Chereads / Her Gangster Attitude / Chapter 28 - Chapter 27: As Promised

Chapter 28 - Chapter 27: As Promised

IYA

Gabing-gabi na kaming nakatapos sa pamimili. Hindi lang sampung naglalakihang paper bags ang bitbit ko pag-uwi sa village. Mabuti na lang at hinatid ako nila Yana hanggang sa may gate. At kahit halos malasog na ang mga buto ko sa braso ay pinilit kong marating ang kwartong tinutuluyan ko.

Hindi ko na lang pinansin ang masasamang tingin sa akin ng mga katulong. Bakit ko ba sila papansinin eh hindi naman sila ang may hawak ng buhay ko. Bahala silang mag-isip ng kung anu-ano.

Ibinagsak ko lahat sa sahig ang mga damit na pinamili namin. Sa dami nito baka hindi ko kaagad matapos ang pag-aayos nito sa loob ng isang araw lang. Kailangan pa naman naming magpunta sa school bukas dahil maraming umoorder ng mga lutong kakanin. Iilang araw pa lang ang 'business' naming lima pero hindi ko inakalang magb-boom iyon kaagad.

At dahil masyado akong na-stress sa pagsusukat, kumuha ako ng juice at vegetable salad sa maliit na ref saka iyon dinala sa veranda ng kwarto. Malamig ang simoy ng hangin sa labas. Napakatahimik ng kapaligiran. Unti-unting na-relax ang isipan ko dala ng katahimikan ng paligid. Makakaidlip na sana ako kung hindi lang ako nakarinig ng mga nagsisigawan mula sa mansion.

"I told you to stop messing with him, Flaire!"

Noon ko lang narinig ang boses lalaki na iyon. At mukhang galit na galit s'ya kay Flaire the flirt.

Teka nga Iya. At bakit s'ya naging flirt?!

Pansumandaling huminto ang mundo ko dahil sa tanong na iyon ng isipan ko. Bakit nga ba? Ano naman kung magpaka-flirt s'ya sa harapan ni Ivan? Magdyowa sila so natural lang ang ganun hindi ba?

Nagkunwari akong nakatulog habang nakayupyop sa malamig na lamesang gawa sa bakal.

"But dad. He's my fiance!" Maktol na sagot naman ng boses na kahit yata tulog ako ay makikilala ko.

"Your what? What are you talking about? His older brother WAS your fiance, Flaire. Was. Apologize to Iker or be prepared of what's going to happen. Isa-isa nang nag-alisan ang mga shareholders ng kumpanya. At kapag hindi tumigil 'yun. I hope you're prepared," ipinagdiinan pa ng may edad na lalaki ang mga katagang 'was' na para bang sa pamamagitan noon ay mas maiintindihan iyon ng anak n'ya.

"W-wait. What are you talking about dad? What older brother? Akala ko ba nilinaw ko na sa inyo noon na si Iker ang gusto kong maging fiance?"

"Yes. Nilinaw mo sa amin kaya kami na mismo ang umatras sa kasunduan. Magiging fiance mo ang panganay na de Ayala o walang kasalang magaganap in the future. Hindi mo pwedeng pakialaman ang bunso nila, Flaire. Lahat sila, espesyal ang trato sa kanya. Lahat sila ibinibigay lahat ng gusto n'ya at sa bahay nila, mas nasusunod ang bunso nila kesa sa kanilang mag-asawa. You can't handle him just like his parents. Nobody can't handle him. Apologize or we'll loose everything,"

Seryoso ba ang tatay ni Flaire sa mga pinagsasasabi n'ya? Mas nasusunod si Iker kesa sa mga magulang n'ya? Aba, makakatikim na naman ng kutos sa akin ang kumag na 'yun ah. Ang kapal ng mukha. Pagkatapos s'yang isilang sa mundong ibabaw, bigyan s'ya ng pangalan at ibigay lahat ng gusto n'ya. Tapos mga magulang pa n'ya ang susunod sa gusto n'ya? Iba din.

"What? Dad. Bakit ako mag-a-apologize?"

"He called us this afternoon. Told us you kissed him. And also told us na sana alam mo kung anong gulo ang pinasok mo. And after his call ended, sunod-sunod na nagsipag-alisan ang mga shareholders ng kumpanya natin. Sa palagay mo ba coincidence lang na nangyari 'yun? Hindi ka namin tinuruang maging bastos, Flaire. Kung hindi ka magbibigay ng apology kay Iker, humanda ka ng bumalik sa dati nating buhay."

