Chereads / I LOVE YOU SEATMATE (Tagalog) / Chapter 39 - Chapter 30

Chapter 39 - Chapter 30

Chapter 30: Kiss

Ayradel's Side

Nakatingin ako sa daan habang pinapatakbo ng Lee-ntik ang sasakyan niya. Bumuntong-hininga ako at hinawakan yung pisngi ko.

"Palagi kang magseatbelt, okay?"

Umiling-iling ako sa iniisip ko. Hays nakakainis naman! Hinawakan ko ulit yung pisngi ko at ang init talaga.

"Baichi!"

"Ay! Huh?" napaayos ako ng upo nang tinawag niya ako. Nakita kong tumigil na pala yung sasakyan tapos nakababa na siya ng sasakyan. "Ay sorry. Bababa na pala."

Bumaba na ako ng kotse at lamig ng hangin agad yung sumalubong sakin. Tumingin ako sa paligid at nakita ang mga puno, damuhan, at naglalarong mga bata. 3PM na, kaya siguro madami nang batang naglalaro dito sa park.

"O anong meron dito bakit mo ako dito dinala?" tanong ko habang naglalakad kami.

"Wala lang. Wala akong kasama eh. Hahaha." sagot naman niya.

"Talagang kinaladkad mo pa ako para lang may kasama ka?" tumawa ako ng sarcastic.

"Sus kunwari ka pa eh gusto mo naman ako kasama." tumawa siya at nalukot naman ang mukha ko. Tumingin na lang ako sa ibang direksyon tapos may nahagip bigla yung mata ko.

"Hoy, ayun ba yung Lee University?" tanong ko. Tinuro ko yung Blue school na hindi kalayuan sa amin. May katabi itong orphanage na tingin ko, property din ng school kasi magkakulay. Or maybe not?

"Baichi, hindi ko alam kung baichi ka ba o baichi ka lang talaga." sagot naman niya. Kunot ang noo. "Malamang oo. Nababasa mo naman siguro yung malaking LEE UNIVERSITY diba?"

Ngumuso ako sa inis. Magsasalita sana ako nang napatigil ako kasi biglang may humawak sa may binti ko. Napatingin ako sa ibaba, at nakitang may batang nakakapit sa pajama ko.

"Huy bata!" lumuhod ako para maging ka-level yung bata. "Bakit ka umiiyak?" sabi ko at pinunasan yung luha nung bata.

"Hoy baichi sino yan? Anak mo?" sigaw ni Lee-ntik kasi medyo nauna siyang maglakad.

Hindi ako sumagot at tinitigan lang siya ng masama.

"Sus." nilagay nya lang yung kamay nya sa bulsa ng pantalon niya bago tumingin sa ibang direksyon. Binaling ko na lang ulit yung tingin ko sa batang umiiyak.

"Ate..." humikbi yung batang lalaki na sa tingin ko mga anim na taong gulang lang.

"Bakit? Asan si mommy mo? Hmm? Nawawala ka ba? Hahanapin ni ate yung mommy mo, wag ka na umiyak, okay?" hinaplos-haplos ko yung ulo niya.

Humihikbi-hikbi pa rin yung cute na bata, pero umiling-iling siya at may tinuro sa kung saan.

"Ha?" sinundan ko naman ng tingin yung tinuro niya at nakita ko yung nagtitinda ng Dirty Icecream, na nasa gitna ng park, na dinudumog ng mga bata kasama yung mga magulang nila.

Napatigil ako bigla...

"Icecream?" sabi ko, tumango-tango yung bata at ngumiti na. "Gusto mo ng icecream?"

"Baichi ang tagal naman! Ano ba yan?" nagrereklamong nilapitan kami ni Lee-ntik. Sinamaan ko siya ng tingin bago ako tumayo.

"Gusto ng bata ng icecream." sabi ko.

"Ano?"

"Icecream daw. Kita mo oh, kawawa, umiiyak na!"

Tumawa lang siya. "Edi bilhan mo."

"Ano... Wala akong dalang pera eh. Hinila-hila mo lang ako basta basta tapos-"

"Bahala ka dyan." napatingin ako sa kanya nang lumuhod siya dun sa harap ng bata para kargahin ito. "Tara na Aaron. Iwan na natin si ate. Hahaha."

