Chereads / Her Gangster Attitude / Chapter 16 - Chapter 15: Outdated Map

Chapter 16 - Chapter 15: Outdated Map

IYA

Nasa Siudad nga ang bahay ni Ces pero ang dami pang pasikot-sikot bago makarating sa apartment n'ya. Hindi iyon kalakihan pero para sa kagaya n'yang mag-isang nakatira doon, malaki na ang naturang bahay. Punong-puno din iyon ng magagara at high tech na kagamitan.

"Mag-isa ka lang dito, Ces?" Hindi ko mapigilang itanong.

"Wow, Sis! Ang dyosa naman ng house mo. Ang sosyal," bulalas naman ni Josefa.

"Wag nga kayo d'yan. Sa jowa ko 'to," natatawang sagot ni Ces sa amin.

"Wow, rich si boyfie," si Josefa ulit.

"Sinong aayusin ko Ces?"

Nag-angat ng paningin kaming lahat sa nagsalita. Ang ganda-ganda ng babaeng bumababa sa hagdanan. Naka-pajama lang s'ya pero hindi nabawasan nun ang gandang meron s'ya.

"Here. Lika na Iya para makapagsimula na kayo ni Alona,"

Nahihiya pa akong lumapit kay Alona. Para kase akong pulubing lumalapit sa isang dyosa.

Naghikab ang babae bago ako inikutan. Hinawakan n'ya ang baba ko saka itinaas ang mukha ko kapantay ng mukha n'ya.

"Hmm, I like your eyes. Clear and fierce ang dating. Itong kilay mo, konting bawas at korte lang panalo na. Matangos naman ang ilong mo at kahit lip tint lang ang gamitin mo pasok na sa banga,"

Pinindot-pindot n'ya pa ang ilong ko habang panay ang pagtingin n'ya sa magkabilang parte ng pisngi ko.

"I also like your tan complexion. Come here," humila s'ya ng isang upuan at doon ako pinaupo.

"Sige lang. Take your time, tutulog lang kami ulit. Oi, Celeste kapag dumating si mudrabells kunin mo na lang ang mga pinamili n'ya ha. Antok pa ako mga beshy!"

Hindi na hinintay pa ni Josefa na sumagot pa si Ces. Nahiga na s'ya sa natagpuang sofa. Sila Yana at Sue ay nakahanap din ng maayos na pwesto. Kaming tatlo lang nila Ces at Alona ang nanatiling gising. Nagbibigay ng suggestions si Ces kay Alona na ang ilan ay sinasang-ayunan naman nito.

"Nasubukan mo na ba ang short hair?" curious na tanong ni Alona.

Napalingon ako kay Ces. S'ya kase ang nagbigay ng suhestiyon na paiksiin ang mahaba kong buhok.

"Believe me, mas babagay sa'yo 'yun. Hindi mo lang sinusubukan kaya akala mo hindi babagay sa'yo," saad ni Ces habang nakatitig sa akin ng walang kakurap-kurap.

Tumingin ako sa repleksyon ng sarili ko sa salamin. Maiksing buhok? Hindi ko pa nasubukan 'yun kahit na kailan. Bahagya akong kinabahan pero hindi ko rin naman maiwasang makaramdam ng excitement dahil kapag nagkataon ito ang kauna-unahang pagkakataon na masusubukan kong magpaiksi ng buhok.

"Konting kulong pa sa aircon at babalik sa normal ang kulay ng balat mo. Hindi ka naman talaga tan, you have a very fair skin," ani Alona saka hinila ang kwelyo ng suot kong uniform. Tumambad sa kanya ang maputing kulay ng balat ko. Maputi naman talaga ako. Kaya lang ako naging negrita ay dahil sa kabibilad ko sa bukid. Sabi nga nila lola namana ko daw sa nanay kong magaling ang magandang kutis ko. Kaya naman para matigil na sila sa kakakumpara sa akin sa kanya, mas pinili ko talaga na magbabad sa initan para umitim pa lalo ang kulay ng balat ko.

"Huwag kang malikot,"

Kinuha ni Alona ang gunting at suklay n'ya. Nagsimula s'ya sa paglalagay ng section sa buhok ko.