Katahimikan.

Pasimple akong sumilip sa ibaba ng veranda. Kitang-kita ko ang takot sa magandang mukha ni Flaire. So gawa-gawa n'ya lang pala ang nasa video? All along s'ya lang pala ang nag-aassume na may something sa kanila ni Ivan?

Hindi ko tuloy mapigilan ang awang naramdaman ko para sa kanya. Ewan ko ba, parang bigla na lang nilipad ng hangin ang inis na nararamdaman ko. Parang bigla ring lumayas ang pangangasim na nararamdaman ng dibdib ko kanina pa.

Hindi ko rin maipaliwanag kung bakit parang gumaan ang pakiramdam ko dahil sa nalaman ko. Bukod sa mangyayaring date. Maghapon ko ring inisip ng inisip iyong narinig ko kanina sa phone ni Park. Paulit-ulit kong sinasabi sa sarili ko na hindi ko naman dapat pinapakialaman iyon pero hindi ko magawa. Bigla na lang akong nalungkot na hindi ko mawari.

_____

"Anyare sa'yo bes? Bakit mukha kang panda today?"

Antok na antok pa talaga ako promise. Pero anong magagawa ko? Hindi ako pinatulog ng lintek na si Ivan kagabi. Pinapakulam siguro ako ng kumag. Kainis. Naiinis talaga ako. Bakit ba kailangan kong isipin ang date na 'yun?

Kainis talaga!

Hindi naman ako dapat nai-excite pero hindi ko mapigilan.

"Na-h-homesick ako," pagdadahilan ko.

Half true naman iyon. Nang maisip ko kase sila lola bigla ko ring naisip si Ivan. Naisip ko ang mga almusal, tanghalian, meryenda at hapunan na masaya naming pinagsasaluhan noon. Naiisip ko rin. Ano kayang pakiramdam na dalawa kaming uuwi sa Baryo Katahimikan?

"Oh? Bakit namumula ka? May sakit ka ba Iya?" tanong naman ni Yana.

Mabilis akong nag-iwas ng tingin. Ayokong mabasa nila sa reaksyon ng mukha ko kung ano ang iniisip ko. Nakakahiya.

"O-okay lang ako. Me-medyo naiinitan lang,"

"Naiinitan?"

"Aba, naka-full blast na ang aircon nitong sasakyan. Naiinitan ka?!"

"Aba, iba na 'yan. Ganyang-ganyan ako kapag may pinagnanasaan ako. Sinong malas na lalaki?!"

Hanudaw?

Parang tumakas ang kaluluwa ko dahil sa sinabi ni Josefa ah.

Teka,

Teka lang! Bakit nahulaan 'yun ni baklita?

"Shut up Josefa." pinilit kong patatagin ang boses ko kahit na ang totoo ay muntik na akong mautal. Inirapan ko pa s'ya para dama.

"Okay ka lang ba talaga?" Nag-aalalang tanong ni Ces.

Tinanguan ko s'ya.

Maaga ulit kaming pumasok ngayon dahil marami kaming kailangang iluto dahil sa dami ng orders.

"Guys alam n'yo dapat kumuha na tayo ng helpers."

Lahat kami ay napatingin kay Yana. Kasalukuyan kaming naglalakad sa abandonadong gusali na tinatawag nilang TR o The Ruins.

"Anong helpers?"

"Tagaluto. Tagalagay sa styro. Assistant ng magluluto. Taga pamili. Hindi naman natin magagawa ang ganito araw-araw. Lalo pa at kinukuhanan ng dugo buwan-buwan itong si Iya. Base sa computation ko, malaki naman ang kinikita natin. Kahit na kumuha tayo ng tatlong tauhan, may kita pa rin tayo,"

Natahimik kaming lahat sa sinabi ni Yana. Sa totoo lang, hindi ko naman talaga inaasahan na magseseryoso sila sa ginagawa namin. Iniisip ko nga after ilang linggo lang, mag-isa na lang akong gagawa nito eh. To the point na hindi ko rin naisip na kailangan ko nga pa lang alagaan ang sarili ko dahil blood donor ako. Mas malaki ang ibinibigay sa akin ng magaling kong nanay kesa sa kinikita namin dito.

Pwede naman akong magpayaman pagka-graduate. Sa ngayon, hindi ko pwedeng pabayaan ang sarili ko dahil ito ang bubuhay sa lola ko. Kung magkakasakit ako at hindi na mapakinabangan ng magaling kong nanay at asawa n'ya ang dugo ko. Malamang sa malamang hahanap sila ng pwedeng donor. At saan ko naman kukunin ang 15k para sa maintenance ni lola monthly?

