Chereads / Kiss of Death and Shadows / Chapter 54 - Boooh!

Chapter 54 - Boooh!

MATAPOS MAGISING ay nagpumilit agad si Ansell na umuwi sa condo nito para roon na magpatuloy sa pagpapahinga. Kahit ilang oras na itong tulog ay tila kulang pa rin. Siguradong naubos nang husto ang lakas nito sa pakikipaglaban nila sa mga ravenium demon.

Dahil sa labis na pag-aalala para sa kaibigan kung kaya pinag-drive ni Lexine pauwi ang binata. Hindi na siya nag-abalang gisingin pa si Rico lalo na't malalim na ang gabi at ayaw na niyang makaabala sa pagpapahinga nito. Besides, wala namang traffic at twenty minutes drive lang patungo sa condo ni Ansell mula sa mansion nila.

"Thanks, Lexi. You don't have to worry anymore. I'm feeling much better. Ilang araw ka ng nag-aalaga sa `kin. I already owe you big time."

No, Ansell, I'm the one who owe you big.

Hinatid niya ito hanggang sa loob ng condo unit. Nagi-guilty pa rin siya pero wala na siyang magagawa. Nandito na ang lahat ng ito. Kailangan na lang niyang harapin at paghandaan.

"Pagaling ka na. Miss ko na pagka-hyper mo. Bye, sick boy," aniya bago lumabas ng pinto.

Ngumisi ito at ginulo ang buhok niya. "Mag-iingat ka sa pag-drive pauwi, okay."

"Yes, sir!" Hinalikan niya si Ansell sa pisngi at tuluyang nagpaalam.

Naglakad si Lexine patungong elevator at pinindot ang down button. Malalim siyang bumuntong-hininga. Saka niya lang naramdaman ang bigat ng katawan at mga talukap. Napakaraming bagay ang nangyari sa loob lang ng isang araw. Pakiramdam niya naubos ang lahat ng lakas niya at kakaunti na lang ang natitira para makauwi siya ng matino.       

Demons and Angels. She'd never believed those two entities were real. Ang buong akala niya ay likha lang ito ng malilikot na imahinasyon ng mga tao. Yes, she understood that there were good and evil in this world but not in a tangible element or being.

Bumukas ang elevator at agad siyang sumakay. Siya lang mag-isa ang nasa loob niyon. Pinindot niya ang ground floor, sinandal ang ulo sa stainless na dingding at pinikit ang mga mata. Nakakailang floor pa lang pababa ang elevator nang magsimulang magpatay-sindi ang ilaw. Napadilat siya at tumingala. Pundido pa ata ang bumbilya. Nakailang ulit itong kumisap-kisap hanggang sa tuluyan pumutok ang bumbilya at mabilis na nilamon ng dilim ang buong cab. Lumindol sa loob at napatili siya nang malakas. Wala siyang makita. Kinapa niya lahat ng mga button at pinagpipindot ang mga `yon pero walang nangyari. Hindi na gumalaw ang sinasakyan niya.

"Help! I'm trapped here! Help!" Pinagbabayo niya ang cab door. Lumipas pa ang ilang minuto ngunit wala pa ring nakaririnig sa kanya.

Mabilis na bumaba ang temperatura ng paligid. May kaluskos siyang narinig mula sa kanyang likuran. Nagsitayuan lahat ng balahibo ni Lexine. Napalunok siya nang madiin. Hindi niya magawang lumingon habang nagsisimula nang mamawis ang kanyang mga palad. Bumilis ang tibok ng kanyang dibdib. Nagsisimula na rin mangatog ang dalawang tuhod niya.

Lord naman, bakit ka ganyan sa `kin? Demons, angels, monsters at ngayon naman pati multo?

Nararamdaman ni Lexine na dahan-dahan itong naglalakad palapit sa kanya. Umabot na hanggang sa tuktok ng batok ang pagtirik ng balahibo niya. Ramdam niya ang tuluyang pagdikit nito. Unti-unting yumuko ang mukha nito sa balikat niya at bumulong. "Boooh!"

"AHHH!"

Nagpatay-sindi uli ang ilaw. Animo isa siyang batang sumiksik sa corner ng cab habang hindi maidilat ang mga mata. Halos tawagin na niya lahat ng santong kilala sa bibliya at mabilis na nirecite ang Our Father at Hail Mary. Ilang sandali pa ang lumipas nang makarinig siya ng hagikgik. Teka, pamilyar ang tunog ng tawa na `yan, ah!

Binuksan niya ang mga mata. Mabilis na umusok na parang tambutso ang dalawang butas ng ilong niya nang makilala kung sino itong walanghiyang nanakot sa kanya. Walang humpay ang tawa nito habang nakahawak pa sa tiyan at kulang na lang ay gumulong-gulong sa sahig dahil sa sobrang kaligayahan.

Nanggigigil na nilapitan niya si Night at mabilis itong pinaghahampas ng maliit na sling bag na dala-dala niya. "You evil son of a bitch! You scared me to death!" Akala niya talaga multo na!

Lalong lumakas ang halakhak ng gunggong habang sinasangga ang mga hampas niya. "You should've seen your face. It's so epic!"  

Kasing pula na ng kamatis ang buong mukha niya. She has never been so embarassed in her whole life! Makakapatay talaga siya ng tao—este ng diablo!

Buti na lang at tumunog na ang bell hudyat na nasa groundfloor na sila. Pinukol niya ito ng nakamamatay na tingin bago umibis ng cab at nagmamadaling lumakad palabas ng building.