"Yehey! Dee! Dee!" masayang sigaw nung bata tsaka sila naglakad palayo papunta dun sa Icecream-an.

Umawang ang bibig ko habang tinitignan ang likod nila na papalayo.

Aaron? Kilala niya yung bata?

"HOY! Saglit, hintay!" sumunod ako sa kanila. Lecheng Lee-ntik yon! Ang laki talagang humakbang! Ang hirap pang tumakbo ng mabilis kasi nalulubog yung paa ko sa damuhan. Eh naka-tsinelas lang kaya ako. Tapos mabuti na lang hindi mukhang pajama 'tong suot ko kasi color black.

Pagdating ko dun sa kanila, ang scene ay inaabot na ni Lee-ntik dun sa bata yung icecream habang karga-karga nya ito. Napangiti tuloy ako, hanggang sa matawa na lang bigla, getting his attention.

Kumunot ang noo niya pero patuloy pa rin ako sa pagtawa. Pati yung tindero ng icecream, at yung bata, nakatingin na rin sakin habang nilalantakan yung icecream niya.

"Baichi..." he warned.

"Hindi bagay sa'yo! Hahaha!" sabi ko habang tumatawa. "Isang Richard Lee mahilig sa bata! Achuchuchu!" pang-aasar ko pa.

Lumukot lalo yung noo niya.

"Sinong may sabing mahilig ako sa bata?" lumapit siya sakin at binigay bigla yung batang karga niya.

"Hala hala! H-huy... T-teka..."

"Di ako mahilig sa bata huh." poker face pa ang loko.

"Joke lang naman eh." ngumuso ako dahil ang bigat ng batang 'to. Ang pikon naman nun. Simpleng joke lang eh.

"Dee. Huhuhuhu." napatingin ako sa batang karga ko. Naka-spread yung kamay niya na parang humahabol kay Lee-ntik.

"Ha? Ano raw? Huy tawag ka yata oh!" sabi ko at kinalbit si Lee-ntik.

"Dee-dee...."

Tumingin si Lee-ntik, pero umiwas din agad ng tingin at tumalikod samin. "Hindi ako yung tinatawag niyan." sabi niya.

"Dee-dee. Huhuhuhu!" humihikbi pa rin yung bata na parang gusto talagang magpakarga kay Lee-ntik. Tinapik-tapik ko naman yung balikat ng bata para patahanin.

"Ikaw yata eh?" sabi ko. "Aaron... Anong dee-dee ba? Dede? Hindi dede yun, icecream yun."

"Hindi. Huhuhuhu. Dee! Huhuhu."

"Huy, Richard, ikaw nga yata!" pagpupumilit ko. Nakatalikod pa rin sya samin.

"Tsk hindi nga ak-"

"Jaydee anak?" napatingin ako dun sa nagsalita na nasa likod namin.

Isang may edad na babae, isa syang madre base sa suot niya. Nakangiti siya at nakatingin yata kay Lee-ntik. Lumapit siya sa amin, at finally, humarap na ang lokong kanina pa talikod ng talikod.

"JD! Kailan ka pa umuwing Pinas?!"

Ngumiti lang si Richard ng awkward, habang niyayakap at hinahaplos ni mother yung pisngi nya. Tumitingin sya sakin minsan.

"Three months ago, po." sagot niya. Inalo-alo ko naman yung batang karga ko kasi parang humahabol pa rin kay Lee-ntik hanggang ngayon.

"Tatlong buwan?-" gulat na tanong ni mother. "Bakit hindi kita nakikita sa school? Saan ka na pumapasok? Hindi ka manlang dumaan sa orphanage noong umuwi ka, hijo."

Tumingin nanaman siya sakin na parang na-awkwardan siya na nakikita ko yung eksena ngayon. Hinila niya bigla palayo si mother saka sila nag-usap. Kumunot naman ang noo ko.

"Hmm? Ano kayang pinag-uusapan nun? Noh, Aaron?" tanong ko habang walang pakialam yung bata kasi nilalantakan niya lang ng nilalantakan yung icecream.