"I agree. Hindi ko rin pwedeng utusan palagi si nanay na gawin ang pamimili. Kahapon lang nagkasipon s'ya kase naulanan sa palengke," malungkot na wika naman ni Josefa.

"Saan naman tayo hahanap ng helpers?" Tanong ko.

"Marami tayong makukuha. Mas maganda sana kung mga estudyanteng nangangailangan ng extra income ang kunin natin," ani Ces.

"Kung gagawin natin 'yan, kailangan din natin maghanap ng bagong lugar. Kailangan nating bumili ng mga gagamitin sa kitchen. Hindi naman pwedeng ibigay natin ang lokasyon ng Kitchen Dungeon hindi ba? " sabi ko naman.

Saglit na nag-isip ang apat.

"Walang problema sa gagamitin nating bahay. Pwede kong hiramin 'yung lumang apartment ng kuya ko na pinabayaan n'ya na. Kapag nakaipon na tayo, bibili syempre tayo ng isang malaking lupa, tama? " nakangising saad naman ni Yana. Nagniningning pa ang mga mata n'ya habang tila nangangarap na nagpaplano.

"May oven ako sa bahay. Pwedeng iyon muna ang gamitin natin, " nakangiting segunda naman ni Ces.

"M-maraming utensils si m-mommy na hindi na ginagamit. H-hihingin ko 'y-yun, " nauutal naman na sambit ni Sue. Pero dahil naitawid naman n'ya ang mahaba-haba n'yang paglilitanya, hindi namin mapigilan ang palakpakan s'ya. Namula tuloy mula ulo hanggang paa ang bata.

"Iyong ref namin sa bahay. Hindi na namin ginagamit kase ang lakas sa kuryente. Pwede ko iyong hiramin kay mother-earth, " anaman ni Josefa.

Nagkatinginan kaming lahat. Pare-parehong nagniningning ang aming mga mata.

"It's settled then. Ang susunod naman nating hakbang ay gawan ng pangalan ang ating munting negosyo, " nakangiting sabi ko. Hindi ko mapigilan ang sayang nararamdaman ko.

At isa lang ang napagtanto ko sa mga sandaling ito. Ang mga kabataang nasa section C. Hindi sila 'trash'. Mas lalong hindi sila patapon. Hindi lang sila binibigyan ng chance. Mabubuting tao sila na mas pinili na lang panindigan kung ano ang tingin ng madla sa kanila. At sa mga sandaling ito... wala akong ibang maramdaman kundi saya dahil nakilala ko sila. Hindi ko kailanman ikakahiyang isa ako sa kanila. Na isa ako sa mga tinatawag nilang patapon. Para sa akin, nakaka-proud ang mga taong nasa harapan ko ngayon.

Matapos ang aming pagpaplano ay dali-dali na kaming nagtungo sa Kitchen Dungeon. At dahil simple lang naman ang mga kakaning ginawa namin ngayong araw. Mabilis kaming nakatapos sa pagluluto. Ilalabas na lang namin iyon mamayang breaktime.

"Ansarap ng buko pie," nagniningning ang mga matang sambit ni Josefa. Papasok na kami sa classroom. Marami ng mga estudyante nang makapasok kami sa loob.

"Lahat naman masarap sa'yo," napapailing kong saad.

Napahinto ako sa paglalakad ng makita kong pinagkakaguluhan ang upuan ko.

"Anong meron?" Magkasabay pa naming tanong ni Yana.

Isa-isang umalis ang mga kaklase ko. Nakakunot-noong lumapit ako sa upuan ko at literal na napanganga nang makita ko kung ano ang nasa ibabaw ng arm chair.

Isang mabalahibong kuting na mukhang imported!

May nakalagay pang ribbon sa mabalbong leeg ng kuting. Kulang na lang ay maghugis puso ang mga mata ko. Isa sa mga weakness ko ay ang mababalahibong hayop. Pero kumpara sa aso, mas gusto ko ang pusa.

"Kanino 'to? Bakit nandito?" Excited na lumapit ako sa kuting at nilaro-laro iyon.

"Duh. Nasa upuan mo, natural sa'yo,"

Lumingon ako kay Angielyn.

"Sa akin? Kanino nanggaling? " nagtataka kong tanong.

"Basta may nag-iwan n'yan d'yan, " wika naman ni Heiley.