"Dry na ang dulo ng buhok mo. I really have to cut this,"

Hindi na ako nagkomento. S'ya naman ang nakakaalam ng mas dapat gawin. Habang abala s'ya sa buhok ko, humanap din ng pwesto n'ya si Ces at muling natulog. Nag-games lang ako sa cellphone dahil hindi naman ako makakatulog. At isa pa, nakakahiya naman kay Alona.

Ayaw n'ya akong patinginin sa harapan ng salamin. Surprise daw sabi n'ya. Tahimik lang si Alona habang ginugupitan ako. After forty five minutes ay mukha ko naman ang binusisi n'ya. Kung anu-anong cream din ang pinaglalalagay n'ya.

Nang magising ang apat ay saktong inilapag na ni Alona ang kung anumang brush na ginamit n'ya sa kilay ko. Pambihira, pati ba naman kilay kailangan pang bina-brush? Kinakabahan na nga ako sa kung anu-anong pinag-aapply n'ya sa mukha ko dahil wala naman akong kahit anong nilalagay eh.

"Now, look,"

Excited na excited pa si Alona habang hinihila sa harapan ko ang human sized mirror na inilayo n'ya kanina.

Huh...

Ilang beses akong kumurap-kurap dahil hindi ko makilala ang mukhang nasa harapan ko.

Who's that girl?

"Sino s'ya?"

Nagtatakang itunuro ko ang babaeng nasa salamin. Nang itaas ko ang kamay ko, tumaas din ang kamay n'ya. Nang humawak ako sa buhok ko, hinawakan n'ya rin ang buhok n'ya. Napalingon ako sa apat.

Awtomatikong tumaas ang kilay ko ng makita kong tila na-estatwa ang mga ito.

"May mali sa mukha ko 'no?" Kinakabahang tanong ko.

Sunod-sunod na tumango ang mga ito.

"Hindi ko akalain na ganyan ka pala ka-dyosa beshy!"

"Konting ayos lang pala pwede ka ng pantapat sa reigning Miss Campus ng Ayala Academy," anaman ni Ces.

"Pwede ba kitang ligawan?" Kinusot-kusot pa ni Yana ang mga mata n'ya.

"So pretty," nakangangang anas ni Sue.

Lumingon ako kay Alona. Nagkibit lang s'ya ng balikat.

"Ginupitan lang kita at nilagyan ng kaunting foundation. Inayos ko rin lang ang kilay mo. Konting lip and cheek tint. Saka, bagay sa'yo 'yang bangs. Hindi ko rin ini-expect na ganyan ang kalalabasan,"

Sinapo nang magkabila kong kamay ang pisngi ko. O my! Ako nga 'to! Hindi ko makilala ang sarili ko eh. Sinong mag-aakala na may itinatago pala akong...napalunok pa ako ng ilang beses. Hindi ko talaga lubos maisip na lalabas akong ganito kaganda. Well, alam ko maganda ako. Pero hindi ganito kaganda.

"Ako talaga 'to?" Sabay turo sa sarili ko. Ganoon din ang ginawa ng babaeng nasa salamin. "No way!"

"Ngayon alam ko na kung bakit patay na patay si Iker sa'yo beshy," nanunudyong wika ni Josefa.

Biglang nawala ang ngiti sa mga labi ko. Okay na ang mood ko eh. Bakit naman kailangan pang ipaalala ang lalaking 'yun? Pero kahit na ipakita ko sa kanila na naiinis ako. Deep within me, bigla akong nakaramdam ng kakaiba na s'yang nagpakaba sa puso ko. Mapapansin n'ya kaya?

Susme naman Iya. At talaga bang umaasa ka?!

I took a deep breath at pilit na inalis sa isipan ko ang kung anumang kalokan na pumasok doon. Bakit pa ba ako umaasa? Dahil lang ba naging mabait s'ya at approachable noong mga panahong nakatira s'ya sa amin noon?

"Magkano ang babayaran ko?" Tanong ko kay Alona, ignoring Josefa's twinkling eyes.

"Free 'yan sa ngayon. Sa susunod may bayad na. Here's my calling card and salon address. Kung may kailangan ka, just give me a call."

Nahihiyang kinuha ko ang calling card ni Alona at inilagay iyon sa wallet ko.

"Sasabay ka na ba paglabas or dito ka muna?" Tanong ni Ces. Medyo worried ang boses n'ya kaya naman napatingin ako sa kanya. Sa boyfriend n'ya nga naman itong bahay. Paano kung biglang dumating 'yun tapos hindi si Ces ang maabutan nito?