Tumingin ulit ako sa kanila.

"Ikaw talagang bata ka oo." tumatawa si mother at naglalakad na sila ngayon pabalik dito.

"Aish. Di na po ako bata. Tsk."

"Hindi ka na nga bata," Tumawa lang ulit si mother bago napatingin sakin. Ngumiti ako. "Kasi may gerlprend ka nang kasama." ngiting-ngiti si mother.

Halos mabulunan ako sa narinig ko kahit wala naman akong kinakain. Inayos ko ang pagkakakarga ko kay Aaron.

"Hindi po. Ako po si Ayradel. Classmate niya po ako." sagot ko naman ng nakangiti.

Tumango-tango siya, "Ako nga pala si Sister Lily." pagpapakilala niya. "Naku, hija, baka nabibigatan ka na dyan kay Aaron! Hala at kay JD mo na lang ipabuhat. Sigurado akong miss na miss niya na ang kanyang Kuya Dee-Dee."

"Talaga po?" ngumiti ako ng nakakaloko kay Richard. Lumapit ako at binigay ng dahan-dahan si Aaron. "Yan Aaron, dyan ka muna sa kuya DEE mo ha?"

Kumusot naman ng sobra yung mukha niya habang kinukuha si Aaron sakin. Hindi pala sya yung DEE-DEE ha. Hahahaha.

"Hija, baka g-"

"Mother Lily!" nainterrupt sa pagsasalita si mother nang may tumawag sa kanya. Napalingon kami sa isang madre din na may mga kasunod na bata sa likuran niya, pero tingin ko mga nasa 25 lang ang edad nito. Napatingin din siya kay Lee-ntik. "Huy Richard? Kailan ka pa nakauwi?"

Wala lang reaksyon si Lee-ntik. "Three months ago." at tumalikod nanaman. Huh?

"Hija, siya nga pala si Sister Abby." sabi ni mother Lily. "Sister Abby, siya si Ayradel, classmate ni JD."

Ngumiti at tumango ako kay Sister Abby, at ganun din siya.

"Aish. Wag nyo na nga po akong tatawaging Jaydee. Tsk." reklamo naman ni Lee-ntik na nakatalikod parin.

Napatingin ako sa mga bata na tingin ng tingin at parang pinaguusapan ang nakatalikod na si Lee-ntik ngayon.

"Hoy Richard! Ano bang problema mo at nakatalikod ka dyan?" napuna rin sa wakas ni Sister Abby. "Mga bata! Halikayo dito! Nandito na ang kuya Jaydee nyo!"

"Si Kuya Jaydee nga?" excited na pagbubulungan ng mga bata na napatigil sa paglalaro sa di kalayuan. "KUYAAAAAA!!!!"

Nakita ko ang pagbagsak ng balikat ni Lee-ntik, at ang pagharap niya samin. Tsaka siya dinumog ng mga tumatakbong mga bata.

"Tsk. Nagtatago na nga yung tao eh. Aish." reklamo niya.

Tumatawa lang sina Sister Lily at Sister Abby, kaya nakitawa lang din ako.

"Halika sa loob ng orphanage, hija. Ipapasyal kita doon." tumango ako sa sinabi ni Sister Lily.

Naglakad na kami. Pinapagitnaan ako nina Sister Abby at Sister Lily.

"Eh... si Richard po?"

"Naku hayaan mo na yan dyan." sabi naman ni Sister Abby. "Sigurado akong na-miss rin nya ang mga bata. Alam mo, mahilig kasi sa mga bata yang si Richard, hindi lang halata."

Natawa tuloy ako sa huling sinabi ni Sister Abby.

"Bakit ka natatawa hija?"

"Ay. Ay wala po." ngumiti ako kay Sister Lily. "Kanina lang po kasi todo tanggi siya na mahilig siya sa bata, eh totoo naman po pala."

Tumawa din sina Sister. Natatanaw ko na ngayon yung pintuan ng orphanage.

"Ganyan yata talaga ang mga kabataan ngayon lalo na't mga kabataang lalaki, hindi ba, sister Abby?" sagot ni Sister Lily. Tumango si Sister Abby. "Siguro't nahihiya siya na malaman ng isang magandang dilag na mahilig siya sa mga bata?" humalakhak siya, samantalang uminit naman ang pisngi ko.

