Chereads / Kiss of Death and Shadows / Chapter 40 - We need help

Chapter 40 - We need help

ILANG LINGGO nang hindi nagpapakita o nagpaparamdam ang prinsipe ng kadiliman. Kahit sa class nila kay Mr. Hernandez ay hindi na rin ito pumapasok. Minsan nga ay si Lexine pa ang praning dahil pakiramdam niya palagi pa rin itong nakasunod sa kanya. Ngunit tuwing lumilingon siya sa paligid ay wala naman siyang nakikita kahit anino nito.

Mas naging matalas lang ang pakiramdam niya dahil na rin sa sunod-sunod na naging banta sa kanyang buhay. Hindi na rin niya muli nakausap si Cael at wala na itong pinadalang tao upang maghatid ng babala sa kanya. Hindi rin ito dumadalaw sa kanyang panaginip. Sinunod na lamang niya ang habilin nito at lagi na niyang dala-dala sa bulsa ang puting balahibo.

Kahit paaano'y nakahinga nang maluwag si Lexine. Pansamantalang naging tahimik at tila bumalik sa normal ang buhay niya. Ngunit hindi siya maaring mapalagay dahil nararamdaman niya na hindi rin magtatagal ang katahimikang ito.

Pagsapit ng weekends ay nagkita sila ni Ansell. Umabsent ito kahapon kaya't nag-alala siya na baka may nangyari ng masama rito. Sa paborito nilang coffee shop sila nagkita ng umagang `yon. Abala si Lexine sa pagbabasa ng magazine nang matanaw niyang pumasok ng coffee shop si Ansell.

"Hey, bakit absent ka kahapon?" agad niyang tanong nang makaupo ito sa kaharap na couch. Inabot niya ang paborito nitong java-chip frapuccino.

Umupo ito sa katapat niyang sofa. Panay ang ubo nito. Kumunot ang noo niya sa outfit ng binata. Naka-jacket ito kahit mainit ang panahon. Nagsuot pa ito ng bonnet at shades. Pansinin rin ang namumutla nitong labi.

"Okay ka lang, Ansell? May sakit ka ba?"

Umubo ulit ito bago sumagot. "No, this is nothing, just colds. Kahapon pa `to kaya hindi ako nakapasok."

"Uminom ka na ba ng gamot? May ubo ka na pala `wag ka nang uminom ng malamig. Tea na lang ang inumin mo," aniya sabay binawi ang frap.

Nagkibit balikat lang ito tapos umubo ulit. "Okay, mommy!"

Pagkatapos mag-meryenda ay nanood sila ng isang movie. Suspense-action ang pinanuod nila pero sa kalagitnaan ng palabas ay nakatulog ito.

Kahit pinagbawalan na ni Lexine ay nagpumilit pa rin si Ansell na ihatid siya sa ballet studio. Kahit sa weekends ay may practice sila. Being ballerina is not just a hobby but a lifestyle. Pagkahatid nito sa kanya ay mahigpit niya itong hinabilinan na umuwi na at magpahinga.

Bahagyang kinakabahan si Lexine pagkapasok niya ng studio. Pagkatapos kasi ng nangyaring pagsi-share niya kay Ms. Garcia nung nakaraan ay ngayon na lang niya ulit ito makikita dahil nag-file ito ng one week leave at nagbakasyon sa Singapore. Nahihiya tuloy siya dahil baka pinag-iisipan na siya ni Ms. Garcia na nababaliw dahil sa mga kababalaghang kinuwento niya. Kahit na wala naman itong sinabi at matiyaga lang itong nakinig sa kanya.

"Lexine, how are you feeling?" Agad siyang sinalubong ni Ms. Garcia ng yakap.

"Much better po."

"That's good to hear. After the practice kung wala ka sanang gagawin, I want you to come with me, may pupuntahan tayo."

Nabigla man sa sinabi nito ay sumang-ayon pa rin siya. Kaya pagkatapos ng practice nila ng araw na `yon ay agad silang dumiretso sa Pampanga kung saan doon ang sinasabi nitong bibisitahin nilang kaibigan.

"Sino po ba'ng pupuntahan natin dito Ms. Garcia at anu po ba'ng gagawin natin dito?" tanong ni Lexine matapos tumigil ng pulang Honda City na sinasakyan nila. Panay ang likot ng mata niya sa paligid.

May pinasukan silang masikip, liblib at putikang daan. Ngayon ay nasa kalagitnaan sila ng mga matataas na puno. Natatanaw niya sa labas ang bungalo house na gawa sa bato. May isang oras din ang naging byahe nila pagkalabas nila ng Dau exit from NLEX. Wala rin siyang ideya kung saang parte ito ng Pampanga.

Hinawakan ni Ms. Garcia ang dalawa niyang kamay na nakapatong sa kanyang hita. "She's someone who can help us regarding your problem."

Napalunok siya. "Ms. Garcia, hindi niyo naman po kailangan gawin `to."

Feeling niya sa isang psychologist siya nito dadalin dahil marahil iniisip nito na kailangan na niyang magpatingin sa doctor.

"No, it's okay, Lexi. If you're worried na baka hindi ako naniniwala sa mga sinabi mo, no, it's not like that. I believe in everything you said at kaya tayo nandito para makahingi ng tulong sa problema mo."

Hindi siya makapaniwala na talagang ginagawa ni Ms. Garcia ang lahat ng ito para sa kanya. Bumaba na sila ng sasakyan at binaybay ang maputik na daan patungo sa bungalo house. Wala siyang ibang nakikitang kabahayan sa paligid maliban sa pupuntahan nila. Tila isolated ang buong lugar at mukhang bihira rin madaanan ng mga tao dahil masyadong liblib. Hindi niya tuloy maiwasan ang pagkabog ng kanyang dibdib.

Nang makarating sila sa tapat ng kahoy na pintuan ay dumoble ang kabang nararamdaman ni Lexine. Una niyang napansin ang mabubungang bulaklak sa malawak na bakod. Napalilibutan ang buong bahay ng mga pulang rosas. May isang lumang water well sa gitna ng garden na napalilibutan ng lumot. Kung tutuusin ay maganda at alaga ang buong bahay.

Ilang beses na kumatok si Ms. Garcia. Nagtinginan silang dalawa habang inaantay nila na mabuksan ang pinto. Pagtapos ng pangatlong katok ay dahan-dahang bumukas ang pinto habang nag-iingay ang langitngit ng bisagra niyon.

Isang payat at maliit na babae na nakasuot ng makulay na damit ang bumungad sa kanila. Sa tantya ni Lexine ay nasa late forties na ito. Singkit ang mga mata nito, kulot ang mahaba at burgundy nitong buhok habang kumikinang ang mga crystal at gemstone na nakasabit sa leeg at magkabila nitong braso.

"Kumusta po kayo, Madame Winona?" tanong ni Ms. Garcia.