"Sasabay na rin ako. Hatid n'yo na lang ako sa terminal ng bus. Taga-City B ang client ko ngayon eh,"

Nagsitayuan na ang mga kasama ko. Kanya-kanya kaming kuha ng bag at sunod-sunod din kaming lumabas ng bahay ni Ces.

Nagsisimula ng kumalat ang liwanag sa labas ng mabuksan namin ang pintuan. I took out my phone and look at the time. Ten minutes bago mag-five. Kung makakarating kami sa school ng 5 at magsisimula ang klase ng 9am, mayroon kaming tatlo at kalahating oras para magluto.

"I have a question," habang umaandar na ang sasakyan ay sambit ko. Lahat sila ay lumingon sa akin at pinaningkitan ako ng mga mata.

"You're so gorgeous talaga, beshy," para bang kilig na kilig na sambit ni Josefa. Upakan ko 'tong baklang 'to eh. Daming alam sa buhay.

Inirapan ko si Josefa saka tiningnan ng masama ang iba pa. Huwag nga nila akong matingnan-tingnan na para bang napaka-interesante kong microscopic organism na tinitingnan nila sa ilalim ng microscope. Napansin yata nilang masama na ang tingin ko sa kanila kaya nag-iba silang lahat ng tinitingnan.

"Uhm, anong itatanong mo?" Tanong ni Yana pagkatapos tumikhim.

"Sa mga kaklase natin lang ba tayo magtitinda o may iba pa kayong alam na pwedeng pagbentahan? The more the costumer, the merrier,"

Hindi ko mapigilan ang mapangiti habang ini-imagine kung paano magb-bloom ang negosyong iniisip namin.

"Huwag mo ng isipin 'yun. Ako na ang bahala doon. Basta siguruhin mo lang na masarap ang lulutuin mo. Na hindi tayo mapapahiya sa ibebenta natin,"

Nginitian ko si Yana na biglang nag-freeze.

"Oh my! Don't smile at me like that girl, natotomboy ako!" Namumula pa ang magkabilang pisngi na nag-iwas ng paningin si Yana.

Tsk. Ang labo talaga ng mga taong 'to. Kapag sila tumingin, ngumiti at tumawa okay lang. Kapag ako naman ang gumawa noon, nakakatomboy? Lokohan ba 'to?

Mabilis lang ang naging byahe namin dahil magaling maghanap ng short cuts ang personal driver ni Yana.

"Dideretcho po ba tayo sa campus?" Tanong ng driver ni Yana.

"Oo,"

"Oo,"

"Oo,"

"Oo,"

"Hindi,"

Sabay-sabay pa kaming sumagot. At muli na naman nila akong tiningnan dahil silang lahat ay umoo ako lang ang humindi.

"Bakit hindi?" Tila iisang tao na tanong nilang lahat.

"Sinong nakakaalam ng 'The Ruins'?"

Napatingin sa isa't-isa ang apat.

"Bakit mo alam ang lugar na 'yun? Talaga bang bagong salta ka lang dito?" Nakakunot-noong tanong ni Yana. "Tambayan ng mga gangster ang lugar na 'yun. Ginagawa nilang arena 'yan at dun madalas ginagawa ang rambulan nila that's why they called it 'the ruins',"

Ano namang malay ko sa mga gangster na 'yan. Inilabas ko ang lumang mapa at ipinakita iyon kay Yana.

"I found that place, here,"

Kinuha iyon ni Yana. Para s'yang nagising sa nakita n'ya dahil bigla na lang nagliwanag ang buong mukha n'ya.

"Whoa! Saan mo nakita ang mapa na 'to? It's a treasure! We can freely exit and enter the school premises na hindi nakikita ng iba," sa sobrang excited ni Yana, nakalimutan n'ya yatang hindi ko naman ipapagamit sa kanila ang lumang mapa na 'to. At hindi rin ako papayag na gamitin namin sa kalokohan ang mga secret passages na matatagpuan namin dito. Unang kita ko pa lang nito sa ilalim ng kitchen counter, alam ko ng may kakaiba sa outdated na mapa. Hindi ko lang masyadong ma-gets ang mga lugar dahil hello, hindi naman ako taga dito.