"O baka naman iniisip niya na mababawasan ang coolness niya kapag nalaman mong mahilig siya sa bata?" singit naman ni Sister Abby.

"Nakakatuwa nga po eh!" natigilan ako nang tinignan nila ako pareho. "I mean, konti na lang ang mga lalaking ganyan ngayon. Yung iba kasi puro babae ang inaatupag? Hehe."

"Kaya ang swerte mo kay Jaydee, anak."

"P-po? Hahaha, kaibigan ko lang ho siya." tumatawa ako pero halatang awkward.

"O nandito na pala tayo..." sabi ni Sister Abby. Nandito na pala kami sa tapat ng Lee Orphanage. Binuksan ni Sis Abby yung double door, at nakita ko kung gaano kaganda yung loob nito pagpasok.

"Sister!" may isang lalaking may dalang mop at timba ang sumalubong samin. Mga nasa edad 30 na siguro.

"Pepito, makikisuyo lang, maaari ka ba munang lumabas para tignan yung mga bata?" sabi ni Sister Lily dun sa lalaki. "Si JD lang kasi kasama nila dun. Alam mo naman kung gaano kakukulit ang mga batang yun at di nya kayanin."

"Sige ho..." umalis na yung si Kuya Pepito, nilapag sa isang tabi yung mop, tsaka lumabas ng orphanage.

"Pagmamay-ari ng pamilya ni Richard ang bahay-ampunan na ito,.." naglakad-lakad kami. "Pati na rin ang skwelahan na hindi kalayuan mula dito. Nakita mo ba yun hija?"

"Ah, opo." sagot ko at ngumiti.

Pinagmasdan ko ang buong paligid... Bato ang ding-ding, pero gawa lang sa kahoy yung ibang kagamitan na binarnis-an kaya nagkulay brown. Napadpad ang tingin ko sa mga wooden cabinet na nasa gilid lang. May mga nakapatong doon na mga picture frames na blanko. As in walang mga pictures.

"Yung batang yun noong kabataan nya pa, naku, napakakulit," nalipat ang atensyon ko sa ngiting-ngiting si Sister Lily habang nagt'throwback. "Pagkagaling nun sa school, dito yun dederetso para makipaglaro kahit pinapagalitan siya ng daddy niya dahil sa pakikisalamuha sa mga ulilang mga bata.. Kahit noong bago pa sya pumuntang Korea."

Ngumiti si Sister Abby para sang-ayunan si Sister Li,

"Tapos si Aaron, yung batang karga mo lang kanina? Siya yung pinakabagong pasok na bata dito, kaya hindi nya pa gaanong kilala si JD."

Nadaanan namin ang isang malaking kwarto na puro gawa sa kahoy na double decks ang nasa loob.

"Ito... Ito yung kwarto ng mga bata. Noong bata pa iyong si Richard ay dalagita na ako't isa sa mga orphans dito. Isa sya sa mga makukulit na batang naku, kung talun-talunan ang mga double decks na yan e, akala mo kutson." tuwang-tuwa si Sister By habang nagkukwento, nakangiti lang ako. "Pero syempre ngayon di na yun pwede. Malaking bulas na eh."

"Malaking bulas na at nahihiya nang makipaglaro sa mga bata sa harap ng isang dalaga." humalakhak ulit si mother Li.

"Ahh. Hahaha." awkward. "Si Sir Alfred Lee rin po ba ang nagpatayo ng orphanage na 'to?" para lang malipat sa iba ang topic.

Ngumiti si Sister Abby. "Si Sir Alfred Lee lang ang sa skwelahan." sagot niya. "Pero itong orphanage na 'to... ipinatayo ng lolo at lola ni Richard, para sa mommy niya."

"Mommy?" kumunot ang noo ko.

Naalala ko tuloy yung sinabi ni Lee-ntik nang tinanong siya ng mama ko tungkol sa mama niya.

'...hindi ko alam kung sino ang mama ko.'