"Weh?! "

"Sa'yo nga 'yan. May nagpapabigay. Basahin mo kaya ang note,"

Note?

May note?

Binuhat ko ang kuting at napansin kong may note nga sa ilalim nito. Kinakabahan na dinampot ko ang kulay lavender na card na hinihigaan ng kuting.

As a promised. -I

"As a promised? I?"

Si Yana ang nagbasa.

"Secret admirer mo Beshy? Bakit hindi yata namin alam? Anong as a promised?"

At para masagot ang tanong ni Josefa, bigla na namang naglakbay ang diwa ko sa kung saan.

_FLASHBACK_

"What happened?"

Nakasimangot pero naiiyak na tiningnan ko si Ivan.

"Nakakainis,"

"Ang alin?"

"Iyong ale."

"Sinong ale?"

"Basta 'yung ale. Bakit ka ba tanong ng tanong? Naiinis na nga ako tanong ka pa ng tanong d'yan. Basta naiinis ako. Pinabayaan n'ya 'yung pusa n'ya. Hiningi ko na 'yun sa kanya ayaw naman n'yang ibigay dahil imported daw 'yun. Persian! Can't afford ko raw. Alam ko namang can't afford ko 'yun. Kaso, hindi ko naman hihingin 'yung pusa n'ya kung hindi n'ya pinapabayaan. Nasagasaan tuloy kanina. Ni hindi man lang n'ya ipinalibing. Itinapon lang sa basurahan kaya tumakas ako sa school kanina para kunin sa basurahan 'yung pusa. Kahit na hayop 'yun. May buhay pa rin 'yun. Kandasugat-sugat ako oh. Ang tigas-tigas naman kase nung napili kong lupa na paglilibingan. Pero okay lang. Ang importante nabigyan ko s'ya ng maayos na libingan. Hindi 'yung pinabayaan lang sa basurahan."

Umiyak na ako. Pangalawang beses ko na 'tong umiyak sa harapan n'ya. Naiinis talaga ako. Bakit may mga taong kumukuha ng hayop tapos hindi naman nila alagaan? Hindi ba nila alam na may buhay din naman ang mga 'yun?

"Gusto mo ng pusa?" Seryosong tanong ni Ivan.

Umiling ako.

"Can't afford," sumisinok pang sambit ko.

"Kapag nagkita tayo ulit in the future. I promise, bibigyan kita ng pusa."

"Weh? Promise?"

"Promise,"

Nginiwian ko si Ivan.

"Asa ka. Ang lakas ng loob mo kase alam mong di na tayo magkikita,"

_END of FLASHBACK_

Now, thinking about that memory...hindi ko akalain na magkikita nga kami ulit ni Ivan. At maaalala n'ya pa ang pangyayaring iyon.

"Hoy! Ano na? Lumipad ka na sa Mars sa sobrang kilig?"

Napangiwi ako dahil sa sakit ng paghampas ni Josefa sa braso ko. Inirapan ko lang s'ya. Since ang pangako ay pangako. Hmp! Iuuwi ko na ang kuting na 'to.

Masiglang inilagay ko ang kuting sa kulungan n'ya saka ako nagmamadaling nagpunta sa Dungeon Kitchen. Doon ko na muna s'ya ilalagay. Baka makita ng mga teacher ay mapagalitan pa ako.

"Ay sino pa lang nagdala nito?" Kaagad akong bumalik sa classroom ng maalala iyon.

"Ako po Boss Mam!" Tiningnan ko ang estudyanteng binubully ni Iker noon sa may rooftop.

"Pakisabi sa kanya. Maraming salamat," hindi ko mapigilan ang mapangiti ng muling tumalikod.

Hindi lang ako masaya dahil sa kuting. Napangiti din ako dahil bigla kong naalala ang isang pangyayari noon na hindi naman na nagbalik pa sa isipan ko. Hindi ko nga akalain na may moment pala kaming ganun ni Ivan.

Kagaya ng inaasahan. Punong-puno talaga ng samu't-saring memorya ang dalawang buwan na 'yun. Huminga ako ng malalim saka matiim na tinitigan ang kuting.

C'mon Iya. Don't get carried away. Tinupad n'ya lang ang pangako n'ya. Hindi ka dapat kinilikig ng ganyan.

Mabilis kong sinupil ang pagkawala ng isa na namang matamis na ngiti mula sa mga labi ko. Hindi ako kinikilig okay? Masaya lang ako. Kapag ba nakangiti kinikilig na? Hindi ba pwedeng masaya lang?