ipinako sa kahoy, konting galaw lang ay kukonekta kaagad sa hita niya at kikirot ito. Kung saan-saan din siya napapatingin, umaasang sana ay muli niyang maaanigan si Lily at tutulungan siya nito. Pero hindi niya ito mahanap, wala na ito, iniwanan na siya nito.

"T-Tulong!" Sigaw niyang may halong daing, "T-Tulungan n'yo ko, pakiusap!"

Takot na takot siya.

Muli ay napasigaw siya nang aksidente niyang naigalaw ang kanang hita dulot ng panhahapdi nito, halos mawalan siya ng ulirat sa tindi ng sakit na dinaramdam at bahagya na siyang nakakaramdam ng hilo.

"Tulong!" Sigaw niya muli, umaasang may makakarinig sa kaniya't tutulungan siya.

"Tulungan n'yo ako!"

Ngunit nang makalipas ang ilang segundo at ilang beses niyang pagsigaw ay purong katahimikan ang nangibabaw sa gubat, sumuko na lamang siya at inisip na wala ngang tutulong sa kaniya. Doon na siya naglakas-loob, kahit naduduwal ay sinubukan niyang tignan ang kaniyang hita upang sipatin ang kondisyon nito.

Sa tulong ng konting liwanag na tumatagos sa loob ng gubat ay nagawa niyang aninagin ang paligid, medyo nasanay na rin ang mga mata niya sa dilim kung kaya't kitang-kita niya ang kagimbal-gimbal na sinapit ng sarili. Pinilit niyang titigan ang namamaga at nagdurugo na hita na may nakabaon pa na palaso; ang malapot niyang dugo ay nagkalat na, bumbabalot sa kaniyang hita at gumagapang na rin ito pababa sa kaniyang binti. Kumakati na ito, ramdam niyang may kung anong insekto ang kumakapit sa kaniyang hita at binti na humuhukay sa kaniyang laman.

Nanginginig niyang hinawakan ang nakabaong palaso at mariin itong inikot. Agad naman siyang napabitaw at napahiyaw sa sakit na nadarama, kalaunan ay napakagat siya sa kaniyang labi habang iniinda ang hapding hatid nito. Batid niyang hindi magtatagal ay mawawalan talaga siya ng malay dahil sa sugat.

Ngunit nabaling ang kaniyang atensyon sa paligid na purong kadiliman matapos makarinig ng kaluskos, kung saan-saang direksyon siya napapatingin habang pinipilit na inaaninag ang kung sino man o ano man itong nagdulot ng kaluskos. Napabitaw siya sa hawak-hawak na palaso at huminga ng malalim.

"L-Lily? Ikaw b-ba 'yan? T-tulungan m-mo 'ko," aniya kahit wala siyang naaaninagan.

Pero walang sumagot. Purong natural na tunog ng kalikasan ang umalingawngaw sa gubat; kaluskos ng dahon dulot ng malakas na simoy ng hangin, at huni ng mga insekto.

"S-Sino 'y---?"

Biglang umurong ang dila ni Hannah nang biglang tumarak ang isang palaso sa kahoy na direktang katabi lang niya. Mas tumindi ang pamumutla niya at nanginig siya sa takot nang muntikan na siyang tamaan sa mukha. Sa puntong iyon ay napagtanto niyang hindi siya nag-iisa, wala na si Lily sa paligid niya at may kasama siyang estranghero na salarin sa natamo niya.

Kung kaya't kahit na napakahirap ay nagpakatatag lamang siya't muling hinawakan ang palasong nakabaon sa sariling hita. Malalim siyang napasinghap ng hangin at malakas na napabuga bago sinimulang baluktutin ang tangkay ng palaso. Mariin niyang kinagat ang labi kahit na bumabaon ang ngipin niya sa labi sa kakainda ng sakit na nadarama, nalalasan na niya ang dugo at luha pero nagpatuloy pa rin siya.

Ginamit niya ang natitirang lakas at parang baliw na sumigaw; tiniis niya ang nakakamatay na sakit hanggang sa bumigay at nabiyak na rin ang palaso. Sa puntong iyon ay mas kumawala ang pinakamalakas niyang hiyaw, lalo pa't ramdam niyang napunit ang kaniyang laman sa loob.

Napahinga siya ng malalim at pilit na kinakalma ang sarili na nanginginig at kinakapos ng hangin. Mariin siyang napapikit  dulot ng matinding hilo at taimtim umaasang huhupa na itong sakit na nadarama niya. At sa takot niya ay agad niyang tinapon ang palaso na may bahid ng malapot na dugo.

Wala na siyang inaksaya pang oras at agad na nagbilang mula isa hanggang tatlo. Sa puntong sumapit ang panghuling bilang ay walang pag-aatubili at pwersahan niyang hinila ang sariling hita paalis. Doon ay ramdam niyang biglang bumagal ang oras; ramdam niya kung paano nahiwalay ang nakabaong palaso sa laman niya, ramdam niya kung paano ito kumiskis sa laman niya, at lalong ramdam niya ang matinding sakit na dulot nito.

Nang tuluyang maalis ang sariling hita ay napasigaw siya at bumagsak sa madahong lupa. Hinang-hina siya at halos hindi na niya maigalaw ang kanang hita na may sugat. Gumapang siya, kahit madulas ang mga tuyong dahon na nakalatag sa lupa at sobrang bigat ng kaniyang katawan. Iyak siya ng iyak habang iniinda ang 'di maipaliwanag na hapdi sa hita dulot ng walang-tigil na pagtagas ng dugo mula sa sugat at ang paghalo ng dumi nito.

At napatigil siya nang bigla siyang nakarinig ng kaluskos mula kung saan, kaluskos na gawa ng mabilis na paggalaw---may tumatakbo. Nanlamig siya sa takot na baka 'yun ay nagmumula sa taong nagbanta sa buhay niya. Sinuri niya ang paligid at wala siyang napapansing kakaiba, hirap siyang tuntunin ang lokasyon ng taong nagtangka ng buhay niya dahil na rin sa nakakabulag na dilim sa paligid.

Konting liwanag lamang ang tumagos mula sa buwan papasok ng gubat at ang masama pa ay nakatutok sa kaniyang puwesto ito, bagay na naghatid sa kaniya ng pag-aalala sapagkat alam niyang siya ay naaaninagan ng kung sino mang nasa paligid, samantalang siya naman ay bulag at walang kaalam-alam sa taong kasama.

Gumapang siya. Pinilit niyang itawid ang sarili at ilayo sa parteng may konting liwanag, gusto niyang humalo sa dilim. Ngunit hindi niya talaga kaya, mas nangibabaw sa kaniyang sistema ang pananakit ng sugat niya.