"Ahm, kilala nyo po ba yung mommy ni Lee-este ni Richard?" Ano ba yan! Matatawag ko pa siyang Lee-ntik.

"Yung mommy ni Richard?" nagtinginan sina Sister, bago nila ako malungkot na tinignan. "Si Dianne. Ang napakabait na si Dianne."

"Hmm, nasaan po siya ngayon? Alam niyo po ba?" tipid akong ngumiti at hinintay ang sagot nila.

"W-wala na si Dianne."

Nalaglag ng bahagya ang panga ko. "W-wala po?"

"Namatay ang mommy niya noong ipinapanganak nito si JD." sabi ni Sister Li. "Sobrang nadepress noon si Alfred Lee dahil talagang mahal na mahal nito ang mommy ni JD. Tignan mo ang mga picture frames na iyon hija..." tinuro nya yung mga picture frames na napansin ko kaninang pagpasok pa lang.

"Mga litrato ng mommy ni Richard ang nakalagay dyan noon. Pero lahat ng litrato ay ipinaalis na ni Alfred Lee. Balita ko pa'y maging sa bahay nila ay wala ni isang natirang litrato ni Dianne. Mananatili lang daw blangko ang mga frames na iyan habang mahal nya pa ang asawa niya... Ilang taon na ang lumilipas, ngunit, kahit kailan ay hindi nalagyan ng bagong litrato ang mga iyan."

Napatitig ako sa mga picture frames. Yun pala ang dahilan kung bakit blanko ang mga yan. I wonder kung ano kayang itsura ng mama ni Lee-ntik..

Tungkol naman kay Sir Alfred, sa tingin ko ito ang dahilan kung bakit ganoon ang personality niya. Cold, parang business na lang ang dahilan ng pananatili niya, walang kulay. Siguro sobra talaga syang nasaktan nung namatay yung asawa nya. Tapos hindi pa sila okay ng nag-iisa niyang anak...

And I also wonder... alam kaya ni Lee-ntik na namatay ang mama niya sa panganganak sa kanya?

"Mother Li, handa na raw po yung pagkain ng mga bata..." bumalik ako sa realidad nang magsalita si Sister By.

"Ah, sige po. Ako na lang po yung tatawag sa kanila." ngumiti ako.

"Hala o sige. Ako nama'y maghahanda na rin ng mga plato't kutsara."

Naglakad na ako at lumabas na ng orphanage. Medyo malamig kahit maga-alas kwatro pa lang.

Tumingin ako sa paligid...

Now, nasan na kaya yung mga yon?

"Kuya Richard! Ako din! Ako din!" nalipat ang tingin ko sa gilid ng damuhan kung saan nagsisidumugan yung mga bata sa tabi ng kariton ng Dirty Icecream. Naglakad pa ako palapit. "Ako din! Ako din! Karga! Karga!"

"Oo. Aish. Manong, icecream pa nga sa mga batang 'to- Ahh! Takte! Wag mo 'kong sabunutan Irish!" tinutukoy niya yung batang nakapasan ngayon sa kanya.

Natawa naman ako habang nira-rumble siya ng mga bata. Karga-karga niya pa rin si Aaron na lumalantak pa rin icecream samantalang may isang nakapasan sa likuran nya. Yung iba naman sumasabit sa braso niya at yumayakap sa binti niya. Napaluhod na siya sa sobrang gulo ng mga bata.

"Ano yung takte kuya Richard?" tanong ng bata.

"Wa- aw! Wag kayong mangagat!"

Seriously?

"Hahahahaha!" tumayo ako sa harap niya. "Hoy! Mukhang enjoy na enjoy ka kalaro yung mga bata ah? Okay ba?" nang-aasar na nagcross-arms pa ako.

"Tss. Tumawa ka pa baichi, babatukan talaga kita!" biglang may pumulupot na braso sa leeg nya habang nakaupo siya sa damuhan. "Takte! Aw!"

Tumawa ulit ako.

"Aw? Mga kids sabi ng kuya nyo I love you daw sa inyo! Ang sweet diba?"

"Anong sinasabi mo Baichi?" ngumisi ako sa pagkunot ng noo niya.

"Mga kids, love nyo din ba si kuya Richard?"

"OPOOOOOOO!!!" sagot ng mga bata habang ginugulo si Lee-ntik at nilalantakan yung mga icecream nila. Yung iba kalat-kalat na sa labi at buong mukha yung icecream.

"Kung ganun, i-kiss nyo na si kuya!" sigaw ko kaya nanlaki yung mga mata niya.

"Baichiiiiiii!" tumawa ako nang dumugin na sya ng mga bata habang nakaupo sya sa damuhan at pinaghahalikan sa buong mukha kaya yung mga icecream sa bibig ng mga bata eh, napunta rin sa mukha nya!

"HAHAHAHAHAHAHA! Leche! HAHAHA!" pagtawa ko na parang wala ng bukas. Napahawak pa ako dun sa kariton ni kuya habang tumatawa. "Nakakatawa ka! HAHAHAHAHAHAHAHA!"

Kinuha ko yung cellphone sa bulsa ko at pinicture-an siya habang tawa ako ng tawa. Yung mukha ni Lee-ntik! Priceless! Hahahaha!

"Ah. Nakakatawa?" sabi nya habang tumatayo na.

"OO HAHAHA!" hinampas-hampas ko pa yung kariton ng icecream. "Hahahahaha!"

"Ah, nakakatawa pala ah."

Napatigil ako sa pagtawa nang maramdaman kong may braso pumulupot sa waist ko. Napatingin ako sa harapan at nakita si Richard na karga-karga nanaman sa kaliwang braso nya si Aaron na lumalantak ng icecream. Kumalabog ang dibdib ko dahil ang lapit nya at sa iniisip niya.

"Ano? Nakakatawa ba Baichi?" ngumisi siya ng nakakatakot. Huhu.

"Ahh..." I gulped, habang tinitignan siya sa mukha. Tumawa ako ng awkward. "Ha-ha! Oo- ay hindi pala! B-bakit? Ang cute mo nga sa ganyan eh. Hehe." tinry ko makawala pero takte, ang higpit ng hawak niya!

I gulp again for the nth time habang tinitignan si Aaron na nilalantakan yung icecream nya.

Tumawa din ng sarcastic si Lee-ntik.

"Hahaha. Ganon? Cute ako?" mas hinapit nya pa ako palapit kaya mas natitigan ko yung mukha niyang pubo ng icecream. "Then let's be cute together."

Tapos bigla na lang ako kiniss ni Aaron sa magkabilang pisngi. Natulala ako at...

"Hahahahahahaha!" pagtawa ng mga bata. Nalaglag ang panga ko nang naramdaman ko yung malamig na icecream sa paligid ng ilong ko na sinalampak ni Aaron. "Hahahaha! Ang kyut ni ate!"

Tinignan ko si Lee-ntik.

"Ayan. Cute ka na rin baichi. Pfft." tsaka niya ako nilagpasan at naglakad na palayo. Nagsitawanan ulit yung mga bata.

"Aba't..." slowmo pa akong napatingin sa apa at icecream na nalaglag sa harapan ko, bago ko lingunin ulit yung papalayong si Lee-ntik. Napasigaw ako sa inis. "AISH! RICHARD JAYDEE LEE-NTIK KA TALAGA!"

Hindi sya lumingon.

"Mga bata bilisan nyo na! Ang mahuli Baichi!" sigaw niya sa mga batang nakasunod sa kanya. Nagtakbuhan naman yung mga bata.

"Baichi? Ayoko maging Baichi!"

"Takbo dali!"

"Magiging tinapay tayo!"

Napailing-iling na lang ako sa kinatatayuan ko habang tinitignan silang pabalik ng orphanage.

"Hay, bwisit talaga ang isang yun." bulong ko.

"Ineng!"

"Ay tinapay na sunog!" halos mapatalon ako sa kaba nang may kumalbit sa balikat ko. Napatingin ako, at si kuyang naga-icecream lang pala. Jusko naman!

"Ineng ito icecream oh, pampalamig. P7.50 na lang." ngumiti pa.

"Ang mahal! P5 lang yan eh. Feeling Ariel?!" sagot ko bago ako sumunod sa kumag papuntang orphanage.